Afraid To Love (Part 11)
Nobela ni MAUI PELAYO
Book II
(Ika-11 labas)
KAHIT naiinis na sa pagkainip, naisip ni Crisben na wala naman siyang reklamo sa produkto ng Sweet Angels. For the past three days ay nasubukan na ng mga restaurants niya ang mga pastry products nito. At bukod sa masarap, tama lamang ang halaga at click agad iyon sa mga customers nila.
Pero naiinis pa rin siya na mapaghintay ng ganito katagal. Pormalidad na lang naman ang kailangan at ilang papeles ang kailangang mapirmahan.
Ilang minuto pa siyang naghintay pero nang wala pa rin ay tinawag na niya ang kanyang secretary.
“Uuwi na ‘ko, Olive,” aniya rito sabay kuha sa kanyang mga gamit.
“Pero, Sir, on the way na raw po si Miss…” nag-aalala nitong simula.
Pinutol na niya ito. “Kanina pa siya on the way, saan ba siya galing, sa America?” anas niyang sabi.
“Sir, baka naman po puwedeng maghintay pa tayo ng sandali,” pakiusap pa nito. “Baka po kasi na-traffic lang.”
“Hindi na excuse ang traffic sa panahon ngayon!” inis niyang banggit. Dahil habang ipinagtatanggol ni Olive ang missing-in-action niyang katagpo ay lalo namang umiinit ang ulo niya rito.
“Pero, Sir, traffic nga,” sagot naman nito.
“She should have left her house earlier,” aniya. “Sige na, Olive. Please, let me go home. Tell Ms. Ortiz, I’ve waited.”
“Pero, pa’no po pag dumating siya?”
“Sa bahay mo papuntahin, or kung gusto niya, bukas mo na lang pabalikin. I’m so tired, Olive. Konti pa at baka makatulog na ‘ko rito kaya uuwi na ‘ko,” aniya.
Hindi na nakatutol si Olive lalo pa at mabilis na siyang lumalabas ng office. Hindi naman siguro unethical ang kanyang ginagawa dahil naghintay naman siya. ‘Yon nga lang ay masyado nang late ang kausap niya.
**
EKSAKTONG alas sais nang makarating si Gemma sa opisina ng C.G. para lang sabihin sa kanya ng naghihintay na sekretarya ng may-ari nito na bukas na lang siya bumalik dahil umuwi na ang kakausapin sana niya.
Halos panghinaan siya ng mga tuhod lalo pa’t matindi na ang kanyang isinakripisyo para lamang humabol sa appointment na ito.
Ma-traffic na kanina pagdating niya ng Cubao kaya sumakay na lang siya ng MRT kahit pa kanina lang niya ‘yon unang nagawa.
Anong bait ng tadhana dahil eksaktong tumatakbo ang train nang mag-brown out naman at kalahating oras rin itong nahinto. Ang iba sa mga pasahero ay nagpasya nang bumaba at maglakad sa init ng araw pero hindi niya ‘yon magawa lalo pa sa kanyang kasuotan.
Pagdating sa Ayala Station ng MRT ay bumaba na siya at muling sumakay ng taxi dahil malapit sa Makati Medical Center ang opisina ng C.G.
Pero hindi pa rin siya tinigilan ng traffic dahil halos kalahating oras rin silang hindi tumatakbo. Anhin na nga lang niyang maglakad na lang, kung hindi lang lalo siyang mawawalan ng poise.
Dalawang oras siyang late sa meeting na ito. Pero hindi niya inakala na iiwan siya ng sadyang tao.
“Oh God…” pagod niyang palatak. “Ano’ng oras daw bukas?” Malungkot na ang kanyang tinig.
At tila nakikisimpatiya naman sa kanya ang sekretarya. “Umaga lang available si Sir bukas. May appointment siya ng ten o’clock, so, you have to be here by eight or nine.”
“What?” Hindi niya mapaniwalaang sabi. “I’m not an early riser, baka ma-late na naman ako. Kung puwede po, kunin ko na lang ‘yong address niya at do’n ko na lang siya pupuntahan.”
Umaliwalas din ang mukha nito. “Mabuti pa nga, Ma’am. Para maayos n’yo na ang lahat nang kailangan ninyong pag-usapan.”
Nagtungo na ito sa table nito at isinulat sa kapirasong papel ang address na kailangan niyang puntahan.
Pagkabasa ng lugar ay muntik na siyang mapasigaw sa inis. “He lives in Caloocan? But this is just two blocks away from my house!”
SUBAYBAYAN!