Afraid To Love (Part 12)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-12 labas)
NANG malaman ni Gemma kung saan ang address ng kamiting niya ay muntik na siyang mapasigaw sa inis. “He lives in Caloocan? But this is just two blocks away from my house!”
Hindi napigil ng secretary na matawa sa nakitang expression niya.
Kaya naman pinagtawanan na lang din niya ang sarili bago pa siya masiraan ng bait.
Nagpaalam na siya rito pagkaraka. Sumakay uli ng taxi para daanan ang kanyang kotse. Depende kung maaga pa, uuwi muna siya sa kanyang bahay. Pero kung hindi naman ay diretso na siya sa bahay ni…
Muntik na siyang mapamura, mabuti at napigil niya. Tama ba namang makalimutan pa niyang itanong ang pangalan na hahanapin niya sa address na ibinigay sa kanya ng secretary ng C.G.? At tama rin bang kalimutan nitong sabihin iyon sa kanya?
This is really not her day. Mabuti pang tumuloy na siya sa taong kausap para naman kahit isa ay may magandang mangyari sa lakad niya ngayong araw.
**
INIS na pinatay ni Crisben ang shower nang marinig niya ang sunud-sunod na pagdo-doorbell.
Wrong timing talaga kung sino man itong bisita niya dahil nasa kalagitnaan siya sa kanyang paliligo.
Gigil niyang hinablot ang tuwalya, bahagyang nagpunas at saka iyon mabilis na itinapi sa kanyang baywang. Hindi na siya nagbihis dahil ang akala niya ay kaibigan lamang niya ang dumating para kamustahin siya o kaya ay para mangulit ng libreng hapunan.
Pero natigilan siya pagbukas niya ng pintuan. Hindi niya kailanman inasahan na makikita niya uli ang dalaga at dito pa mismo kung saan siya nakatira.
“Gemma…” mangha niyang palatak.
Tila gulat na gulat din ito na siya ang sumalubong rito.
“Ahm… ahm… I am looking for C.G. Restaurants’ president…” Halatang may kaba sa tinig ng dalaga.
Mabilis ang tibok ng puso ni Crisben habang lalong naglilinaw sa kanya ang lahat. Kung gayon ay ito ang katagpo niya na hindi dumating sa oras kanina kaya niya iniwan.
“Ikaw si Ms. Ortiz?” nakangiti niyang tanong.
Hindi na rin nito napigilang ngumiti habang tumatango.
Binuksan pa niya ang pinto at pinapasok ito. “I’m C.G.’s president and also its owner. Crisben Garcia.” Masayang-masaya siya sa pagkakataong ito. Sa wakas, hindi man gustuhin ng dalaga ay makikilala na rin niya ito ng mas malalim pa.
Inabot niya rito ang kamay at hindi na rin ito nakatanggi at nakipag-shake hands sa kanya.
“Gemma Ortiz, at your service,” masaya nitong banggit. “Owner of Sweet Angels.”
Nagkatawanan pa sila habang tumutuloy sa kabahayan. Pinaupo niya ito sa sofa habang nagpapaalam na magbibihis muna.
“I wasn’t expecting you or anybody kaya hindi ko na nakuhang magbihis. Akala ko kasi friend ko lang.”
“Ah… pag ba friend mo, ganyan mo talaga sila hinaharap?” panunukso ni Gemma. “Siguro, babae ‘yong friend na ine-expect mo, ‘no?”
“Huh! Nagsalita ang disente,” ganti niyang panunukso rito. Hindi man kasi sila matatawag na magkaibigan, may nag-uugnay na sa kanila para mabilis na magkapalagayan ng loob. “You were supposed to meet a client in that sexy outfit?”
Bahagya namang pinamulahan ng mukha ang dalaga. “An impatient client, it turned out,” pabiro pa rin nitong tugon. “For your information, Mr. Garcia, I was wearing a denim jacket, looking so decent coz I thought that I’d be meeting with someone as old as my ancestors.”
“Oh, so you didn’t expect me to be the good-looking guy you’ve once broke the heart?” pasaring pa ng binata.
SUBAYBAYAN!