Skip to main content

Afraid To Love (Part 35)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-35 labas)

MALALIM na ang gabi pero nasa bar pa rin at mag-isang nilalango ni Gemma ang selos at kalungkutan sa pamamagitan ng tanging paraan na alam niya.

            Nagngingitngit ang kanyang kalooban at hindi niya talaga malaman kung ano ang nararapat na maramdaman. Bakit ngayon pa, bakit ngayon pa siya nasasaktan nang ganito kung kailan siya natuto na magmahal nang husto?

            Hindi na niya inda ang paligid o ang kanyang anyo. Wala siyang takot o pangamba, dahil mas nadadaig ang lahat ng emosyon niya ang pagkalumbay na hindi mawala-wala sa kanya.

            Hindi niya inaasahan ang tagpo kanina. Mas masakit dahil masyado siyang umasa sa mga sinabi sa kanya ni Mona. Pinaniwalaan niya iyon. Hindi niya inakala kahit sa hinagap na may kapalit na siya sa puso at buhay ni Crisben.

            Lalo pa siyang uminom, lalo pa niyang dinalasan ang paglagok ng alcohol. Hangad niyang mabawasan ang sakit na nararamdaman, hangad niyang mawala na ito ng tuluyan kahit ngayon lang.

            Pagod na siyang umiyak kaya ayaw pa niyang umuwi. Pagod na siyang mangulila kaya ayaw pa muna niyang mag-isa.

                                                              **

ALALANG-alala na si Crisben. Wala si Gemma sa bahay nito at hindi siya makakonekta sa cellphone ng dalaga. Pati sasakyan nito ay wala sa bahay nito kanina.

            Mag-aalas onse na at iniisip niya kung saan naman kaya ito maaaring nagpunta. Bigla niyang naisip ang una niya ritong pinagkakitaan.

            Nagbakasakali na rin siya kahit walang kasiguraduhan na magpunta sa bar kung saan sila unang nagtagpo.

            At hindi siya nabigo. Hindi siya makapaniwala nang kanya agad makita ang dalagang hanap, malungkot na malungkot, nag-iisang umiinom sa lumbay na tiyak na siya ngayon na siya ang dulot.

            Mabilis niya itong nilapitan. “Gemma… Gems, I’ll bring you home.”

            Binayaran muna niya ang chit nito at saka niya niyakap ang dalaga at inalalayan para makatayo na.

            Kahit halatang lango na, nagsasalita pa rin si Gemma kahit pa tila hindi na nito makilala kung sino siya. “I love you, Crisben… I’m sorry…” anito.

            Nakakataba ng puso ang kanyang narinig. Pero paano naman niyang seseryosohin gayong ang nagsasabi nito ay isang lasing?

            “Tara na, Gems. Iuuwi na kita,” matatas niyang sabi.

            Nasa may kalagitnaan na sila. Maingay ang paligid at may musikang tumutugtog sa ere. Bigla siyang pinigil nito at lalo pang humapit nang pagkakayakap sa kanya. Iginigiya siya ng dalaga para sabayan nila ang kanta.

            Napabuntong-hininga si Crisben pero hindi naatim na ito ay biguin sa hiling. Kasama ng iilang magkakapareha ay sinimulan nilang umindak sa isang malungkot na kanta.

            Hindi lamang alam ni Gemma kung gaano siya naaapektuhan nang ginagawa nito sa kanya ngayon.

            Ang mga kamay ng dalaga ay humahaplos sa likod niya habang lalo pang naglalapat ang mga kurba ng kanilang katawan. Pagkaraka ay nagsimula na siya nitong hagkan. Una ay sa leeg lamang, gumapang iyon sa kanyang pisngi hanggang sa matagpuan nito ang kanyang labi.

            Doon na siya halos mawala. Pero bago pa kung ano ang kanilang magawa sa harap ng marami ay inakay na niya si Gemma para makalabas na sila at maiuwi na niya ito. Marami pa silang kailangang pag-usapan.

            At hindi sa ganito nitong kondisyon niya nais simulan ang kanyang mga confessions.

 

SUBAYBAYAN!