Skip to main content

Afraid To Love (Part 17)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-17 labas)

PINATIKIM ni Gemma ng mainit na pagmamahal si Crisben bilang pamamaalam sa binata. May pagtatalo sa kanyang damdamin kung iiwan ba talaga ito o hindi pero nanaig sa kanya na maituloy ang nakaraan nila ni Bien.

Naiempake na niya ang mga gamit kanina pa. Kaunti lamang naman iyon dahil noon pa man ay sinabi na niya sa sarili niya na temporary lamang ang lahat.

            Hindi naman napansin ng binata na wala na sa mga dati nitong kinalalagyan ang mga gamit niya dahil naging abala ito sa inihanda niya para rito, ang kanilang huling pagsasalo.

            Tahimik siyang gumayak, nagbihis at inayos ang sarili. Kinalap niya ang maleta ng mga gamit.

            Pero bago lumabas ng kuwarto ay hindi niya napigil na muling lumapit sa natutulog na binata at umupo sa tabi nito. Malambing niyang hinaplos ang pisngi nito at saka marahan itong hinagkan sa labi .

            “I’m sorry, Daddy…” lumuluha niyang sabi gamit ang tawag na nakasanayan na niya sa lalaki. “I know that you’ll be hurt but I have to do this. You need someone who can promise you forever, and that I can’t do. Thank you… goodbye…” Muli niya itong hinalikan sa labi at saka siya marahang umalis.

            Dala ang lahat nang kanyang gamit, isinara niya ang pintuan hanggang sa hindi na niya tanaw ang lalaking naging espesyal na bahagi na ng kanyang buhay kahit pa pansamantala lamang. Isang bagay ang kanyang sigurado sa gagawin niyang paglayo, hindi na niya ito kailanman malilimutan.

                                                      **

PAGKARINIG na naisara na ang pinto ay tumigil na si Crisben sa pagkukunwaring tulog pa siya.

            Kanina pa siya gising, at kanina pa rin siya balisa kaya nakita niya ang lahat nang ginawa ni Gemma at narinig ang lahat nitong sinambit.

            Dinig na dinig niya ang mga salita nito ng pamamaalam. Pilit lang niyang kinontrol ang sarili kanina para hindi niya ito mapigilan sa gusto nitong gawin. Pilit din niyang pinigil na magpakita ng emosyon rito kanina kaya nanatili na lang siyang nagtutulug-tulugan. Sa gayon ay hindi na niya kailangang tumugon.

            Ngayon siya tila bibigay habang nag-uunahan nang pumatak ang kanina pa niya pinipigil na mga luha. Pero lumuha man siya ngayon ay hindi pa rin noon masasagot ang kanyang walang katapusang mga bakit…

            Tama nga ang kanyang pangamba na nadama habang nilalambing siya ng dalaga kagabi—she was up to something he couldn’t comprehend. Tama ang kanyang intuition na kung ano man iyon, tiyak niyang magdudulot iyon ng pagbabago.

            Pero hindi niya inihanda ang sarili na sa isang iglap, pagkatapos ng lahat ay matatapos na rin ang pagsasamang inalagaan niya at pilit na pinagyabong, kahit pa mula simula ay batid niyang siya lang ang nagmamahal.

            Masakit… sobrang sakit lalo pa ngayong napatunayan niya na kailanman ay hindi siya natutunang mahalin ng dalagang itinatangi niya.

            He has never cried this hard before, but he has never felt this pain either. Hindi na nga niya matandaan kung kailan siya huling umiyak.

 

SUBAYBAYAN!