Skip to main content

Afraid To Love (Part 23)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-23 labas)

NAGULAT si Crisben nang makita si Bien sa club kung saan sila umiinom na magkakabarkada. At lalo pa siyang nagulat nang malaman na kilala ito ng isa sa kanyang mga kaibigan.

Kuntodo ang ngiti ni Bien nang ayain pa ng barkada niya na sumalo sa kanila at ipinakilala sila isa-isa.

            Hindi siya nagpahalata, lalo na sa kaibigan niya para hindi na rin siya makagawa pa ng eksena—kahit pa nga gustung-gusto niyang i-sucker punch ito. Tinanguan na lang niya ito, pero hindi napilit ang sarili kahit isang pekeng ngiti nang binanggit rito ang pangalan niya. Agad siyang nagpatuloy sa pag-inom bago pa sa kanya ay may maghinala.

            Nanatili siyang tahimik habang nagkukuwentuhan ang kaibigan niya at ang bagong dating. Si Francis naman ay tahimik lang din habang pilit na ginigising si Henry.

            “Kumusta, may asawa ka na ba?” kaswal na tanong ni Bruce kay Bien.

            Natawa ito. “Malapit na!” pagmamalaki nito. “Malapit na ‘kong masakal!”

            Napalunok si Crisben at hindi napigilang kumirot ang kanyang puso. Tiyak niyang si Gemma ang tinutukoy nitong pakakasalan. Kung puwede lang siyang umalis na rito ngayon ay gagawin niya. Pero tiniis na lang niya ang nagiging dulot sa kanya ng huntahan na naririnig para hindi na mabahala ang kanyang mga kaibigan.

            “Sino? ‘Yong kababata mong sinasabi dati?” anang walang kamalay-malay na si Bruce.

            “’Yon? Wala na kami noon. Malas na lang niya!” mayabang na palatak ni Bien. “Hind ko mahal ‘yon, kaya lang patay na patay  sa ‘kin, kaya pinagbibigyan ko paminsan-minsan.” At nakuha pa nitong tumawa. “Taga-Davao ‘yong fiancée ko. Pupunta na nga ako roon bukas para hindi na rin ako mahabol ng kababata ko. Alam mo naman tayo, habulin!”

            “Ang yabang talaga!” palatak ng kaibigan niya.

            Nanginginig na sa galit ang mga kalamnan ni Crisben. Pilit lang niyang kino-control ang sarili. Eksakto namang muntik nang maduwal si Henry kaya’t inagapan ito ni Francis.

            “Mabuti pa, iuwi ko na ‘to,” ani Francis.

            “Uuwi na rin ako. Hinahanap na ako tiyak ni Misis,” pahayag ni Bruce.

            Natawa na naman si Bien. “Ito naman, paminsan-minsan na nga lang ang ganito, misis mo pa rin ang nasa isip mo.”

            “’Wag mo ‘kong igaya sa ‘yo,” mabilis na sagot ni Bruce. “Loyal yata ‘to.”

            Hindi matanggap ni Crisben na ganitong klase ng lalaki ang mas pinili kaysa sa kanya ni Gemma. Ito ang tipo na walang mabuting gagawin kundi ang saktan ang damdamin ng mga babae.

            Inalalayan na ni Francis si Henry para makatayo. Tumayo na rin si Bruce at sumunod naman dito si Bien.

            “Uuwi na lang din ako. Kailangan ko pa palang makapag-empake,” ani Bien.

            Natingin kay Crisben ang mga ito.

“Dito muna ‘ko,” mahina niyang sabi habang pilit na umiiwas ng tingin sa lalaking sumira na naman ng mundo ng mahal niya.

            Alalang binalingan siya ni Francis. “Sigurado ka?”

            Tumango lang siya at hinayaan nang makaalis ang mga ito. Nagpaubaya naman ang mga kaibigan niya. Pero alam niyang sa ibang pagkakataon ay tiyak na paaaminin din siya ng mga ito kung ano ang gumugulo sa kanya.

            Nang siya na lamang mag-isa ang nasa table ay napayuko siya. Tahimik niyang minumura si Bien sa kanyang isip. Hindi ito lalaki, hindi ito sanay magmahal.

            At ngayon siya nagsisisi na hindi man lang niya ito nasapak.

 

SUBAYBAYAN!