Afraid To Love (Part 10)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-10 labas)
BAGO pa muling maisip ni Crisben si Gemma ay niyakap niya ang dalawang kapatid. Ilang saglit pa ay hindi na niya mapigil na mahinang matawa nang mapansin niyang umiiyak na ang mga ito.
Pagkaraka ay nagkatawanan na silang tatlo. Habang nagpapaalaman ay patuloy pa rin siya, bilang kuya, sa paghahabilin sa mga ito.
“Pero sana nga, Kuya, sa next reunion natin may kasama ka na,” ani Mona.
At nameywang pa si Vener bilang pagsang-ayon sa kapatid. “Korek! Dahil pag wala pa rin, ipapakasal ka na namin sa kahit sinong unang mag-volunteer.”
“Puwes,” matapang niyang sagot. “Ngayon pa lang, humanap na kayo nang magbo-volunteer.”
Napuno na naman ng kasiyahan nila ang buong kuwarto.
**
KAPAG nga naman mamalasin…
Nasa gawing Balintawak, Quezon City na si Gemma nang masiraan siya ng kotse. Sinubukan niya iyong gawin dahil may alam naman siya sa mga gayon pero sa kasamaang palad ay nalagyan pa ng grasa ang suot niyang zip-up denim jacket kaya nagpasya na siyang tanggalin iyon.
Kung may choice lang siya ay babalik siya sa bahay niya para magpalit ng damit. With the jacket off her, she’s left with a white tube top paired with her button-down khaki skirt. So sexy, for a formal meeting she’s having with the owner of C.G. Restaurants!
Pero wala na siyang oras, alas kuwatro siya nito inaasahan at three thirty na. Sa Makati City pa ang office nito at tiyak na mata-traffic siya.
She’s left with no options but either i-cancel niya ang meeting o ituloy niya ang pagpunta roon looking like a total seductress! Napabuntunghininga siya pero nagpasya nang tumuloy.
Madali naman niyang maipapaliwanag sa kung sinuman ang ka-meeting niya ang kamalasang nangyari sa kanya. At siguro naman ay pamilyadong tao na ito, and for sure, kasingtanda na iyon ng kanyang lolo.
Kadalasan kasi sa mga nakaka-meet niya, lalo na kapag maunlad ang kumpanya ay may edad na ang taong nasa pinakamataas na posisyon.
Iniwan na ni Gemma ang kanyang sasakyan sa malapit na pagawaan at nagbilin na babalikan na lamang iyon. Pumara na siya agad ng taxi bago pa magbago na naman ang kanyang isip na tumuloy.
Hate na hate niya ang ma-late sa mga importanteng appointments na gaya nito. Dahil kung sa kanya man mangyari ay ayaw rin niyang pinaghihintay siya.
Pero sadyang napaglaruan yata siya ng panahon, na kung kailan Lunes ay saka naman pinagsunud-sunod ang kakatwang nangyayari sa kanya.
Buong pag-asam na lang niya na ito na ang huli at lahat ay magiging maayos pagdating niya sa opisina ng kakausapin niya.
**
ALAS SINGKO na ng hapon, isang oras ang nakalipas na naghihintay si Crisben sa wala.
Mainit na ang kanyang ulo lalo pa at gusto na rin niyang umuwi pero wala pa rin at hindi pa dumarating ang may-ari ng bago nilang supplier ng pastry products.
Ang isa pang nakakainit ng kanyang ulo ay nagpasabi pa ito na on the way na ito kaya wala siyang choice kundi ang hintayin ito.
Pagod siya dahil madaling-araw kanina nang umalis siya ng Tagaytay at nag-drive pabalik sa Manila. Hindi rin siya napagkatulog kagabi dahil sa dami ng kuwento ng mga kapatid niya.
Halos wala pa siyang tulog at pahinga. At sa ganito pa hahantong ang meeting niya?
Napasipol siya sa hangin sa inis!
END OF BOOK I
(To be continued...)