Skip to main content

Afraid To Love (Part 15)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-15 labas)

HABANG isinusuot ni Crisben ang mga inabot ni Gemma na pambahay sa kanya ay kinakalap nito ang kanyang pinagpalitan para isama mamaya sa iba pang marumi.

            Ano pa nga ba ang mahihiling ni Crisben? Bendisyon na lamang ng simbahan ang kulang, isang perfect housewife na para sa kanya si Gemma.

            “’Yong bills nga pala, Daddy. Ikaw na ang bahala bukas. Galing kasi ako ng grocery kanina kaya hindi ko na naasikaso,” anito.

            Napangiti si Crisben. Hindi siguro napapansin ng partner niya na habang nagtatagal ay lalo itong nagiging wifely ang dating. Sa loob ng tatlong buwan ay hindi pa rin niya ito naringgan ng pagtatapat na mahal na siya nito.

            Pero ayos na sa kanya ang ganito. Higit pa nga ang ipinapakita sa kanyang pag-aasikaso ni Gemma kaysa sa inasahan niya.

            “Tumawag nga pala si Mona kanina,” pukaw nito sa kagyat niyang pananahimik.

            Pati mga kapatid at mga magulang niya ay kasundo na rin ng dalaga. Batid din ng mga ito ang set-up nila pero wala ni isa ang humadlang sa kung ano ang kanilang ikaliligaya.

            “Ano’ng sabi ni Mona?” aniya.

            Bahagya itong natawa. “Hay naku, malaki na raw ang tiyan niya. Natatakot nga raw silang mag-asawa na baka kambal ang dinadala niya. But she’s still excited as before, or even more. Iniinggit nga niya ako, e. Ang sarap-sarap daw ng feeling na maging mommy.”

            Umiwas siya ng tingin bago pa mahuli ng dalaga ang pangungulila niya sa nabanggit nito. Kung siya kasi ang masusunod ay gusto na niyang magkaroon ng mga anak at simulang buuin ang isang tunay na pamilya.

            Pero tulad ng pangako niya noon kay Gemma, hinahayaan niya itong gawin kung ano lang ang gusto nito.

            “Ahm… mabuti pa, ihanda ko na ‘yong table para makakain na tayo,” tila sadya nitong pag-iiba ng usapan.

            Napatango na lamang si Crisben. Pinauna na niya ang dalaga sa paglabas sa kuwarto. Gusto niyang itago rito ang lungkot sa kanyang mga mata.

            Masaya at kuntento na siya sa piling ni Gemma. Pero hindi pa rin niya maalis ang pangamba at takot na baka dumating ang araw na magpakita uli rito ang dati nitong nobyo.

            Hindi na niya alam kung paano mabuhay na hindi kasama ang dalaga. Hindi yata niya kakayanin. Kaya bago pa kung saan pumunta ang isipin niya ay lumabas na siya ng kuwarto at sinundan si Gemma.

            Walang araw, walang oras na hindi niya hiniling sa itaas na ipaubaya na sa kanya ito. Na sana ay hindi na sila kailanman magkahiwalay ng kanyang mahal.

            At kung hindi kalabisan, sana rin ay dumating ang araw kung kailan marinig niya na sinasambit na rin nito na mahal na siya nito.

**

“GEMMA…” anang pamilyar na tinig sa kanya.

            Napamaang si Gemma pagbaling niya at ang mukha ng dating kasintahan ang sa kanya’y tumambad. Saglit siyang natigilan at hindi nakagalaw. Nakadama siya ng panlalamig sa hindi inaasahang tagpo.

            Umalis na ang nangupahan sa bahay niya kaya narito siya ngayon, habang nasa opisina pa si Crisben. Inayos niya ito para maging presentable pa rin kung may nais ritong tumingin. Paalis na sana siya, inila-lock na niya ang pinto nang marinig niya ang pagtawag na iyon.

            Hindi na niya kailanman inakala na magkikita pa uli sila. At ngayon niya natanto na walang nagbago, mahal pa rin niya si Bien. Kahit pa nasaktan na siya nito minsan at nagawa pang iwanan. Kahit pa ang mga nagdaang panahon ng kanilang pagkakalayo ay ginugol niya sa paglimot rito.

            Tila namayat ang binata pero hindi niya inda iyon. Dahil ang mahalaga ay nagbalik na ito. Pero para kaya sa kanya?

            “Gemma, I’m so sorry…” tapat nitong sabi. Nangingilid pa ang mga luha ng lalaki.

            Hindi na niya napigilan na maiyak. Paano na si Crisben? Wala na itong ibang ipinakita sa kanya kundi puro kabutihan. Hindi niya makakaya na masaktan ito ng lubusan.

            Pero tanga nga ang puso niya, dahil ngayong nakalahad na ang mga bisig ng dating nobyo, inaaya siya na magpasakop rito ay walang pagtutol siyang tumungo roon.

 

SUBAYBAYAN!