Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 118)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-118 labas)

HABANG tinutugtog ni Amadeo sa saxophone ang winning composition nito ay nagbabalik naman sa balintataw ni Iza ang mga namagitan sa kanila ng kanyang amo. Alam niya, kapag nalapatan ng titik at nai-record ang awiting iyon, tiyak na maaalala niya ang maiinit nilang sandali.

Natapos ang pagtugtog ni Amadeo. Nagtayuan ang mga bisita. Hindi matapus-tapos ang palakpakan.

Nagpasalamat si Amadeo. Muling naging masigla ang kasayahan nang tumugtog ang banda. Sinabi naman ng emcee sa mga naroroon na mag-enjoy sa okasyon.

Patanaw-tanaw lang si Iza kay Amadeo. Nakikipagkuwentuhan ito sa mayayamang bisita. Inisip niyang marahil ay matatapos ang kasayahang iyon na hindi man lang sila magkikita.

Sabagay, ano nga ba ang kanilang pag-uusapan? Tutal ay tumupad naman ito sa ipinangako sa kanya. Nang magkaroon siya ng pagkakataon ay sa senyora siya lumapit at nagbigay-galang dito.

Natuwa naman ang matandang babae nang makita siya. Itinanong nito kung nakita niya nang tumugtog si Amadeo. Opo, sagot niya. Kinumusta rin nito ang pag-aaral niya. Mabuti naman po, sabi niya. Maayos at nag-e-enjoy siya sa kursong kinuha.

Dahil marami ring gustong makipaghuntahan sa senyora ay nagpaalam na rin siya agad dito para magbalik sa table nila nina Ate Olga.

Nagulat pa siya sa nadatnan doon.

Nakaupo sa grupo nila si Amadeo!

“Ayan na ang hinahanap ninyo, Senyor!” tili ni Jewel. “Iza, halika na. Magpapa-picture tayo kasama ang senyor. Tamang-tama, hindi tayo naka-uniform!”

Nagkatawanan sila sa hirit ni Jewel.

Ramdam ni Iza na bahagya siyang nanghina. Nakatingin sa kanya si Amadeo. Ang mga mata nitong dati-rati ay malulungkot, ngayon ay may sigla na. Tumayo ito nang makita siya. Inilahad ang kamay.

Bagaman at nanginginig ay inabot niya ang kamay nito. Mahigpit ang pagkakapisil nito sa palad niya, na wari niya ay nao-over power na naman siya. Inihila siya nito ng isang upuan.

“Mabuti naman at nakarating ka,” anitong nakangiti pa rin. “Magtatampo ako kung hindi ka dumalo.”

“Bakit naman po ang hindi, Senyor?” aniyang bahagyang hinamig ang sarili. At ipinagkanulo siya ng sarili sa nasambit niya. “Gusto ko rin po kayong makita.”

Lumampas lang ang sinabi niyang iyon sa mga kasamahan na medyo tipsy na sa naiinom na tequila. Naupo siya sa silyang hinila ni Amadeo. Dumaan ang photographer at ilang beses silang kinunan ng litrato. Nang matapos iyon ay nag-ungkat ang amo sa kanyang pag-aaral.

Gaya nang sinabi niya sa senyora ay ipinagtapat niya rito na maayos ang kanyang pag-aaral. Natuwa naman ito at inalog siya sa balikat. “Basta may problema, sabihin mo lang kay Mama. Handa naman siyang tumulong.”

“Opo, Senyor...”

Iyon lang at nagpaalam na ito sa kanila.

Natuwa naman siyang walang nahalata ang mga kasamahan.

Mahaba ang naging selebrasyon. Buti na lang at wala siyang pasok kinabukasan. Ilang oras pa ang lumipas at isa-isa na ring umalis ang mga bisita.

Maagap siyang lumapit sa senyora at nagpaalam dito. Pinisil naman nito ang kamay niya. Maging sa mga kasamahan ay nagpaalam na rin siya. Saglit pa, naglakad na siya palabas ng mansion.

Iniisip niya kung paano uuwi. Puwede siyang magtraysikel o magdyip pagdating sa national road. May ilang mga manggagawa sa asyenda siyang kasabay sa paglalakad. Maya-maya ay may tumawag sa kanyang pangalan.

Isang teenager na lalaki iyon. Huminto siya sa paglalakad at kunot ang noong nilingon niya ito. Hindi niya ito kilala.

