Afraid To Love (Part 8)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Ika-8 labas)
“KUYA, Glen is getting married next month,” bulalas ng bunsong kapatid ni Crisben, si Vener. “Biruin mo ‘yon, e, hamak na mas guwapo mo pa roon, ah!”
Hindi tuloy malaman ni Crisben kung maiinis o matatawa sa narinig niya.
Mag-aalas tres na ng hapon. Lunes at pangalawang araw na nilang nagkakasama-sama. Harap-harap ang lahat sa garden ng rest house ng Tita Cita niya, kapatid ng kanyang mommy.
Kumpleto ang lahat. Naroon ang dalawa niyang kapatid na babae, pati mga sari-sarili nitong mga pamilya. Naroon din at mukhang kagagaling ng beach sa ganda ng tan ng mga ito, ang kanilang mga magulang.
Pati mga tito at tita niya ay kumpleto, kaya naman kumpleto rin ang mga inaasahan niyang pasaring na makukuha mula sa mga ito.
Mula kahapon pagdating niya rito ay wala na iyong tigil. Siya ang nagiging tampulan ng tukso lalo pa at tatlo na lang silang natitirang single sa mga pamangkin. At ang mga natira ay kapwa pa teenager kaya lusot pa ang mga ito.
“Akala ko pa naman, may isasama ka na rito ngayon,” anang Tita Cita niya. “Dinamihan ko pa naman ang niluto ko para sa kanya.” At dinagdagan pa nito ang drama nang kunwa’y pagbuntunghininga.
“Hindi ka ba naiinggit sa mga kapatid mo, may tigalawa nang cute na cute na mga anak?” sunod na sundot ng tita niya. “Si Mona, next year makakatatlo na. Baka naman hindi ka na makahabol.”
Pero hindi siya rito nagpaapekto. Naging immune na nga yata siya sa mga pasaring na gaya ng ganito na hinahanap-hanap na rin niya sa tuwing nagkikita-kita silang buong angkan.
“Tingnan n’yo naman sila, mas mukha pang matanda kaysa sa ‘kin ngayon,” biro ni Crisben.
Natawa ang lahat habang sabay naman siyang pinagkukurot nina Vener at Mona.
Pero nagbibiro lang talaga siya sa komento niya kanina. Kung anuman ay mukhang napakaligaya ng mga kapatid niya, bagay na matagal na niyang hiling na mangyari rin sa kanya—ang lubusang maging masaya.
“Ano ba kasi ang hinahanap mo?” Hindi rin papigil ang isa pa niyang tito. Nag-isip pa ito kunwari at saka uli humirit. “Wala ka pa bang nagustuhan sa mga chikas na ipinadala ko no’ng birthday mo?” makahulugan nitong banggit.
Nagkatawanan na naman ang lahat. Habang si Crisben naman ay pinamulahan. Noong nakaraang birthday niya kasi ay naisipan ng pilyo niyang tito na magpadala ng mga stripper sa bahay niya.
Mas nag-enjoy pa ang mga kaibigan niyang naroon kaysa sa kanya nang dahil sa hindi inaasahang regalo. Hindi kasi ganoon ang tipo niya ng pagsasaya at paghahanap ng satisfaction. Ang gusto niya ay ‘yong intimate at ‘yong may nadarama siya sa kanyang kapareha.
Kagaya noong nagdaang gabi, kay Gemma. Hindi man niya ito masyadong kilala, iba na agad ang tama niya sa babae. Kaya nga kahit napagtawanan siya ng dalaga sa pagsasambulat niya ng totoong nararamdaman, hindi siya nagsisisi na naipahayag naman niya iyon bago sila tuluyang magkahiwalay.
Natigil saglit ang kasiyahan sa pagtunog ng kanyang cellphone. Mabilis niya ‘yong kinuha nang makita na galing sa kanyang opisina ang tawag.
“Hay naku, ang daya. Akala ko ba, forget muna ang trabaho?” mabilis na ungot ng kapatid niyang si Mona.
Napangiti siya rito. “Sandali lang ‘to. Baka kasi may problema sa office.”
Tumayo na siya at tinanguan na lang ang mga kasama. Nagtungo siya sa tahimik na parte ng lugar at saka sinagot ang tawag.
“Sir, nakakuha na po kami ng supplier ng pastries. ‘Yong ini-refer po sa ‘tin ng A and A Giants ang napili namin. And they’ve already agreed to deliver the products as soon as we signed the deal,” anang tauhan niya sa C.G. Restaurants, ang kanyang business.
Matagal na silang naghahanap ng mainam na supplier ng pastry products dahil pumalpak ang huling nakuha nila.
“Do I have to be there now? Do I need to talk with anyone?” tanong niya rito.
Handa naman siyang sumaglit sa Manila kung kinakailangan. Mahalaga kay Crisben ang kanyang pamilya, pero hindi naman iyon dahilan para mapabayaan niya ang kanyang trabaho at ang negosyo kung saan dugo’t pawis na ang ipinuhunan niya.
SUBAYBAYAN!