Afraid To Love (Part 28)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-28 labas)
NAGPASYA si Gemma na kausapin na si Crisben. Pinuntahan niya ito sa bahay mismo ng binata ngunit nakaalis na raw ito ayon sa sekretarya nito.
Hindi naiwasan ni Gemma na malungkot sa nalaman.
“Kung may itatanong po kayo about business matters, sa akin n’yo na lang po sabihin, Ma’am,” anang mabait na sekretarya.. “Si Sir Galvante po kasi ang ini-assign ni Sir ngayon sa position niya. Pero ako pa rin po ang secretary sa pumalit kay Sir Crisben.”
Kung kanina ay nanghinayang lang siya, ngayon ay napuno naman ng kalituhan at pangamba ang hitsura niya.
“Pumalit?” takang tanong niya.
Napangiti si Olive. “Opo, pero temporary lang naman po. Habang hindi pa po sure si Sir Crisben kung kelan siya babalik.”
Lalo na siyang napamaang. “Ha? Ang ibig mong sabihin, matagal siyang mawawala? Bakit, saan ba siya nagpunta?” Ang akala naman niya kasi ay kung saan lang ito nagtungo at ilang oras lang ay babalik din agad ang binata.
Mahina itong natawa. Pasalamat na lang si Gemma na kahit pa mabuting katrabaho at amo ay private person pa rin si Crisben. Ni hindi nalaman ng mga tauhan nito sa opisina dati ang kanilang naging relasyon, lalo na siguro ang kanilang paghihiwalay.
“Kung naaga-aga lang po kayo, baka inabutan n’yo pa si Sir Crisben,” simulang paliwanag ni Olive. “Family problem daw po, e. Kaya biglaan po siyang nag-abroad.”
Nanlumo siya. Hindi niya napigil na sisihin ang sarili kung bakit nagpalipas pa siya ng isang linggo matapos ang huling pagkikita nila ng binata sa bar. Nag-ipon pa kasi siya ng lakas ng loob. At hindi rin niya inaasahan na aalis pala ito at baka matagalang mawala.
Napatango na lang si Gemma. Ano pa nga ba ang magagawa niya.
“Gano’n ba… Sige, ahm… salamat na lang. Makikibalita na lang din ako sa inyo sa C.G. kung nakabalik na siya,” pamamaalam na niya sa kausap.
“Sige po, Ma’am,” paalam din ng mabait na sekretarya at saka ito sumakay na sa naghihintay na sasakyan.
Nang maiwan na siyang mag-isa ay wala nang nagawa si Gemma kundi ang mapabuntong-hininga. Nag-aalala rin siya kung ano kaya ang family problem ng binata na dahilan para umalis ito ng bansa.
Panalangin lang niya na sana kung ano man iyon ay hindi naman malala at sana rin ay agad iyong malampasan ng binata. Gusto sana niyang tawagan si Mona o si Vener para makibalita pero nagpasya siyang ‘wag na lang ‘yong gawin.
Sila ni Crisben ang kailangang unang magkausap. Hindi rin kasi niya batid kung hanggang saan ang nalalaman na ng pamilya ng lalaki tungkol sa kanilang dalawa.
Nagpasya siyang hintayin na lamang ang pagbabalik nito. At kapag dumating na ang araw na iyon ay agad niyang sisimulan ang plano na suyuin ito.
Mahal na mahal niya si Crisben. Kahit gaano katagal ay handa siyang maghintay para mapatunayan lamang iyon. Pero dalangin din niya na ‘wag naman sana siyang makalimutan na nito. At sana sa pagbabalik ng binata ay mabigyan uli ng pangalawang pagkakataon ang kanilang love story para matapos ang nasimulan na nila.
Sana… sana…
At marami pang sana. Sa ngayon, iyon na lang ang magagawa ni Gemma—ang magbaka sakali na may next chapter pa o kaya ay mauwi sa happy ending ang naging ugnayan nila ni Crisben.
SUBAYBAYAN!