“Bakit?” takang tanong niya rito.

“Ikaw ba si Iza?” ganting tanong nito.

“Bakit nga?”

“Sabi ng senyor ay hintayin mo raw siya. Ihahatid ka raw niya.”

Natigilan siya.

Hindi niya malaman ang gagawin. Bakit siya ihahatid ni Amadeo? Gayunpaman ay tumabi siya sa gilid ng daan para hindi makaabala sa ibang naglalakad.

“Hintayin mo na siya rito,” anang teener na lalaki at kumaripas na ito ng takbo pabalik sa mansion.

Matagal-tagal din siyang naghintay bago niya nakitang may sasakyang paparating. Wala na ang mga taong naglalakad. Saglit pa, sumadsad sa tapat niya ang isang pickup truck lulan si Amadeo.

Bumaba ang bintana sa passenger seat. Nakita niya ang senyor na siyang nagmamaneho. Binuksan nito ang pinto. “Sakay na, Iza,” yaya nito sa kanya.

Sumakay siya sa sasakyan.

Pagkasara niya ng pinto ay nagtanong ito.

“Nagmamadali ka ba, Iza?”

“Bakit po, Senyor?”

Lumingon ito sa kanya. “Gusto ko sanang magpasalamat nang personal sa iyo. Baka puwedeng magkakuwentuhan muna tayo sandali bago ka umuwi.”

“Okey lang po.”

Tinalunton ni Amadeo ang daan patungo sa asyenda.

Hindi pa nakakarating doon si Iza. Si Ate Olga ay nakarating na raw minsan kasama ang senyora at ayon dito ay maganda ang lugar, para kang ibang bansa. Minalas niya ang kapaligiran; ang malawak na tubuhan at pananiman ng iba’t ibang halaman.

Matagal ang kanilang naging byahe dahil sa lawak ng asyenda. Sa wakas ay humangga sila sa isang hindi kalakihang bahay. Sa palagay niya ay log house iyon, yari sa malalaking troso.

Bumaba si Amadeo sa pickup. Kusa naman siyang bumaba. May pinindot itong parang remote control at kusang bumukas ang pinto ng log house.

“Ito ang aking santuwaryo,” tumawa si Amadeo. “Dito ako nagmomonghe kapag mayroon akong mga problema. Halika, pasok tayo...” yaya nito sa kanya.

Maganda ang loob ng log house. Malawak. Walang masyadong dekorasyon. Kahoy rin ang sahig. May malaking salamin sa pinakasalas. Kita rin kung nasaan ang banyo at ang nag-iisang kuwarto. Sa may pinakakusina ay may dining set para sa apat na tao na ang mesa at silya ay yari rin sa kahoy. May mga bonsai sa mga kanto na nagbibigay ng pakiramdam ng aliwalas sa loob.

May pinindot muli si Amadeo at bumukas ang pinto ng silid. Agad nakita ni Iza ang malaking kama.

Ewan kung bakit parang kinabahan siya.

Nagtanong siya rito. “May nag-aasikaso po sa bahay na ito?”

“Wala. Ako lang. Wala namang masyadong lilinisin dito.”

Pinaupo siya nito sa isang bean bag. Pumasok ito sa kuwarto. Naiwan siya sa labas. Maya-maya ay lumabas ito at nakiupo sa tabi niya.

“Aalis na ako papuntang America, Iza,” kaswal na sambit nito.

“P-po?” nagulat niyang tanong.

Huminga  nang malalim si Amadeo. “Naisip ko kasi, napakabait ng mga parents ko sa akin. Ngayong may napatunayan na ako sa aking sining, susundin ko naman ang gusto nila na mag-aral sa America. Kung mababait ang mga magulang, kailangang dumating sa punto na sumunod sa kanila maging ang pinakasuwail na anak.”

Hindi siya kumibo.

“Gusto ko ring magpaalam sa iyo, Iza. Malaking bahagi ka sa mga pagbabago sa takbo ng buhay ko.”

Hindi pa rin siya kumibo.

Kinuha ni Amadeo ang isang kamay niya at hinagkan iyon.

Mainit ang mga labi ni Amadeo. Gumapang ang kilabot sa kalooban ni Iza.

Binuhat siya nito at kinandong paharap dito. Bumulong.

“Let’s make one last memory, Iza...”

Napapikit na lang siya nang simulan nitong hubarin ang suot niyang T-shirt.

 

SUBAYBAYAN!