Afraid To Love (Part 24)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-24 na labas)
SA mga naging pananalita ni Bien ay natuklasan ni Crisben na niloko lang nito si Gemma. Naaawa siya sa dalaga. Mahal niya ito at kung hindi na nito pinili ang bumalik sa dating nobyo ay hindi sana mauulit ang nangyari rito dati, naiwan na naman itong muli.
Tiyak niyang malungkot ngayon ang dalaga. Nasira na naman ang mga pangarap nito, gumuho na naman ang mundo para rito.
Pero hindi na niya kaya ang bumalik sa piling nito para ituloy ang naputol nilang ugnayan. Masakit sa kanya, pero mas masakit lalo pa’t tiyak niyang kung muling maiisipang bumalik ni Bien sa buhay nito ay ito pa rin ang pipiliin ng dalaga.
Maiiwan na naman siya sa ere. Maiiwan na naman siyang miserable. Habang maaga, alam niyang kailangan na niyang turuan ang sarili na mamuhay na hindi na iniisip si Gemma.
Mahirap lalo pa’t ito pa rin ang laman ng puso’t isipan, pati pa bawat panaginip niya.
Nagbago ang ambience sa bar. Nagsimula ang tugtugan at sayawan. Nag-umpisang mag-perform ang live band roon. Unang hiniritan ang medley ng mga dance hits.
Para siyang tinutuya ng pagkakasiyahan lalo pa’t mabigat na ang kanyang pakiramdam. Pero nanatili lang siya sa kanyang upuan. Nag-order pa siya ng drinks at ipinangakong magpapakalasing na lang.
Ilang sandali pa at love song naman ang sinisimulang tugtugin ng banda. Natigilan siya at bumilis ang tibok ng puso lalo pa’t pamilyar sa kanya ang kanta. Sabi na nga ba niya sa sarili at hindi niya ito malilimot. Sabi na nga ba niya noon na maaalala niya ito kapag narinig muli at ang taong una niyang nakita, nakasayaw, nayakap at nahagkan habang sumasaliw sa awit na ito.
Habang malapit nang magsimula ang mga liriko ay lalo siyang nasasaktan. Mabilis niyang tinawag ang waiter at ipinakuha na ang bill.
Pero habang naghihintay, para naman siyang tinutuya at lalong pinahihirapan sa madamdamin pang pag-awit ng vocalist ng banda sa original hit ni Dan Hill.
“I can’t believe we met like this, is it just coincidence.
I have a feeling I’ll be seeing you again…
You’re every bit as beautiful as the last time we met, when you told me you were leaving and going back to him…”
“Sir, ito na po ‘yong chit,” pukaw sa kanyang napalalim na pag-iisip ng waiter.
Pinilit niyang kontrolin ang damdamin kahit pa napakasakit pa rin. Mabilis siyang kumuha ng pera at inilapag ‘yon sa mesa. Nang umalis na ang waiter ay handa na rin sana siyang lumabas.
Pero hindi pa tapos ang mga pagpapahirap sa kanya, dahil kapapasok sa bar at titig na titig sa kanya ang lalong gumaganda sa paningin niya, ang babaing hanggang ngayon ay mahal na mahal niya.
Si Gemma!
“I can’t begin to tell you just how sorry I am…
That the man you built your dreams around just broke your heart again… I think I know the feeling cause I once loved you so much.
And I’d swear I’d die than live a day without your touch…”
Alam niyang nangingilid na ang kanyang luha lalo pa’t lalo nang naging mapanuya ang awit. Narito si Gemma, gaya nang dati, para lunurin ang kalungkutan dahil muli na naman itong nasaktan ng taong patuloy nitong pinag-aalayan ng pagmamahal na kaytagal na niyang inaamot.
Ano ang magaganap ngayong nagkita silang muli, tanong ni Crisben sa sarili.
SUBAYBAYAN!