Afraid To Love (Part 29)
Nobela ni MAUI PELAYO
(ika-29 na labas)
ISANG buwan ang mabilis na lumipas. Hindi pa rin bumabalik sa bansa si Crisben pero nananatiling umaasa at umiibig dito si Gemma.
Walang araw na hindi ipinalangin ni Gemma na sana ay hindi pa rin nagbabago ng pagtingin sa kanya ang dating kinakasama.
Nakatulong din sa kanya ang pag-attend ng isang seminar tungkol sa kanyang pastry business sa Cebu City para maibsan, kahit kaunti ang kanyang pangungulila.
Dalawang linggo rin siyang nawala at kababalik lang niya ngayon sa kanyang bahay. Hindi pa man siya nakakapag-ayos ng kanyang gamit ay tumunog na agad ang kanyang phone.
Sa pag-aakalang ang kanyang sekretarya ang tumatawag para i-check kung dumating na siya ay mabilis niya iyong sinagot. “Hello.”
“Is this Gemma Ortiz?” anang boses ng isang babae sa kabilang linya. Diretsa ito at animo may pagtataray sa tinig.
Para ngang pamilyar sa kanya ang boses, hindi lang niya maalala. “Yeah, this is Gemma. Who’s this?”
“Si Mona,” maigsi nitong sagot.
Bumilis ang tibok ng puso ni Gemma. Mukhang hindi kasi maganda ang pakiramdam niya sa tawag na ito. Para kasing may galit sa tinig ng kausap niya.
Hindi pa sila nagkikita nang personal ng kapatid na ito ni Crisben. Pero noong nagsasama pa sila ng binata ay madalas niya itong makakuwentuhan sa phone, gaya rin ni Vener. At kapwa friendly ang mga ito sa kanya.
“Mona? Kumusta?” tangka niyang pagbubukas ng mapag-uusapan.
“Ito, hindi pa rin makapaniwala na ang isang tao na kinaibigan ko at itinuring ng hindi iba ay nagawa pang saktan ang kuya ko. How dare you, Gemma? Akala pa naman namin ay matino ka,” inis nitong banggit.
Napakunot ang noo ni Gemma. Hindi niya ito maintindihan. “I know that he was hurt when I left his house without saying proper goodbye.” But is there really such kind… tahimik niyang tanong sa sarili. “Pero magulo ang isip ko noon. Kung hindi ko ginawa ‘yon, hindi ko rin mare-realize na mahal ko na pala ang kuya mo.”
Sarkastiko ang pagtawang narinig niya mula rito. “Mahal? Kaya ba nakuha mo pang bumalik sa dati mong boyfriend? Kaya ka nga niya siguro iniwan at niloko ay dahil karma mo ‘yon dahil sa ginawa mo sa kuya ko.”
“What?” palag niya. “Hindi ko iniwan ang kuya mo para bumalik kay Bien. Oo, nagkikita kami but that was because we were old friends. But I never gave him another chance in my life because I knew from the moment I stepped outside of your brother’s house that I loved him all along.”
“Love?” Hindi pa rin ito naniniwala. “E, bakit hindi mo sa kanya sinabi ‘yan? Bakit hindi mo siya kinausap, bago naging miserable ang buhay niya?”
“Coz he never gave me the chance,” aniya. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang ipaliwanag ang nararamdaman at totoong saloobin sa ibang tao bago niya ito masabi sa mismong mahal niya. Pero nagpatuloy siya. Alang-alang na rin sa dahilang importante rin naman ang kanyang kausap sa taong pinag-uukulan niya ng damdamin.
Dito muna niya ibubulalas ang mga bagay at nadarama niya na hindi niya nasabi kay Crisben, kahit pa nga mukhang bad trip sa kanya si Mona.
SUBAYBAYAN!