Skip to main content

Afraid To Love (Part 6)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-6 na labas)

“MA’AM, the A and A Giants backed out from the proposal,” bungad kay Gemma ng kanyang secretary, si Alice, pagdating niya sa bahay.

            “What?” alala niyang tanong. Hindi siya makapaniwala lalo pa’t matagal na niyang kliyente ang nabanggit at kahit kailan ay hindi pa sila nito binigo.

            “They wanted to talk with you personally to apologize for their sudden decision, but they said that they couldn’t help it coz of financial difficulties,” anito.

            Gemma is into pastry business. Nagsu-supply siya ng kanyang produkto sa malalaking restaurants dito sa bansa, gaya ng mga restaurants na pag-aari ng A and A Giants. Kliyente na niya ito mula pa noong buhay pa ang kanyang mommy.

            She used to do this business with her mom. Her dad died while she was still in high school kaya’t nagtulong silang dalawa ng kanyang ina para matupad ang matagal ng pangarap ng ama. Hindi nga lang naisakatuparan nito dahil maaga itong kinuha ng May Likha.

            Kung tutuusin ay puwede na sanang mamuhay nang magaan silang dalawang mag-ina dahil naihanda na ng daddy niya ang future nila noon pa. Bukod sa malaking ipon at insurance, ay may mga ari-arian na rin itong naipundar para sa kanila.

            Pero hindi rin sila ang tipo na pababayaan na lamang ang magandang simula. Nagtulong sila para mapaunlad ang negosyo. They were partners in everything from the start, but she was forced to handle everything by herself when the latter died when she was merely twenty.

            Now, at twenty-six ay maipagmamalaki na niya sa kanyang mga magulang na kapwa na nasa itaas na tagumpay na siya sa larangang ninais ng mga ito para sa kanya.

            Sanay na siya sa ups and downs ng business niya, lalo pa sa kagaya nito. Pero problema pa rin lalo pa at may pinaglalaanan siya ng pera na makukuha sana niya sa deal.

            “Pa’no ‘yan, nagawa na ang products, bakit ngayon lang nila sinabi kung kelan ready na ang lahat for delivery?” anas niya. Pero nakakadama rin siya ng awa sa kliyente lalo pa’t sigurado siyang mas matindi ang problemang pinagdaraanan nito ngayon kaya’t nagawa nito ang gayong desisyon.

            Kumpleto ang kanyang workforce. Nakapagpundar na rin siya ng lugar kung saan mina-manufacture ang lahat nang kanilang produkto. Maayos ang kanilang trabaho. Sa kanya nagmumula ang ilang recipes ng mga ginagawa rito dahil natural sa kanya ang pagiging mapag-eksperimento lalo pa sa pagbe-bake.

            Kaya naman, hindi sila nawawalan ng kliyente. Ang lahat ay satisfied sa kanilang mga ibinibenta. Ngayon nga ay sa bahay na lang siya nagco-conduct ng business, kung may kailangan siyang kausapin o papeles na kailangang pirmahan. Madalang na siyang dumalaw sa kanyang pagawaan lalo pa’t hindi naman siya roon kailangan.

            Gemma deserves the break and space that she’s giving herself now. Matagal na rin siyang nagumon sa pagiging workaholic, isang dahilan kung bakit sila nagkahiwalay ng noon ay fiancé na niya, si Bien.

            Magkababata silang dalawa. Hindi na nila kapwa napigilan na mahulog ang damdamin sa isa’t isa lalo na nang lumaki na sila at magkaisip na.

            Kasama niya si Bien sa pagbuo ng kanyang mga pangarap. Ito ang una sa kanyang dumaramay sa kanyang mga lumbay.

            Napagplanuhan ang kanilang kasal dalawang taon matapos siyang lubusang maulila. Sa mga panahong iyon nila lalong napag-alab ang kanilang pagmamahalan, o iyon ang akala niya.

            Akala niya noon ay sapat na lagi silang magkasama, lagi niyang naibibigay sa lalaki ang bawat nitong gustuhin. May isang bagay lang na hindi siya makumbinsi ni Bien, ang ibenta ang business niya at palitan nila iyon ng iba.

            Doon nagkaproblema ang kanilang pagmamahalan.

 

SUBAYBAYAN!