Skip to main content

Afraid To Love (Part 21)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-21 labas)

TUMAWAG kay Gemma si Bien. Ayon dito ay tinatakot ito ng babaing nabuntis nito. Ayaw raw nitong pakasalan dahil ang dalaga pa rin ang mahal nito at gustong makasama habambuhay.

“Siya naman ang may gusto…” tangka pang palusot ni Bien.

            Pero hindi na niya ito pinatapos. “Bullshit, Bien! Don’t give me that crap. Ginusto mo rin ‘yon kaya harapin mo.” Sa galit niya rito ay napagmumura pa niya ito. Para bang lahat nang naging galit at frustration niya ay ngayon lang niya naibulalas sa dating nobyo.

            Patuloy ito sa pag-iyak. “Hindi ko siya mahal… ikaw ang mahal ko.”

            “Hindi kita mahal,” buong tapang niyang sabi.

            “Sinasabi mo lang ‘yan dahil sa kasalanan ko sa ‘yo!” anas nito.

            Huminga siya nang malalim at lalo pang nagpakatatag. “No. Sinasabi ko kung ano ang totoo sa nararamdaman ko. Oo, Bien, siguro dati nabaliw ako sa ‘yo. Dahil akala ko, ikaw ‘yong tamang tao, ikaw ‘yong tamang lalaki who will make me a better woman. But you made my life miserable when you left and you’re doing it again now that you’re back in my life. I was happy, I was contented… until you came back…”

            Hindi na napigil ni Gemma na tumulo na rin ang mga luha niya. Habang unti-unti niyang nare-realize kung ano ang kagandahan na pinakawalan pa niya at kung gaano niya nasaktan ang taong nagmamahal sa kanya… at kanya na rin palang natutunang mahalin… hindi lang niya agad nabigyan ng ngalan ang damdamin… si Crisben.

            “I don’t want to see you again, Bien,” matatas niyang sabi. “I don’t care what you want to do with your life, I just don’t want to be a part of it. Goodbye… goodbye.” Hindi na niya pinakinggan ang mga sinasabi pa nito at nagpindot na siya sa cellphone para mag-end na ang kanilang conversation.

            Ibinaba na niya ang linya at saka patakbong nagtungo sa kanyang kuwarto.

            “Crisben… Crisben…” Tahimik niyang pagluha. Gusto sana niyang magpunta rito ngayon din pero natatakot siya na baka hindi na siya nito tanggapin.

            Matagal na naroon lang siya, nakatingin sa kawalan, nangungulila sa isang tao na may hawak na ngayon ng kanyang puso.

            Sa huli ay nagpasya siyang magbihis. Hindi siya tatagal ng ganito, nag-iisa, nagmumukmok.

            Matagal na niyang hindi nagagawa ang maglasing sa bar. Nasanay siya sa gayon no’ng mga panahong nilulunod niya ang sarili sa paglimot kay Bien. Pero wala naman talaga iyong nagawa kundi ang lalo siyang maging miserable.

            Kung sabagay ay may naging maganda rin iyong dulot… nakilala niya si Crisben.

            Ipinikit niya ang mga mata at lalo pang minadali ang pag-aayos ng sarili. Kapag nagtagal pa siya na nakakulong sa kuwarto ay baka lalo lamang siyang mabuwang.

            Mabuti pa, kahit saglit lang ay makapunta siya sa bar kung saan hindi siya mag-iisa. Kung saan karamihan sa mga naroroon ay kagaya niyang may iniindang problema o may tinatakasang eksena ng buhay, kahit pansamantala lang.

 

SUBAYBAYAN!