Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 116)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-116 na labas)
HABANG nag-i-inquire si Iza sa papasukang kolehiyo ay nakita niya ang dating high school classmate (at crush) na si Virgilio. Hindi rin pala agad ito nakapag-aral dahil tulad niya ay kapos sa pera ang mga magulang.
Mas gumuwapo sa paningin niya ang dating kaklase. Nagkaroon na rin ng masel at konting bigote, nagmumukha ng mama.
Noon ay marami ang bumibiro sa kanilang dalawa na bagay sila. Nagpapadala ito ng love letter sa kanya, pinahihiram siya ng Tagalog romance pocketbooks, at kung anu-ano pang paramdam. Hindi nga lang siya bumigay kahit may gusto siya rito.
Nagmemeryenda na sila sa canteen ng kolehiyo, softdrinks at turon, nang magtanong si Virgilio.
“Hindi ka yata sinamahan ng boyfriend mo,” ungkat nito.
Ngumiti siya. Now, that’s a clever way of asking kung in a relationship ba siya o hindi.
“Wala pa akong boyfriend,” aniya.
Nakita niya ang kislap ng tuwa sa mga mata nito. “Talaga? Sa ganda mong iyan hindi ka nagka-BF? Parang ang hirap maniwala.”
“Wala talaga. Namasukan kasi akong katulong para may pang-tuition. Puro kami babae sa mansion.” Binanggit niya rito si Amadeo. Walang hindi nakakakilala sa pamilya ng senyor sa kanilang lalawigan.
Napatangu-tango ito. “Ako nga rin, hindi nagka-GF. Nagtrabaho ako sa bakery para may pang-tuition din. Ano nga pala ang kursong kukunin mo? Ako ay HRM. Pag naging mahusay raw akong cook, isasama ako ng pinsan kong seaman sa barko.”
“Psychology ang kukunin ko. May nabasa kasi ako sa dyaryo dati na madaling makakuha ng work pag iyon ang tinapos.”
Tinapos nila ang pag-uusap na may pangakong laging magkikita basta may pagkakataon. Nang uwian na ay inihatid pa siya ni Virgilio sa may sakayan ng dyip. Magkaiba kasi sila ng way, at hindi na siya nagpahatid dito dahil noong mga panahong iyon ay medyo mapanganib sa kanilang lugar dahil pugad ng mga rebelde. Kapag bagong mukha, sinisita. Natakot siyang baka mapahamak ito.
Gayunpaman ay hindi niya itinangging natuwa siya sa pagkikita nilang iyon. May hatid pa ring kilig sa kanya si Virgilio. Kakaibang damdamin.
Hindi gaya ng kay Amadeo...
Napailing si Iza.
**
DALAWANG buwan ang hihintayin bago malaman ang resulta ng contest na sinalihan ni Amadeo. Naging abala na ito at madalas na sa Maynila. Nang malapit na ang pasukan ay kinausap siya nito.
“Magbubukas ako ng bangko sa pangalan ko, Iza. Iiwan ko sa iyo ang ATM card at ang PIN number. Para hindi ka mapahamak, magpapagawa ako ng sulat sa aming abogado na binibigyan kita ng karapatan na gamitin ang card.”
Hindi siya kumibo. Mabilis na mabilis ang tibok ng kanyang puso sa nalalapit na katuparan ng kanyang pangarap.
“Mag-iiwan ako ng sapat na halaga hanggang sa makatapos ka, Iza,” dugtong ng senyor. “I hope you will use the money sa pag-aaral mo talaga.”
“Opo, Senyor. Maraming salamat po. Titiyakin ko po sa inyo na magkakaroon ako ng diploma.”
Ngumiti ito at kinuskos siya sa buhok.
Mula nang bumalik mula sa Maynila ang senyor ay hindi na uli sila nagniig. Madalas itong may mga kausap sa telepono. Ang ina nito ang natutuwa sa nakitang pagbabago ng anak.
