Afraid To Love (Part 32)
Nobela ni MAUI PELAYO
(ika-32 labas)
NAKAHIGA na sa kama, sa guest room ng bahay ni Crisben si Divina. Nakasuot na ito ng pantulog, at gaya nang nakagawian ay sexy ang dating niyon at nakahapit sa hubog nito.
Mag-isa ito ngayon sa bahay. Nang maihatid kanina ni Crisben ang babae at maayos ang ilang gamit na dala, nagpasya ang huli na sumaglit sa opisina para kuhanin ang mga importanteng papeles na ibinilin nito sa sekretarya.
Napukaw sa pagkakahimbing si Divina nang tumunog ang buzzer. Sa pag-aakalang si Crisben na ang dumating ay agad itong bumangon at hindi na inalala ang suot.
Gulat na gulat at hindi malaman ni Gemma ang magiging reaksiyon pagkakita ng babae na nagbukas sa kanya ng pintuan sa bahay ng dating kinakasama.
Kagyat siyang natigilan dahil na rin sa kasuotan nito. Hindi niya mapigil isipin na ito na siguro ang ipinalit sa kanya ng mahal niya, ito na ang bago nitong kinakasama. Pero nagtataka lang siya kung bakit hindi sa kanya ‘yon nabanggit ni Mona.
“Ahm… si Crisben?” Sa wakas ay nahanap na rin niya ang kanyang tinig.
Napangiti ang babae. “Nasa office pa. Sandali lang daw siya roon dahil ayaw naman niya ‘kong iwanang nag-iisa nang matagal dito pero ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon wala pa. Baka na-traffic. Sino ka? Is he expecting you?”
Pilit niyang pinatatag ang loob kahit pa unti-unti nang nadudurog ang kanyang puso. Kung gayon ay totoo, ito na ang babae ngayon sa buhay ni Crisben. Burado na siya sa lalaki.
“Ahm… no… Ahm… I’m only one of his business associates,” aniya. Pinilit niyang pasiglahin ang tinig kahit namamatay na ang puso niya. “Sige, aalis na ‘ko. Baka tawagan ko na lang siya bukas sa office.”
“Teka, sino’ng sasabihin ko sa kanyang dumaan?” habol nito.
“Gemma Ortiz,” mabilis niyang sagot. “Sige, thank you na lang. Bye…”
Mabilis siyang lumayo nang makapagpaalam na. Kung kanina bago siya nagpunta rito ay puno siya ng pag-asa, ngayon ay tila pati kanyang lakas ay unti-unti nang nawawala sa kanya.
Ayaw niyang umuwi, ayaw niyang mag-isa. Nagpasya siyang pumunta sa tanging alam niyang lunas sa lumbay na tila wala nang gamot—ang paglalasing, pagpapakasaya. Kahit ngayon lang, kahit saglit ay kailangan niyang magpakalango. Dahil kung lulunurin lang niya ang sarili sa lungkot, hindi niya sigurado kung kanya ‘yong makakaya.
Mabilis siyang nag-drive diretso sa bar.
**
“HEY, why are you still up this late?” bungad ni Crisben pagdating niya sa kanyang bahay at abutan niyang umiinom ng tubig ang kanyang bisita sa may kusina. Napangiti siya sa suot nito.
“Don’t you ever open my door wearing those, or my visitors would surely believe that I’m having an affair with you,” biro niya.
Napakagat-labi ang babae. “Ganito naman talaga ko, e. Pag pinagsuot mo ako ng iba, mangangati lang ako, ‘no?” animo depensa nito sa sarili.
Mahina siyang natawa. “O, walang umaaway sa ‘yo.”
Napangiti na rin ito pero may pag-aalala sa hitsura. “Kasi… ahm… kasi, basta ‘wag kang magagalit, ha?” alanganin nitong simula.
“Bakit?” litong tanong niya.
“May nagpunta kasi rito kanina, hinahanap ka. Akala ko naman kasi, ikaw na ‘yon kaya ganito na ‘ko at di na nagbihis no’ng binuksan ko ‘yong pinto. Ewan ko kung ano ang inisip no’ng girl pero parang sobra siyang nalungkot. Considering na business associate mo lang daw naman siya,” anito.
Kinabahan na si Crisben. “Sino raw?”
SUBAYBAYAN!