Afraid To Love (Part 7)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-7 labas)
NAALALA ni Gemma na ayaw ng boyfriend na si Bien na nagtatrabaho siya. Ito raw ang gagawa ng ganoon sa bubuuin nilang pamilya. Dahilan lamang ang pagbebenta ng business para mawalan na siya ng sariling pinagkakakitaan.
Masakit sa kanya iyon, lalo pa’t ito na nga lang ang alaala sa kanya ng mga yumaong mga magulang. Pero nakahanda na rin sana niyang gawin sa laki ng pagmamahal niya sa lalaki, hanggang sa ipagtapat sa kanya ng dating nobyo na umiibig na ito sa iba.
Pakiramdam niya noon ay naglaho ang lahat nang ganda ng kanyang pangarap. Lalo na nang tumindi ang kanyang pangungulila nang tuluyan na siyang iwanan ni Bien at sumama na ito sa bago nitong minamahal.
Hindi niya maintindihan ang sarili, gayong lantaran na nga siyang naloko ay hindi pa rin niya magawang makalimutan ang kanyang kababata. Itinatangi pa rin ito ng puso niya kahit pa halos tatlong taon na niya itong hindi nakikita.
Gayon yata talaga ang pagmamahal – tanga. Gaya nang nakaniig niya kagabi. Isang gabi lamang na pagkawala sa reyalidad ay pag-ibig na agad ang inihirit nito sa kanya kanina.
Nakakatawa, pero hindi imposible. Mukha namang disente ang binata at napakasimpatiko pa ng mukha.
Pero hindi na niya hinayaan ang sarili na makilala pa ito. Ngalan lang ang nalaman niya rito—Crisben. Nagulat rin siya nang sabihin nito na tinatawag daw niya ang ngalan ng dating nobyo habang ito ang kapiling niya.
Pero tanggap naman niya, tila mahihirapan siyang burahin ang mga magagandang alaala nila ni Bien kahit pa gaano kasakit ang kanilang naging paghihiwalay.
Tanga nga siya, e. Hindi talaga lubos kung ibigay ng Diyos ang karunungan. Magaling siya sa business, maayos siya sa buhay, outstanding student siya noon pero kahit kailan, tila lagi na siyang lagpak sa larangan ng puso. Kung saan hindi na utak kundi damdamin ang nag-iisip.
Sa lalim ng kanyang pag-aalala sa ngayon at sa nakalipas ay hindi na niya napansin nang mag-ring ang phone at sagutin iyon ng kanyang sekretarya.
Napukaw na lamang ang kanyang atensyon ng muli itong lumapit sa kanya. “Ma’am, may nag-i-inquire daw po sa office kung puwede tayong mag-supply sa kanila ng pastries. Biglaan daw po kaya ie-email na lang daw po nila ‘yong proposal.”
Sumigla siya sa narinig. Wala na silang problema kapag nagkataong maganda ang deal nito.
“Saan daw ‘yan?” tanong niya.
“C.G. Restaurants daw po,” anito. “Dito pa lang daw po sa Manila, Ma’am, may ten outlets na sila. They were referred here by A and A, mukhang bumabawi naman po sa inyo,” nakangiti nitong dagdag.
Napangiti rin siya. “Ikaw na ang bahala, tingnan mo kung okey. Sabihin mo na lang sa ‘kin pag kailangan ko nang i-meet ang head niyang C.G. I’m so tired, I just want to sleep all day.”
Naintindihan naman siya nito. “Ahm, out of town daw po ‘yong president ng C.G. for a week. Pero titingnan ko pa rin po ‘yong deal at bahala na rin po ako kung kailan po kayo puwedeng mag-usap ng head nila. I’ll just inform you.”
“Thanks, Alice,” aniya. Masuwerte rin siya sa pagkakaroon ng efficient staff.
Ngumiti na lamang ang secretary niya at saka nagsimula nang kalapin ang mga gamit para makapunta na sa opisina.
Nang maiwang mag-isa ay nagpunta na siya sa kanyang kuwarto. Ang gusto sana niya ay maligo muna, pero pagkakita pa lang sa malambot niyang kama ay agad na siya roong nahiga para maipahinga ang pagod na katawan na animo may hang-over pa sa ginawang pag-inom sa nagdaang gabi.
Kakaiba ang kanyang pakiramdam ngayon, tila hinahanap-hanap niya ang maskuladong porma ni Crisben sa kanyang higaan.
Pero mabilis rin niya ‘yong pinalis sa kanyang isip. Men! They’d just make you fall in love and then leave you. Better not to fall for that kind of trap until it has become part of your system which you wouldn’t get over with for the next days, weeks and years of your life.
Minsan pa niyang inilarawan sa isip si Crisben hanggang tuluyan na siyang makatulog.
SUBAYBAYAN!