Afraid To Love (Part 25)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-25 labas)
HINDI mabasa ni Crisben ang hitsura ni Gemma. Parang malungkot din ito at may kung anong kislap sa mga mata. Pero sa kung anong dahilan ay animo siya isang bulag ngayon at hindi niya talaga makuha at maintindihan.
Mas nadadaig kasi ng sakit ang kanyang damdamin. Mas nadadaig ang lahat nang kanyang takot na baka kung hahayaan pa niyang mahulog muli sa dalaga ay masaktan lang uli siya. Lalo pa at walang kasiguraduhan kung makukuha pa niya ang pag-ibig nito.
Palapit na sa kanya si Gemma. Hindi niya naririnig, sa ingay ng paligid at sa lakas ng kanta, pero sa labi nito’y nababasa niya na tinatawag siya ng dalaga.
Pero huli na, lalo pa’t nakapagpasya na siya. Umiwas siya ng tingin. Pinilit ang sarili na lumakad palayo rito. Hindi na niya ito muling sinulyapan at saka siya lumabas ng bar.
Nang masiguro niyang hindi na nito kita ang kanyang mukha ay kanya na ring unti-unting napakawalan ang kanyang mga luha. Habang animo inihahatid naman siya ng awit na tila lalong lumalakas habang siya ay lumalayo.
“I don’t want to hear that song again from the night we first met.
I don’t want to hear you whispering things I’d rather forget.
I don’t want to look into your eyes cause I know what happens next…
We’ll be making love and then…
I fall all over again…”
Hindi na siya lumingon. Hindi na niya tinangkang sulyapan muli si Gemma. Masyado na siyang nasaktan at patuloy na nahihirapan.
Inisip na lang ni Crisben na makakabuti ang ganito. Na hahayaan na niya ang mahal niyang mag-isang gamutin ang lumbay dahil tanggap naman niya na kahit ano’ng kanyang gawin at ano’ng kanyang isakripisyo, isang tao pa rin ang tiyak na mamahalin nito… at hindi siya ‘yon.
He was a man who’s always ready to take the risk and do everything all in the name of love… But that was before he has met and loved Gemma.
She made him realize how much he could give for the feeling, but she also made him what he is now… he is afraid to love…
**
ANG sakit-sakit ng pakiramdam ni Gemma pag-uwi niya sa kanyang bahay. Hindi na siya nagtagal sa bar. Pansamantala siyang natigilan nang makita ang reaksyon ni Crisben sa pagkakita sa kanya kanina.
Nagulat rin siya nang makita roon ang dating kinakasama. Hindi niya napaghandaan ang sitwasyon, ni hindi niya naisip kung ano ang gagawin o una niyang sasabihin kapag muli silang nagkatagpo.
At dahil wala sa tiyempo ang naging eksena kanina ay hindi siya nakabuwelo. Ang gusto lang naman niya ay ang maniwala ito na mahal na niya ito pero tila huli na.
Hindi niya tiyak pero may kung anong bumubulong kay Gemma na kung gaano niya kagustong ipahayag sa binata ang totoo niyang damdamin ay ganoon din ito kadesidido para siya ay iwasan.
Pero dapat din kasi ay inihanda niya ang sarili sa katulad nang inakto kanina ni Crisben sa bar. Siya naman kasi ang unang nagkamali at tiyak na masyado ‘yong dinamdam ng binata.
Napakagat-labi si Gemma at hindi niya naiwasang mapaiyak sa panghihinayang at pagka-miss kay Crisben.
SUBAYBAYAN!