Afraid To Love (Part 37)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-37 labas)
NAGULAT si Gemma nang magising at makitang nasa kama rin niya si Crisben.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” aniya. May konting guhit ng pagseselos ang boses niya. Hindi kasi niya napigil na bumalik sa alaala ang nakita kanina nang nagpunta siya sa bahay nito.
Unti-unti ay sumilay ang ngiti ng binata. “Heto, na-rape mo na naman,” biro ni Crisben.
Pero hindi siya nagpadala sa maganda nitong ngiti. Nanatili siyang seryoso. “Salamat sa serbisyo. Sige, umuwi ka na sa babae mo. Baka kasi hinahanap ka na n’on.”
Lalong lumaki ang ngiti ng binata. “Ayoko nga. Matapos mo ‘kong pagsamantalahan, salamat lang ang igaganti mo?”
At hindi na siya nakabuwelo nang abutin siya nito at mahigpit na ikulong sa mga bisig nito. Hindi siya nito pinakawalan kahit ano’ng gawin niyang pilit.
Nagngingitngit pa rin ang puso ni Gemma sa selos kaya’t kahit nakikiliti na siya sa mga halik ni Crisben sa leeg niya ay hindi siya bumibigay.
“Tumawag sa ‘kin kanina si Mona…” mahina nitong pagbubunyag pagkaraka.
Kaya siguro malakas ang loob nito ngayon, naisip niya. Siguro ay sinabi na rito ng kapatid ang totoong damdamin niya. Pero hindi na siya nagsalita. Hinayaan lang niya itong magpatuloy.
Pilit siyang hindi nagpapadala kahit pa ang mga kamay ng lalaki ay kung saan-saan na napupunta. Tila tinatatakan ang mga bahagi niya bilang pag-aari nito.
“Mahal mo raw ako,” amused na pahayag ni Crisben pagkaraka.
“E, ano ngayon?” aniya.
Natawa ang binata at pinilit nito na tumingin siya rito. “Bakit ang taray mo?”
“You have the nerve to ask me that pagkatapos mo ‘kong ipagpalit sa iba? Ano ‘yon, ka-live-in mo na rin ba?” galit niyang tanong.
Pero nananatiling nakangiti ang binata. “Hindi ‘no? At saka ‘wag mong masyadong ilakas ang boses mo, baka marinig ka ng asawa noon.”
Lalong naningkit ang kanyang mga mata sa inis. “Alam mong may asawa, pinatulan mo pa?” pang-aakusa niya.
Natawa si Crisben. “Konti pang ganyan, aakalain ko na na namamatay ka na sa selos.”
“Oo, nagseselos ako. At oo, mahal kita gaya nang sinabi sa ‘yo ni Mona,” matapang niyang sabi.
Lalo nang sumaya ang mukha ng lalaki. “E, bakit ka galit?” panunukso nito.
“Hindi ako galit, naiinis lang ako sa ‘yo. Pagkatapos ng pinagsamahan natin…”
Hindi siya pinatapos nito. Pinutol nito ang kanyang mga salita sa pamamagitan ng isang halik. “Hindi ko babae si Divina, ‘yong nakita mo sa bahay kanina.” Nagpatuloy ito sa pag-e-explain tungkol sa pinagseselosan niya.
Pinamulahan pa si Gemma matapos marinig ang kuwento ng lalaki. “E, bakit…”
Mabilis uli itong sumingit bago pa niya makumpleto ang tanong. “Natural na do’n ‘yon. Kahit nagsisimba ‘yon, sexy ang damit n’on. Pero hindi niya sinuot ‘yon para sa ‘kin kundi dahil ‘yon na ‘yong nakasanayan niya. Malay ba naman niya na may darating pala siyang magandang bisita habang mag-isa siya sa bahay ko? Malay ba noon na hindi pala ako ‘yong dumating. Kaya ayun, lumabas siya ng gano’n.”
Kumbinsido na siya tungkol kay Divina pero may mga alinlangan pa siya.
“No’ng last time sa bar…” simula niya.
Hindi na rin siya nito hinayaang makatapos. Sinagot na nito ang hindi pa buong katanungan.
Ikinuwento sa kanya ni Crisben ang lahat nang bagay na narinig mula kay Bien noong gabing tinutukoy niya. Na siyang nag-udyok dito para magpasyang kalimutan na siya.
“Akala ko kasi kaya ka nagpunta sa bar no’ng gabi na ‘yon ay dahil iniwan ka na naman ni Bien. Na akala ko, mahal mo pa rin siya,” pagtatapos ni Crisben.
Hindi mapigil ni Gemma ang nararamdamang inis sa kababata nang dahil sa nalaman niya kay Crisben. Ikunuwento rin niya dito ang side niya.
Pangako ni Gemma na ganito na sila lagi, walang itinatago sa isa’t isa.
TATAPUSIN!