Skip to main content

Afraid To Love (Part 5)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-5 labas)

NAGULAT si Crisben nang sabihin ni Gemma na hindi na nila dapat makilala ang isa’t isa nang lubusan.

Lalo na siyang naguluhan. Wala man lang ba siyang malalaman tungkol sa dalagang hindi na niya napigilang bigyan ng espesyal na espasyo sa luku-luko niyang puso? Naiinis siya sa sarili sa dali niyang mahulog sa patibong ng pagmamahal. Ngayon, hindi man niya tanggapin, tiyak siyang masasaktan kapag hinayaan niyang malayo ito sa kanya ngayon at kailanman ay hindi na niya masisilayan man lang.

            “Gemma, please. I love you!” hindi na niya napigil na sambulat.

            Inasahan na niya ang reaksyon nito, dahil hindi talaga kapani-paniwala ang ganito. Pero hindi siya nito lubos na kilala, kung mabibigyan lang siya ng chance ay mapapatunayan niya na ganito siya talaga. Isang lalaking hindi takot na umibig at lalong hindi takot na sabihin ang damdamin sa taong pinag-uukulan niya n’on, maging isa man iyong estranghero.

            Natawa ito pero hindi nakakainsulto. Pilit pa nga nitong pinipigilan ang sarili pero tila hindi talaga nakayanan. Ilang saglit pa ay muli itong nagseryoso at saka siya binalingan.

“I’m not worth it… at kanina, you were asking kung ano si Bien sa ‘kin… He’s the only man I ever gave my heart and love into… Yeah, he has left me but I still can’t afford to love anyone, especially not a quixotic Romeo like you, when every night I still long and pray that Bien would come back and carry out his every promise to me,” anito.

            Hindi na siya nakatugon. Tama nga ito, nabubuhay siya sa pag-iilusyon. At masakit, ‘yon naman lagi ang kaaway niya, ang sakit sa damdamin na naidudulot lalo pa’t hindi natugunan ang pag-ibig niya. Ang sira-ulong pag-ibig niya, na lagi na lang wrong timing.

            “Goodbye, Crisben…” mahina nitong paalam. At hindi na muling tumingin sa kanya habang palabas ito ng kuwarto.

            ‘Yon lang at nawala na ito sa kanyang paningin. ‘Yon lang at tuluyan na itong nawala sa kanyang buhay.

            Wala na siyang magagawa kundi simulan na namang kalimutan ang lahat at ituring na panaginip lang ang mga naganap.

            Pangako rin niyang kukonsulta sa isang doktor para magpa-heart transplant! Sawa na siya sa kinahahantungan ng mabilis niyang pagmamahal. Kundi iniiwan ay napagtatawanan na lang siya. Kaya habang hindi pa siya nasisiraan ng pag-asa ay mabuti pang papalitan na lang niya ang pinagmumulan niyon.

            Hindi naman kaya siya mapagkamalang nasisiraan na ng ulo ng mga doktor? Palatak niya sa isip. Pinagtawanan na lang niya ang sarili habang hirap na bumabangon para makapaghanda na at makauwi na rin sa bahay niya para makakuha ng mga gamit. Tiyak niyang hinihintay na siya sa family gathering nila na napag-usapang gawin sa Tagaytay.

            Isang linggo na narito ang mga kapatid niya, mga magulang, pati pa ibang malalapit na kamag-anak. Kaya nga nagpaalam siya sa opisina na isang linggo ring mawawala.

            Ang hindi lang niya alam ay kung makakabuti kaya sa kanya o makakasama ang pagtitipon na gaganapin. Tiyak kasi niyang mapagkakaisahan na naman siya ng mga kapamilya tungkol sa pananatiling single.

            Dalangin lang din niya na hindi sana makahalata ang mga ito sa kakaiba niyang iniinda. Hindi na niya ikukuwento ang tungkol kay Gemma. Hindi rin kasi niya alam ang sasabihin sa isang dalaga na isa na lamang magandang alaala.

            Napabuntonghininga siya at mabilis nang nagtungo sa shower room. Pilit niyang pinapakalma ang loob at pinapatino ang isip sa bawat pagpatak ng tubig.

            Lihim rin niyang pinagagalitan ang sarili habang nag-iisip kung ano ang pupuwede niyang gawin para lubusan nang mawaglit si Gemma sa isip at puso niya.

            Isa lang ang kasagutang paulit-ulit niyang naiisip. Bahala na… bahala na…

 

SUBAYBAYAN!