Skip to main content

Afraid To Love (Part 9)

Nobela ni MAUI PELAYO

(Ika-9 na labas)

BATA pa lamang si Crisben ay negosyante na siyang tao. Nang lumaki at nagkaisip ay kung anu-ano ring negosyo ang pinasok niya. Pero dito siya naging matagumpay at dito rin niya nairaos ang kanyang pamilya.

            Kaya ganoon na lang ang pagpapahalaga niya rito. Ito na rin ang gusto niyang maging pundasyon ng sarili niyang pamilya in the near future.

            “Puwede po, Sir, na kami muna ang bahala ngayon. But you still need to speak with Ms. Ortiz, the owner of Sweet Angels, our new supplier, with regards on other details. Actually, she has agreed to meet you when you get here. We have explained to her everything,” anang nasa kabilang linya.

            Nakahinga siya nang maluwag. Mabuti na lang at mabait ang supplier na nakuha ng mga tauhan niya. Sana lang ay hindi na ito pumalpak kagaya ng una niyang nakuha.

            Bukod kasi sa hindi laging makapagbigay ng demand nila, karamihan sa produkto ng dati nilang supplier ay hindi bumebenta.

            “Okay, then. Tell Ms. Ortiz to meet me in my office next Monday. Ask my secretary what time will I be available. Just leave the details about the deal in my table so that I could go about it first thing on Monday. At sana rin, bahala muna kayo riyan…” simula niyang paghahabilin.

            Natawa na ang kanyang tauhan. “Of course, Sir. Kami’ng bahala dito. And don’t worry, maayos po ang lahat dito. Enjoy your vacation, Sir.”

            Napangiti na siya. “Sige,” paalam niya sa kausap.

            Nang maibaba na ang pareho nilang linya ay agad na bumalik si Crisben sa umpukan ng kanyang pamilya.         

                                                                   **

GABI. Huling araw na magkakasama ang pamilya ni Crisben sa Tagaytay. Bukas na ang flight ng mga kapatid niya at mga pamilya ng mga ito pabalik sa America. Bukas na rin aalis ang mga magulang niya para dumalo naman sa natanguan na ng mga itong kasiyahan sa isang kaibigan sa Cebu.

            Bukas din ay babalik na siya ng Manila, balik trabaho, balik sa pag-uwi sa kanyang bahay kung saan siya ay nag-iisa.

            Kaya nga habang narito pa ang kanyang mga mahal sa buhay ay sinasamantala na niya na lagi na silang magkakasama at magkakausap.

            Malalim na ang gabi. Silang tatlong magkakapatid na lamang ang gising. Nasa attic sila ng rest house, nagpapatugtog ng mga senti songs, habang nag-uusap-usap.

            “Kuya, ‘wag kang mapipikon sa ‘min ha?” Lalo pang tumabi sa kanya sa sofa si Vener. “Nag-e-enjoy lang talaga kaming asarin ka tungkol sa pagiging single mo pero siyempre, we’re also praying for you to find the one.”

            Yumakap naman sa kabila niyang gilid ang isa pa niyang kapatid, si Mona. “Wala pa ba talaga?”

            Napabuntonghininga siya. Madali kasi siyang makapagkunwari sa iba, maliban lang sa mga kapatid niya. Dati, noong lumalaki sila ay lagi niyang kaaway ang mga ito. Nag-iisang kuya kasi kaya naging istrikto siya sa dalawa. Pero nang lumaon ay naintindihan din siya ng mga kapatid niya kaya naman lalo pa silang naging malapit sa isa’t isa.

            “Hindi ko alam… I don’t know if should continue hoping that I’d see her again, kasi baka hindi na…” simula niyang pagtatapat. “She doesn’t love me, she’s in love with somebody else. And I barely know her.”

            “Kasi naman, Kuya, kapag alam mong talo ka na ay umatras ka na at ibaling mo na ang atensyon mo sa iba,” ani Vener.

            Madaling sabihin, ani Crisben sa isip. “I’ll try.”

            “Balitaan mo kami, ha?” si Mona.

            Natahimik silang tatlo. Hindi man nagsasalita, alam niyang pare-pareho silang nalulungkot sa nalalapit nilang paghihiwalay.

            Kapag kasi mahal mo ang isang tao, ang isipin pa lang na malalayo ito sa iyo ay masakit na, lalo pa siguro kung walang kasiguraduhan kung muli pa kayong magkikita.

Gaya ng sa kanila ni Gemma...

 

SUBAYBAYAN!