Skip to main content

Afraid To Love (Part 31)

Nobela ni MAUI PELAYO

Book IV

(Ika-31 labas)

BAGO natapos ang pag-uusap nina Gemma at Mona ay naunawaan ng huli ang mga totoong pangyayari. Nalaman din ng dalaga na nakabalik na pala ang binata mula sa States.

Habang iniisip ay lalong nangungulila si Gemma sa muli nilang pagkikita ni Crisben. Tanging hiling niya na maging maayos na ang lahat. Pangako niyang babawi sa mga panahong nasayang sa pagkakalayo nila at hindi pagkakaintindihan, basta mabigyan siya ng tamang pagkakataon.

            Hinamig niya ang sarili. Kailangan niyang matapos ang kanyang mga business dealings para hindi na siya maabala sakaling asikasuhin na niya ang para sa kanila ni Crisben.

                                                              **

MAG-AALAS siyete ng gabi nang makalapag ang eroplanong sinasakyan ni Crisben sa airport. Pagod na pagod na siya, kanina pa siya dapat narito kundi lamang nagkaroon ng konting delay.

            Hindi na siya tumawag sa sekretarya niya para mag-utos na sunduin siya. Hindi nito katungkulan ang gayon, hindi niya ito pamilya. Kung sana ay…

            Pinigil na niya ang pag-iisip bago pa iyon magtungo na naman kay Gemma. Inaamin ni Crisben, bigo siya sa tanggkang paglimot rito dahil tila hindi niya talaga kaya.

            Walang araw at oras habang nasa States siya, kapiling ang kanyang pamilya na hindi sumagi man lang sa kanyang alaala ang dalaga. Nasabi niya sa pamilya ang lahat niyang sentimyento at ikinagulat rin niya na hindi nagalit ang mga ito sa dati niyang kinakasama. Bagkus ay sinabihan siya, lalo na ng dalawa niyang kapatid na kausapin muna ang dalaga.

            At iyon ang gagawin niya. Kung kailangang bumalik siya sa simula ay gagawin niya, makuha lang muli kahit ang pakikipagkaibigan ng mahal niya. Hindi niya talaga makakaya kung tuluyan na itong mawawala sa kanya.

            At siguro nga ay tanga siya, pero hindi na niya makakayang magmahal ng iba kundi rin lang si Gemma.

            “Crisben?” anang isang pamilyar na tinig ng isang babae.

            “O, Divina!” palatak niya pagbaling sa tumatawag.

            Nagkatawanan sila dahil kaytagal na nilang hindi nagkikita. Ito ang una niyang naging nobya, pero teenager pa sila noon. Mas naging matured ang hitsura nito pero maganda pa rin ang katawan. At walang ipinagbago, mahilig pa rin itong magsuot ng sexy outfit gaya ng suot nito ngayon.

            “Looking sexy as ever,” nakangiti niyang komento.

            Pabiro siya nitong hinampas. “Well, thanks.”

            “Pauwi ka na ba?” aniya.

            Napakunot ang dalaga. “Actually, I was supposed to be fetched by my husband kaya lang hindi raw siya makakarating. I’m so tired, I think I’ll just check in, in a hotel near here.”

            Nabahala naman siya sa narinig lalo pa’t nag-iisa lang ito. “Gano’n ba? Mabuti pa, sa bahay ka na lang tumuloy. Nag-iisa lang naman ako, e.”

            Napangiti ito. “Are you sure? I mean, baka kasi may magalit.”

            “Wala,” aniya.

            “You’re an angel, darling,” masaya nitong sabi. “Kinakabahan na nga ako na mag-isang pumunta kung saan-saan. Hindi raw kasi makaalis agad ang husband ko sa province namin, pero bukas din ay darating na ‘yon.”

            Inaya na niya ito na sumama na sa bahay niya. Kahit pa nagkahiwalay ang landas nila dati ay nanatili silang magkaibigan. Kakilala siya ng asawa nito at nagtatawagan din sila kung minsan kapag may problema.

            Kaya panatag ang kalooban nila sa isa’t isa. Sumakay na lamang sila ng taxi at nagpahatid sa tirahan ni Crisben.

 

SUBAYBAYAN!