Skip to main content

Afraid To Love (Part 20)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-20 labas)

NA-REALIZE ni Crisben na wala siyang karapatang maghabol kay Gemma dahil siya ang nag-set ng rules na walang hahabol sa isa’t isa kapag may isang kumalas na sa kanilang usapan.

He is really a lovefool and he has learned his lessons the hard way. Hindi na niya kakayanin ang isang tagpo sa kanyang buhay na gaya nito.

            At alam niyang marami siyang kailangang baguhin lalo na sa kanyang pagiging emosyunal. Pangako niya sa sarili na sa sunod siyang magmahal ay hindi niya agad iyon ipagtatapat sa pinag-uukulan ng damdamin hanggang hindi siya nakatitiyak na mahal na rin siya nito.

            Napatigil siya sa pag-iisip nang mag-ring ang kanyang cellphone. Ayaw na sana niyang sagutin lalo pa’t barkada niya no’ng high school ang tumatawag. Kundi kasi mag-aaya ito ng gimik ay tiyak na problema ang ilalahad nito sa kanya.

            Sa dami ng dinadala niya ay hindi yata niya kakayanin na makisalo pa sa dalamhati ng iba.

            Pero napilitan rin siyang sagutin ang tawag nang hindi ito tumigil.

            “O, Francis?” Matamlay niyang bati.

            “Pumunta ka naman dito sa Lights Bar, si Henry kasi grabe ang problema,” anito.

            Kapag nga naman mamalasin, pareho pa niyang iniiwasan ang sadya sa kanya ng kaibigan – gimik at problema.

            “Pare, kasi…” simula niyang pagdadahilan.

            “Nakipaghiwalay sa kanya ang asawa niya, pare. Hindi na namin siya maawat sa kaiinom. Kasama ko si Bruce. Konti pa, pati kami malalasing na. Pumunta ka naman dito para kahit isa sa atin ay manatiling matino,” samo ng kaibigan.

            Napabuntonghininga na lang siya pero sa huli ay pumayag na rin. Nagpaalam siya sa kaibigan at nagsabi siyang ngayon din ay pupunta na roon.

            Pero tiyak niyang kung may mananatili mang matino sa kanila ngayong gabi ay hindi siya ‘yon.

                                                               **

“WHAT?” hindi makapaniwalang palatak ni Gemma.

            Umiiyak na si Bien sa kabilang linya na kausap niya sa telepono.          

            “Ipapakulong daw niya ‘ko pag hindi ko siya pinakasalan,” tangkang paliwanag ni Bien.

            Muntik na siyang mapamura sa sama ng loob at galit. Mag-isa siya sa bahay at hinihintay na dumating ang binata. May usapan kasi silang magkikita ngayong gabi para makapag-usap nang masinsinan.

            Handa na siyang sabihin dito na kalimutan na siya at ibaling na ang atensyon sa iba. Buo na ang kanyang loob, nakagawa na siya ng desisyon.

            Pero hindi ito nagpakita. Imbes ay tinawagan lang siya nito. Hindi pa man siya nakakahirit ay nauna na itong nagbulalas ng sariling problema. Iniipit daw ito ng isang babae na nabuntis nito dati na kung hindi ito pakakasalan ay ipapakulong ang binata.

            Naiinis siya dahil hindi ito ang lalaking minahal at nirespeto niya dati. Naiinis siya lalo pa’t ngayon niya nakikita ang kapangitan ng totoo nitong kulay. Nanghihinayang din si Gemma sa mga panahong ginugol niya sa pangungulila rito at pag-asam sa muli nitong pagbalik sa buhay niya para tuparin ang mga huwad naman pala nitong mga pangako.

“In the first place, hindi mo siya dapat na iniwan,” banas niyang sabi rito.

            “Hindi ko siya mahal,” mabilis nitong tugon.

            “Puwes, hindi mo siya dapat ginalaw,” aniya. Nanliliit tuloy ang tingin niya kay Bien. Habang hindi naman niya mapigil ang maawa sa babaing nabuntis nito kahit pa hindi naman niya iyon kilala.

            “Siya naman ang may gusto…” tangka nitong palusot.

            Pero hindi na niya ito pinatapos. “Bullshit, Bien! Don’t give me that crap. Ginusto mo rin ‘yon kaya harapin mo!”

 

END OF BOOK II

(To be continued...)