Afraid To Love (Part 22)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-22 labas)
ISANG oras na sa bar si Crisben at ang tatlo niyang kaibigan. Lango na si Henry at halos hindi na makaupo nang maayos. Ngayon nga ay nakalugmok na ang ulo nito sa lamesa nila.
Mabigat nga ang problema nito. Damang-dama niya iyon dahil halos pareho lang sila ng pinagdaraanan. ‘Yon nga lang ay asawa nito ang nang-iwan sa kaibigan.
Kung saka-sakali, may laban ito… may karapatang maghabol, may pinanghahawakan para mapabalik sa piling nito ang asawa kapag iyon ay ginusto.
Hindi pa siya lasing kahit pa marami-rami na rin ang nainom niya. Nagulat nga ang dalawa pa niyang kaibigan dahil mas nahigitan pa niya ang nainom ng mga ito.
“Hoy, Crisben,” ani Francis. “Ikaw ba, e, may problema rin o trip mo lang talagang magpakalasing?”
Pilit siyang ngumiti rito. Alam ng mga ito ang pakikipag-live in niya dati kay Gemma. ‘Yon nga lang ay hindi nabigyan ng pagkakataon na makilala ng mga ito nang personal ang dalaga.
Mabuti na rin ang ganoon. Lalong mabuti at hindi pa niya nasabi sa mga ito na wala na sila ni Gemma. Ayaw naman kasi niyang masira sa mga ito ang dalaga, lalo pag nalaman ng mga ito ang dahilan kung bakit nito nagawa ang ganoon.
Di bale na siya na lamang ang mamrublema, ‘wag lang masira ang imahe ng taong mahal niya sa kanyang mga kaibigan.
Pati ang kanyang pamilya ay hindi pa rin niya natatawagan para ipaalam ang nangyari. Pero alam niyang kailangan niyang umamin sa mga ito, kundi ay tiyak niyang mababahala ang mga ito sa kanya, lalo pa kung malalaman pa ng mga ito sa iba ang balita.
Humahanap lang siya ng magandang pagkakataon, lumilikha ng magandang paliwanag. Ayaw rin niyang sumama ang loob ng mga ito kay Gemma. Mabait naman kasi at mabuting tao ang dalaga. Iyon nga lang at malas siya, dahil hindi siya nito natutunang mahalin.
Hindi pa siya napipilit na sumagot sa tanong kanina ni Francis ay may nakitang kakilala ang isa pa nilang kasama, si Bruce.
“Bien, pare!” pagtawag nito.
Kagyat na nagdilim ang paningin ni Crisben sa pagkarinig ng pangalang iyon. Hindi niya napigilang kasuklaman ang taong siyang dahilan kung bakit hindi siya magawang mahalin ni Gemma. Hindi man niya kakilala ay mabigat na agad ang kanyang loob sa taong mahal ng minamahal niya.
Lalo pang sumama ang kanyang tingin sa kanyang pagbaling at makita ang binatang kapapasok pa lang na mag-isa sa bar at ngayon ay palapit na sa kanila. Ito rin ang binatang nakita niyang kayakap dati ni Gemma.
Ito na nga at wala ng iba. Isang beses pa lang niya itong nakita pero hindi na rin niya maiwaglit sa isip niya. Hindi niya mapigil na isisi rito kung bakit siya ngayon miserable, kung bakit siya iniwan ng kinakasama.
Ano kaya kung basagin niya ang mukha nito gamit ang bote ng beer sa harap niya para naman maibsan ang sakit na nadarama niya ngayon dahil sa pagkawala ni Gemma?
SUBAYBAYAN!