Afraid To Love (Part 19)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-19 na labas)
HABANG bisita ni Gemma si Bien ay may natanggap na text message ang kanyang ex-boyfriend na ngayon ay nanunuyo muli sa kanya.
Tila naalarma ito nang mabasa kung sino ang rumerehistrong pangalan sa monitor ng cellphone nito. Lumayo pa ito sa kanya at pabulong na nagsalita habang sinasagot ang natanggap na tawag.
Pero hindi niya iyon inda. Nanatili sa TV ang atensyon niya habang naglalaro sa kanyang harapan ang imahe nila ni Crisben noong mga panahon na nagsasama pa sila. Wala yatang araw na hindi sila naging masaya.
Napukaw ang atensyon niya nang magsalita si Bien. Ngayon lang niya nabatid na nakaupo na pala uli ito sa kanyang tabi.
“I have to go. May… ahm… may aasikasuhin lang ako,” paalam nito sa kanya.
Eleven-thirty na ng gabi, ano naman kaya iyon, tanong ni Gemma pero sinarili na lamang niya ang isipin.
“Babalik na lang ako bukas,” patuloy ni Bien.
“Sige, ingat ka na lang sa pagda-drive,” pagpayag niya sa pagpapaalam nito.
Inihatid niya ito sa may pintuan. Hindi gaya sa mga nagdaang araw, hindi nagpilit si Bien na mahagkan siya nito bago ito tuluyang lumabas.
Pero wala sa kanya ‘yon. Nakahinga pa nga siya nang maluwag nang mag-isa na siya uli sa kanyang bahay.
Ano ba talaga ang gusto niya? Sino ba talaga ang mahal niya? Paulit-ulit niya ‘yong itinanong sa kanyang sarili… Pero sa ngayon, maging siya ay nahihirapang bigyan ang mga ‘yon ng kasagutan.
Mainam pang itulog na lang muna niya ang mga katanungan para kahit saglit ay mapayapa naman ang kanyang gulung-gulong isipan.
**
MAG-AALAS nuebe na ng gabi pero nananatili si Crisben sa kanyang opisina. Naging gawi na rin niya ang magpalipas dito ng magdamag.
Mas nakakabuti iyon sa kanya kaysa umuwi sa kanyang bahay para lamang makaalala ng mga bagay na unti-unti na niyang kinakalimutan.
Hindi rin kasi niya mapigil ang maging emosyunal lalo na kapag mag-isa siya sa kanyang bahay. Hindi niya matagalan na kahit ang tapunan ng tingin ang mga bakanteng espasyo kung saan naroon dati at nakalagay ang mga gamit ng dalaga.
Lihim pa rin niyang hinihiling na sana ay bumalik uli si Gemma sa buhay niya. Lagi pa rin niya itong iniisip, laging inaalala.
Pero hindi na yata iyon mangyayari lalo pa’t mukhang nagkakaigihan na ito at tunay nitong nobyo. Hindi man lang siya nito nakuhang tawagan sa nagdaang mga araw na hindi sila nagkita. Hindi man lang ito nangumusta.
Siguro nga ay mabuti na rin ang gayon para mas madali sa kanya ang makalimot.
Nag-aalala na rin ang mga tauhan at mga kaibigan niya. Lagi na kasi siyang malungkot at nakatutok na lamang lagi sa trabaho.
Pero ito lang ang paraan niyang naiisip para hindi na lalong makadama ng sakit. Minsan ay hindi rin niya mapigil na sisihin ang sarili.
Hinayaan niyang mahulog nang husto sa isang tao na sa simula pa lang ay naging tapat na wala sa kanyang nararamdaman.
Siya pa ang gumawa ng rules sa set-up nila, no pressure, no strings attached… Pero bakit ganito, pakiramdam niya ay unti-unti siyang pinapatay sa bawat araw na nagdaraan na hindi niya nakikita si Gemma habang sa isip niya ay di niya mapigil na maisip na ang kapiling nito ay iba?
Gusto nang mapaiyak ni Crisben.
SUBAYBAYAN!