Afraid To Love (Part 18)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-18 labas)
AT tila gumuho ang mundo ni Crisben sa reyalisasyon na wala na sa buhay niya si Gemma.
Huminga siya nang malalim at tinangkang mag-isip nang matuwid. Kailangan niyang malaman ang tunay na dahilan ng biglang pagbabago ng isip ni Gemma na huwag nang ituloy ang pagsasama nila.
Pero kailangan din niyang ihanda ang sarili na maaaring lalo pa siyang masaktan sa paghahanap niya ng kasagutan sa bawat niyang pagkalito.
He wasn’t prepared for this, he knows he should have not long for more when all along, he knew that this was only temporary.
“Honey… honey…” tahimik niyang pagtawag sa hinahanap-hanap ng puso niya.
Gusto niya itong sundan pero alam niyang wala siyang karapatan. Sa ngayon ay wala naman talaga siyang magagawa kundi ang lumuha at tanggapin sa sarili na ginusto naman niya ito.
**
PAGKAGALING sa opisina ay nagtuloy si Crisben sa bahay ni Gemma. Gusto sana niya itong makausap pero nang mapansin niyang may ibang kotseng nakaparada sa may gate nito ay pinili na niyang mag-park sa bahagi na hindi siya nito agad na makikita.
Gusto lang naman niyang malaman kung bakit… Pero ngayon, kahit walang magsabi ay tila unti-unti na rin sa kanyang tumatambad ang katotohanan.
Mula sa kinaroroonan niya ay kitang-kita niya ang lalaking bumaba sa kotse na nauna sa kanyang pumarada sa tapat ng gate ng dalaga. Ang ayos nito, pati mga bulaklak na dala…
Lalo na siyang nasaktan nang labasin ito ni Gemma at masaksihan niya ang pagyayakap ng dalawa.
Wala nang kailangang mag-spell out sa kanya, ito si Bien at bumalik na ito para angkinin ang mahal niya.
Na sa isang iglap ay ipinagpalit siya at kanilang pinagsamahan sa bahagi ng nakalipas nito na akala niya ay unti-unti na nitong nakakalimutan.
Pero nagkamali siya. At batid niyang wala siyang laban, pagsasama ng magkababata ang nakaharang sa kanya. Kumpara sa ilang buwan pa lang nilang pagkakakilala ni Gemma.
Ngayong alam na niya, makakaya na niyang gumawa ng sunod na hakbang. At iyon ay ang kalimutan ang isang magandang alaala na ituturing na lang niyang bahagi na ng kanyang nakaraan.
He has to move on. Tapos na ang pantasya. Masakit pero kailangan niyang tanggapin na natalo siya.
Malungkot siya habang sinisimulang paandarin ang sasakyan. Kung saan siya pupunta ay hindi pa niya alam. Isa lang ang tiyak niya sa ngayon, ayaw muna niyang umuwi sa kanyang bahay para patuloy na tuyain ang sarili sa bawat alaalang naiwan doon ng taong mahal niya.
**
ISANG linggo ang nakalipas. Hinayaan lang ni Gemma na patuloy siyang suyuin ng kababata niya. Pero hindi pa nito naririnig ang kanyang pagkumpirma.
Sumasama siya rito sa mga lakaran, pinagbibigyan niya ito, hangad na makasiguro sa kanyang nararamdaman.
Lalo na kasi siyang nalito. Dahil sa mga nagdaang araw ay sa isang isipin lang laging tumutungo ang utak niya – kay Crisben. Lagi niya itong naaalala kapag oras na ng alis nito sa bahay, oras ng pagtawag para i-check siya, oras ng pag-uwi. At pinakamahirap sa gabi, na paglalambing pa rin nito ang hinahanap-hanap niya.
Hindi siya kailanman ginulo ni Crisben. Tila naging tapat ito sa unang pangako, siya ang bahala. Patuloy pa rin ang business deal nila, pero hindi naman na sila kinailangang magkita para roon.
Malakas ang ulan sa labas, kaya’t hindi pa makaalis si Bien sa bahay niya. Katatapos lamang nilang kumain sa labas. Nasa salas sila at nililibang ang mga sarili sa panonood ng TV nang biglang tumunog ang cellphone ng lalaki.
SUBAYBAYAN!