Skip to main content

Afraid To Love (Part 26)

Nobela ni MAUI PELAYO

(ika-26 na labas)

SA pagitan ng pagluha ay naisip ni Gemma na kung siya man kasi ang nasa posisyon ni Crisben ay magagalit din siya, lalo pa’t umalis siya nang walang paalam… Oo at nagpaalam siya, pero tulog ang binata noon. At kahit naman hindi, pareho pa rin ang magiging epekto ng kanyang ginawa, masasaktan ito.

            Minahal siya nang husto ni Crisben. Wala siyang maipipintas doon. Sa tatlong buwan nilang pagsasama ay puro kabutihan ang ipinakita nito sa kanya. He made her see how much love could be more beautiful. He made her experience the best times of her life.

            The best times… which all disappeared in a zap the night she decided to walk away from him. Ano ba kasi ang iniisip niya noon? Si Bien at ang mga pangako nito?

            Ngayon ay napagtatawanan na lang niya ang sarili sa sobrang pagkahumaling niya sa kababata. Ito kasi ang una niyang minahal at talagang malalim ang kanilang pinagsamahan.

            Pero hindi man niya inaasahan, si Bien na nakikita na niya, nakakausap mula pagkabata at naging espesyal din sa kanya at nakasalo sa ilang malulungkot at masasayang parte ng kanyang buhay ay tila hindi pa rin pala niya lubusang kilala.

            Hindi niya inasahan ang mga ugali nitong ngayon lang niya natatanto kung kailan muli na naman siyang nagawang saktan nito. Hindi rin niya alam kung bakit kung kailan malalaki na sila at nasa tamang edad na ay saka lang niya natutuklasan ang mga kapangitan sa pagkatao nito, na sana, kung noon pa niya nalaman ay hindi na niya hinayaang mahulog nang husto ang damdamin dito.

            Samantalang si Crisben na wala pa ngang isang taon niyang nakikilala ay mas higit pang naging mabuti sa kanya. At ngayon ay parang ang una pa niyang nobyo ang sa kanya ay tila estranghero. Pero huli na rin nang kanyang malaman, nang kanyang mabigyan ng ngalan ang kanyang nararamdaman… pati si Crisben ay sumuko na, pati ito ay nawala na sa kanya.

            Sa ngayon kung tatanungin si Gemma kung kailan siya higit na naging masaya, si Crisben ang una niyang maaalala at ang mga panahon no’ng nagsasama pa sila.

            Mahal na niya ang binata… mahal na mahal. Pero tila huli na, o huli na nga kaya?

            Dama niya ang sakit sa mga tingin sa kanya ni Crisben kanina lalo pa at pati ang tugtog nang nagkita sila ay pawang tumuturok sa kapwa nila damdamin dahil parte rin iyon ng kasaysayan nila.

            Ngayon niya natanto na dinamdam ni Crisben ang kanyang ginawang pagbabalewala sa magagandang pangyayari sa kanilang pagsasama. Inakala nitong tuluyan na niyang ipinagsawalang bahala ang ipinadama sa kanya nitong pagmamahal.

            Pero hindi. Lumayo siya dahil kailangan niyang makapag-isip. Lumayo siya dahil noong panahong iyon, alam niyang tama ang kanyang desisyon.

            Nakatulong ang paghihiwalay nila para makilala niya ang totoong laman ng puso niya. At hindi na siya nagulat nang matanto na hindi iyon ang inaakala niya, hindi si Bien ang itinatangi niya kundi si Crisben.

            Kung bakit ngayon lang sa kanya ‘yon naglinaw ay siyang malaki niyang problema. Dahil tila hindi na siya handang bigyan ng pagkakataon ng lalaking dati niyang kinasama.

            Gulung-gulo siya kung ano ang dapat na gawin. Ano ang dapat niyang gawin para mapaniwala si Crisben na minsan na niyang nasaktan na handa na siyang bumalik sa piling nito, hindi panandalian kundi kahit panghabambuhay… kung tatanggapin pa siya nito.

 

SUBAYBAYAN!