Afraid To Love (Part 30)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-30 labas)
NANG sitahin si Gemma ng kapatid ni Crisben na si Mona ay ipinaliwanag niya ang kanyang side sa naganap sa kanilang pagsasama at paghihiwalay. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang ipaliwanag ang nararamdaman at totoong saloobin sa ibang tao bago niya ito masabi sa mismong mahal niya. Pero nagpatuloy siya. Alang-alang na rin sa dahilang importante rin naman ang kanyang kausap sa taong pinag-uukulan niya ng damdamin.
“I was ready to ask for another chance, or even beg for it. I was ready to tell Crisben about everything, but then when I came to his house, he has already left for the States. He didn’t even inform me that he was going away. I’ve waited and I’m still waiting for him to come back. Mahal ko ang kuya mo at handa kong gawin ang kahit na ano para maniwala uli siya sa ‘kin,” matatas na paliwanag niya kay Mona.
Sandaling natahimik ang nasa kabilang linya.
“Bakit hindi mo kami tinawagan? Bakit hindi mo sa ‘min sinabi, hindi ka sa ‘min nagtanong?” hirit nito pagkaraka. Mahina na at mas malambot ang tono nito ngayon.
“Whatever I have to say, I could only tell it to Crisben personally. Ayoko na kayong idamay sa gulong nangyayari sa ‘kin. Especially when I heard that you were experiencing some family problems. Hindi ko lang alam kung ano,” sagot niya.
Napahinga ito nang malalim. “I had a miscarriage…” anito.
Natigilan si Gemma. Naaawa siya kay Mona pero hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin ngayon na hindi siya sigurado kung pinaniniwalaan na siya nito.
“Kuya came here and stayed on until he knew that I’ll be fine,” patuloy nito sa kuwento.
Hindi niya napigil na malaglag ang mga luha. Naaalala pa niya noon kung gaano ka-excited ang kausap sa pagbubuntis na ito. Hindi nito maitatago ang gayon sa tuwing nagkakausap sila noon.
“Mona…” alanganin niyang simula. Nananantiya muna siya kung hindi na ba siya nito kokontrahin. “I’m sorry about what happened. I didn’t know… At tungkol kay Crisben, kung kailangan kong sumunod diyan para lang masabi ko sa kanya nang harapan ang nararamdaman ko, gagawin ko…”
“I believe you… Yeah, I believe you now,” anito. Balik na sa dati ang tono ni Mona. Mabait na ang dating nito sa kanya. “Pero wala na siya rito.”
“What?” lito niyang tanong. “Nasaan na siya?”
“By now, nandiyan na ‘yon kung hindi na-delay ang flight niya,” sagot nito.
Bumilis muli ang tibok ng puso ni Gemma. Malapit na pala silang magkita kung gano’n. Pero may isa pa siyang gustong matiyak bago niya masimulang maayos ang sa kanila ni Crisben. “Galit ka pa ba sa ‘kin, Mona?”
Mahina itong natawa sa kabilang linya. “Of course not. Pag gumaling ako, mag-aaya agad ako ng reunion para makilala kita. Actually, excited na kami ni Vener, pati ng mommy at daddy na makilala ka. Lalo pa ngayon, alam ko na ang totoo. Ang sabi ko naman kasi kay Kuya, dapat kinausap ka niya.”
Nakahinga na siya nang maluwag. Matagal pa silang nag-usap para malinawan kung ano man ang kailangang malinawan. At sa huli ay pagtibayin ang isang pagkakaibigan na kanila ring nakamtan nang dahil sa isang mahalagang tao na sa kanila ay nag-uugnay… si Crisben.
END OF BOOK III
(To be continued...)