Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 117)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-117 labas)
MAY imbitasyon kay Iza sa mansion dahil si Amadeo pala ang nanalo ng grand prize sa sinalihan nitong music competition. Pagdating niya roon ay agad hinagilap ng kanyang mga mata ang amo pero hindi niya ito makita.
Halu-halo ang mga bisita. May mga sosyal, may mga tauhan sa hacienda. Isang marangyang piging iyon na animo’y fiesta ang atmospera kaya hindi maiilang ang mga mahihirap lang sa mayayamang bisita.
Nagsisimula na noon ang kaunting kasiyahan. May bandang tumutugtog at salit-salit ang mga kumakanta. Kung minsan ay humahanap sa crowd ang pinaka-host kung sino ang gustong maki-jam sa stage. Si Ate Teray na sa kanilang grupo noon ay pinakamagandang kumanta ay nagpasampol na ng paborito nitong awitin ng Carpenters, ang “A Song For You” na labis na pinalakpakan ng mga naroroon. In fairness, may boses ang kanyang kasamahan.
“Wala pa yata ang senyor?” tanong niya kay Gelay. Noon ay may catering sa selebrasyon, at ang mga kasambahay ay itinuring ding bisita sa mansion kaya chill lang sila nina Ate Olga. Nakaporma ang kanyang mga dating kasamahan. Nasa isang table sila at sosyal na sosyal na tumatagay ng tequila.
“Baka mamaya pa siya lalabas, pati ang don at ang senyora,” ani Gelay.
Maya-maya, sa pambu-bully na rin sa kanila ni Ate Olga ay umakyat silang lahat sa stage na mga kasambahay para umawit. Sabagay, pare-pareho naman silang may boses. Nag-usap-usap sila kung ano ang kakantahin—at nagkaisa silang ang awitin na lang ni Whitney Houston na “One Moement In Time” dahil moment iyon ni Senyor Amadeo, at ang awitin ay patungkol sa pagwawagi.
Maganda ang kanilang naging rendition ng kanta, at nahilingan pa sila ng “More... more!” ng mga bisita. Dahil wala na silang ibang naihandang kanta, si Fe na lang ang umawit ng paborito nitong Jessa Zaragosa piece, ang “Bakit Pa?” Iyon daw kasi ang madalas nitong kantahin noong sumasali pa sa mga singing contest noong bata pa ito. Sadly, hindi naman ito nanalo kahit minsan.
Sinundan iyon ni Erla—na ngayon ay may boyfriend na—ng Pinoy pop hit na “Torete”.
Si Maria na naikasal na pala sa huwes at dumalo lang din sa okasyong iyon at sa isang araw ay lilipad na patungong Singapore ay nagpaunlak din ng isang kanta, ang “Nilunok Kong Lahat” ni Selina Sevilla.
Nasa ganoon silang katuwaan nang dumagundong ang tinig ng emcee. “At ngayon po, mga kaibigan... bigyan natin ng masigabong palakpakan ang pamilyang naghahandog sa atin ng kasayahang ito!”
Sumindi ang spotlight at tumutok sa isang bahagi ng mansion. Bumulaga roon ang mag-anak; ang don, ang senyora at si Amadeo. Malakas na palakpakan ang pumailanlang.
Sumasal ang tibok ng puso ni Iza nang makita si Amadeo. Bahagyang pumayat ang kanyang amo ngunit para namang lalo itong naging guwapo. Naka-ponytail ang mahabang buhok. Naka-T-shirt ng puting turtleneck, naka-coat at maong na pantalon. Nakasuot din ito ng mamahaling outdoor shoes na kulay black. Para itong Hollywood star. Masayang-masaya naman ang mukha ng parents nito.
Sumunod ang ilaw nang maglakad ang mag-anak patungo sa table na laan sa mga ito. Natapos lang ang palakpakan nang mamatay na ang spotlight at muling magsalita ang emcee.
Hinimay ng emcee kung ano ang contest na sinalihan ni Amadeo. Ang mga mabibigat na pangalan ng mga propesyunal na kompositor na nakalaban nito sa nasabing patimpalak. At kung paano pinuri ng mga judges ang inilahok nitong komposisyon.
