Afraid To Love (Part 27)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-27 labas)
NABALOT ng kalungkutan si Gemma at walang magawa kundi tahimik na lumuha dahil sa mga nagaganap sa pagitan nila ni Crisben. Pero kung paano siya magsisimula ay hindi niya talaga alam.
Isa lang ang nagpapatibay ngayon sa kanyang damdamin. Sigurado siyang minamahal niya si Crisben at hindi niya makakaya kung ibabaling nito ang pag-ibig sa iba na dati ay nasa kanya na.
Buo ang kanyang loob, desidido siya na gawin ang lahat para mapaniwala ang binata na totoo ang kanyang nararamdaman.
Bumuntong-hininga si Gemma. Walang anumang makakahadlang sa kanya para siya na ang unang gumawa ng hakbang para magkabati sila ni Crisben.
Kung kailangan niyang ito ay ligawan ay gagawin niya. Basta ang sigurado ni Gemma, hindi niya kayang mabuhay kung si Crisben ay hindi muling mapapasakanya.
**
“SIR, ngayon na po ba ang flight n’yo?” alalang sabi ni Olive habang tinutulungan nito ang amo na maglagay ng mga gamit sa sasakyan.
Hindi muna nakapagsalita si Crisben. Sunud-sunod ang dagok na dumarating sa kanya. Gayong hindi pa nga niya napaghihilom ang sugat na naging dulot nang pag-iwan sa kanya ni Gemma ay tinawagan naman siya ni Mona para sabihin ang masamang balita – nakunan ang kapatid niya at nalaglag ang dinadala nito.
Isang linggo na ang nakaraan buhat ang insidente sa bar, kung kailan niya huling nakita si Gemma.
Nang sabihin sa kanya ng pamilya ang nangyari sa kapatid ay mabilis niyang inayos ang mga papeles para makalabas agad ng bansa.
Pati sa kanyang business ay nag-appoint siya ng mga tao para pumuno sa puwestong mabubutasan sa kanyang pagkawala, na kung hanggang kailan ay hindi pa niya alam. Basta ang tiyak niya ay hindi siya aalis sa piling ng kapatid hanggang hindi siya nakakasiguro na okey na ito.
Binibigyan na lang niya ng ilang last minute reminders ang kanyang secretary kaya ito narito sa bahay niya habang paalis na siya. Pero hindi naman niya rito sinabi nang detalyado ang kanyang problema. Hindi kasi siya nasanay na ibahagi pa sa iba, lalo na sa opisina, ang mga sariling dalahin niya.
“Kayo muna’ng bahala sa office, Olive,” aniya rito. “Basta kung may problema, tawagan mo ‘ko agad.”
“Kelan po ang balik n’yo, Sir?” anito.
“Hindi ko pa alam,” mahina niyang sagot. “Basta mangyayari rin ‘yon pag okey na ang lahat.”
Malungkot din ang mukha nito at bakas ang pakikisimpatya sa kanya kahit pa konti lamang ang nalalaman nito sa dinaramdam niya. “Ingat na lang po. At ‘wag na po kayong masyadong mag-alala.”
Tumango na lang siya at saka nagpaalam na.
**
PASAKAY na sana si Olive ng sasakyan nito para bumalik naman sa opisina ng C.G. nang matigilan ito sa paghinto ng isang sasakyan sa harap ng bahay ni Crisben.
Bumaba si Gemma sa kotse at nakangiting bumati sa secretary ng binata dahil nakilala niya ito. “Hi, Olive. Si Crisben, nandito ba?”
Nakangiti rin sa kanya ang babae pero bigla itong napakunot na tila ay nalito. “Ma’am Gemma, kasi kaaalis lang po ni Sir.”
“Ah, gano’n ba…” Hindi rin niya napigil na manghinayang dahil hindi pa niya agad na inabutan ang sadya. Mabuti na lang pala at dito na siya unang nagpunta, ang balak kasi niya ay sa opisina nito magtuloy kaya lang ay alanganin na ang oras at naisip niyang baka ma-traffic lang siya.
SUBAYBAYAN!