Skip to main content

Ang huling text message sa boyfriend

January 31, 2016

Nakuha pang maka­pag-text sa kanyang boyfriend para humingi ng tulong bago nalagutan ng hininga ang isang 19 an­yos na dalaga na pinagsasaksak ng hindi pa nakikila­lang salarin habang nagla­lakad pauwi ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa bayan ng Malilipot, Albay.

Tatlong saksak sa dibdib at tagiliran ang tinamo ng biktimang nakila­lang si Mary Joy Bo­lor, estudyante at residente ng Barangay Canaway ng nabatid na bayan.

Patuloy na­man ang ginagawang follow up operation ng mga awtoridad sa posibleng pagkakakilanlan sa suspek na pinaniniwalaang mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente pa­sado alas otso ng gabi habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Barangay Canaway at pauwi na sana sa kanilang bahay.

Posible umanong ina­bangan ng suspek ang biktima sa madilim na parte ng lugar at alam nito na nag-iisa lang ang dalaga sa pag-uwi.

Napag-alaman pa sa pulisya na nakuha pang makapag-text sa kanyang nobyo ng biktima at nakasaad sa text ang paghingi ng tulong nito dahil sa sinaksak nga raw siya.

Mabilis namang nakaresponde ang boyfriend ng dalaga kasama ang lalaking kaibigan subalit wala na ring buhay ang biktima nang datnan nilang nakahandusay sa kalsada.

EDITOR’S TAKE:

Napakalungkot na wakas ng isang pagmamahalan. Muli, alam nating mahahabol ng batas ang walang pusong pumatay sa dalaga.