Nagsalita ang don at ang donya. Nagpasalamat sa mga naroroon. Nagpasalamat sa Panginoon sa talentong ibinigay sa kanilang bunsong anak.
Maikli lang ang mensahe ng mag-asawa na sumentro sa kaligayahang nararamdaman nila sa tagumpay ng anak, at pinuri ang mga kanilang mga empleyado sa patuloy na pagpapakita ng kasipagan. Sana raw ay manatili silang produktibo para maibigay rin nila ang mga benepisyong hinihingi ng mga ito.
Matapos iyon ay intermission muna. Para sa don at senyora ay may mga medyo may-edad ng singer na kumanta ng mga kundiman at standards. Nang matapos iyon ay tinawag na ng emcee ang man of the hour, ang kampeon sa paglikha ng musika, ang guwapo at simpatikong heredero—si Amadeo.
Palakpakan. May mga babaing tumili. Maluha-luha naman si Iza habang minamasdan ang dating amo na naglakad patungo sa entablado. Kumaway-kaway ito at kapagkuwa’y nagsalita.
Nagpasalamat din ito sa mga dumalo. Nagkuwento kung kailan ito naimpuwensyahan ng musika. Ang pagkagusto nito sa musical instruments. Nagpasalamat din ito sa mga magulang na hindi ito pinuwersang kumuha ng business course at hinayaan ito sa mga kabaliwan.
Inihahandog daw nito ang panalo sa mga magulang, sa mga taga-hacienda, sa mga kaibigan.
At nagulat pa si Iza sa huling sinambit nito.
“Pinasasalamatan ko rin si Iza. Alam kong naririto siya. Dahil sa kanyang pag-aasikaso sa akin, naging mabilis ang paglikha ko ng aking komposisyon. Maraming-maraming salamat, Iza. At siyempre, sa iba ko pang naggagandahang kasa-kasama sa mansion,” inisa-isa nito ang pangalan ng mga kasambahay. “Salamat sa inyo. Hindi ko kayo malilimutan. Kung wala kayo, baka hindi ako nanalo. Para rin sa inyo ito...” naging emosyunal si Amadeo sa bahaging iyon na mahahalata sa boses.
Nag-iyakan naman sila nina Ate Olga. Na-touch sila sa sinabi ng amo. Gumala ang spotlight at tumutok sa kanilang mesa. Sinabi ng emcee na sila ang naggagandahang angels ni Amadeo. Nagpalakpakan ang mga bisita.
Matabang-mataba naman ang puso ni Iza. Ang sitwasyon na una siyang pinasalamatan ni Amadeo ay napakalaking bagay para sa kanya. Basambasa ng luha ang kanyang mga mata bunsod ng samutsaring emosyon.
Muling pumailanlang ang boses ng emcee. Iparirinig daw ng kampeon ang komposisyon nito. Tumayo ang lahat at pumalakpak.
Namatay ang ilaw sa stage. Tumutok ang spotlight kay Amadeo. Kinuha nito ang saxophone. Tumahimik ang paligid. Tahimik na tahimik na kung may maghuhulog ng aspili ay baka marinig sa sobrang katahimikan. Pumagitna ito. Maging ang ilaw sa paligid ng mansion ay namatay. Walang ibang makikita kundi si Amadeo na tila hinihigop ng liwanag mula sa itaas.
Saglit pa, hinipan nito ang saxophone.
Pumailanlang sa hangin ang malamyos na musikang nagmumula sa instrumento. Nanunuot sa kaibuturan. Tila may mensaheng inihahatid sa bawat isang naroroon.
Basambasa ng luha ang mga mata ni Iza habang tumutugtog si Amadeo. Minsan pa ay narinig niya ang musikang gumising sa kanyang katawang lupa.
Sa pagkakatingin niya kay Amadeo habang tumutugtog ng saxophone, ang nakikita niya’y ang kahubaran nito habang nakaluhod siya sa harap nito at isinusubo ang kargada ng makisig na amo.
SUBAYBAYAN!