Alam din ng matandang babae na binigyan siya ni Amadeo ng sapat na salapi para sa kanyang pag-aaral. Mahigpit din ang bilin nito na tapusin niya ang pag-aaral, at sana raw kahit may trabaho na siya ay dumalaw-dalaw pa rin siya sa mansion.
“Opo naman, Senyora. Napakalaki ng utang na loob ko sa inyo. Hindi ko kayo malilimutan.”
At lalo niyang hind malilimutan ang ginawang pagmumulat sa kanya ni Amadeo bilang babae.
**
NANG magpasukan na ay huminto na siya sa pag-aaral. Ang pinalabas na sitwasyon ng senyora ay sadya siyang pinag-aral para pag nakatapos siya ay gagawin siyang empleyada ng mga ito sa hacienda. Na natuwa ang senyora sa sikhay niya sa pag-aaral kaya gustong bigyan ng tsansang umasenso naman sa buhay.
Iyon din ang sinabi ng senyora sa kanyang mga magulang. Nagsadya pa ito sa kanilang bahay para lang sabihin sa kanyang parents ang kunwa’y plano para sa kanya. Tuwang-tuwa naman ang mga ito.
Nagpaalam siya kina Ate Olga at iba pa niyang mga kasamahan doon na walang kaalam-alam sa mga nangyari sa kanila ni Amadeo.
Minsan ay naiisip niya, bawat isa kaya sa kanila sa mansion na iyon ay may karanasan kay Amadeo? Mayroon din kayang lihim ang mga kasamahan niya sa senyor na ang mga ito rin lang ang nakaaalam?
Alam din kaya ng senyora ang mga namagitan sa kanila ng anak nito?
Hindi niya alam. Ang mahalaga, nailihim niya ang para sa kanya.
At nagsimula siyang mag-aral .
**
ISANG araw ay pinuntahan siya ni Ate Olga sa kanilang bahay. Wala siyang pasok noon. Nagulat pa siya nang makita ito. Tuwang-tuwa naman ito nang makita siya at agad niyakap.
“Mataba-taba ka ngayon,” anito. “Mukhang hiyang ka sa pag-aaral.”
“Hindi na kasi masyadong napupuyat na gaya noong nasa mansion pa. O, bakit ka nga pala napasyal?” ungkat niya rito.
“May pagdiriwang sa mansion bukas. Kailangan mong pumunta. Ipinaiimbita ka ng senyor.”
Sumasal ang tibok ng puso niya. “B-bakit?”
“Nanalo siya sa paggawa ng kanta!” excited na sambit ni Ate Olga. “First prize!”
Napapalakpak at napaluha siya sa sobrang tuwa sa nalaman. “Yeheeey! Ang galing-galing naman ng senyor!”
“Nagkakagulo nga kami roon sa sobrang tuwa. Sabi ng senyor ay may bonus daw kami. Baka bibigyan ka rin,” ani Ate Olga.
“Oo nga! Ang dami kong natimplang kape sa kanya!” aniya kahit alam niyang nauna na ang bonus na para sa kanya.
Nagpaalam na si Ate Olga, mahigpit ang bilin na kailangang magpunta siya sa mansion bukas. Nangako siyang darating dahil gusto na rin niyang makita ang mga dating kasama.
At siyempre, si Amadeo...
Kinabukasan ay naligo siya nang todo. Gusto niyang maging mabangung-mabango sa paningin ni Amadeo. Gayunpaman ay simple lang ang ginawa niyang bihis; pantalong maong at white na pang-itaas. Ipinusod din lang niya ang buhok niya.
May mga tao na nang dumating siya sa mansion. Nagagayakan ang malawak na bakuran, at may naka-setup na entablado na may musical instruments na gamit ng isang banda. Mukhang may kantahan, naisip niya. Nakasulat sa stage ang pagbati kay Amadeo sa pagkakapanalo sa sinalihang contest.
Agad naman siyang sinalubong ng kanyang mga dating kasamahan. Kumustahan. Ang mga mata niya’y naghahanap. Wala pa ang taong pinakagusto niyang makita.
Si Amadeo...
SUBAYBAYAN!