Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 130)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-130 labas)
NAUWI sa sumbatan ang muling paghaharap nina Iza at Virgilio. Ipinamukha niya sa dating asawa (dahil hihiwalayan na siya nito) ang kawalan nito ng husay sa kama, at mas malaki ang kargada ng senyor kaysa rito.
Namula ang mukha ni Virgilio. Nagtagis ang mga bagang.
“Pero mas lalaki siya kaysa sa ‘yo, Virgilio,” patuloy na litanya niya rito. “Kahit puwede niyang kunin ang pagkababae ko ay hindi niya ginawa dahil para raw iyon sa lalaking mamahalin ko at makakasama habambuhay. Pero kung alam ko rin lang na isang walang kuwentang lalaki lang pala ang pipitas ng pagkababae ko, sana sa kanya ko na lang isinuko!”
Napatiimbagang si Virgilio. “Isa kang puta, Iza!”
Pagkasabi nito niyon ay lumagapak ang isang sampal niya sa mukha nito.
Nahawakan ni Virgilio ang mukha. “Aba, ang put—” Kumuyom ang isang kamao nito, gusto siyang sapakin.
Umakma siyang pupunitin ang pinirmahang papel. “Sige... gawin mo ‘yan para habambuhay kang maghahabol ng pirma ko!”
Nawala ang tapang ni Virgilio. “Pirmahan mo na lahat ‘yan,” huminga ito nang malalim. “Para makaalis na ako.”
Tinapos niya ang mga pipirmahan at iniabot dito ang mga papeles.
Iyon na rin ang huling pagkakataon na nakita niya ang dating asawa.
**
MAHAL niya si Virgilio at iniyakan niya ang tuluyang pagkawala nito sa buhay niya. Alam din niyang mahal siya nito ngunit nanaig ang ego nito. Kahit ito ang nakauna sa kanya, hindi matanggap ng kalooban nito na may ibang lalaking nakalaway sa kanya.
Lumang paniniwala ng mga kalalakihan pagdating sa pakikipagrelasyon. Laging ang babaing may karanasan na ang may batik. Pero ang lalaki, kahit ilang kandungan ang tikman ay hindi nagiging batik ang mga naging karanasan—at hindi iyon big deal sa mga babae.
Bakit, nagtanong ba siya kay Virgilio kung ilan na ang nakangkang nito bago siya pinakasalan? May balita pa nga siya noong graduating na sila sa high school na isang may-edad ng pokpok sa kabayanan ang una nitong experience. Pero hinding-hindi siya nag-ungkat ng tungkol doon.
Tapos na ang lahat sa kanila. Isa itong kaso ng tamang pag-ibig na nasa maling panahon at pagkakataon.
Nag-resign na siya sa trabaho at umuwi sa Zamboanga para doon manganak.
**
ALAM sa kanilang lugar na nagpakasal na sila ni Virgilio. Ang nakatatawa, ni hindi pa siya naipakikilala nito sa mga magulang nito, at ito rin naman sa parents niya, ay naghiwalay na sila. Alam na iyon ng magkabilang partido—at ng mga mahihilig sa tsismis sa kanilang lugar.
Ngunit isang bagay ang inihanga niya sa dating asawa. Hindi nito ipinagkalat ang totoong dahilan ng kanilang paghihiwalay. Sa halip ay sinabi nitong naging babaero ito at hindi siya nakatagal na makisama. Gumawa ito ng kuwento na may kinakasama na ito ngayon na isang batambatang kolehiyalang taga-Maynila.
Sa palagay niya, pinalabas na ring ganoon ni Virgilio ang nangyari para sakali mang makipagrelasyon ito sa iba, kumbaga ay may busina na.
At ipinagpasalamat naman niya ang naging desisyon nito. Nagpakalalaki ito sa huling sandali, at inako ang mali. Sa ginawa nito, bumalik ang kanyang respeto sa dating asawa.
Mula noon, sa Zamboanga na siya nanatili hanggang sa makapanganak.
**
ISANG malusog na sanggol na lalaki ang kanyang iniluwal. Ang kanyang ama ang nagbigay ng pangalan dito. Kamukha ni Virgilio ang bata at muli ay hindi niya maiwasang malungkot.
Sa pambihirang pagkakataon ay nakita at nakilala niya ang kanyang mga sana ay naging in-laws. Dumalaw ang mga ito nang mabalitaang nanganak na siya. Natuwa naman ang mga ito nang makita ang apo at sinabing hawig nga raw sa kanilang anak ang bata.
Nagpaka-civil siya sa pagtanggap sa mga ito. Walang kasalanan ang bata—at hindi niya mapipigilan ang mga lolo’t lola nito sa ama kung gusto itong makita—at kilalanin bagaman at ayaw ni Virgilio. Nangako ang mga ito ng suporta—na para sa kanya ay okey lang naman kung meron, okey rin na wala.
**
MALUSOG ang naging anak nila ni Virgilio. Nag-breastfeed siya for six months para matiyak na magiging malakas ito dahil the best pa rin sa bata ang gatas ng ina. Nang matuyuan na siya ng gatas at matiyak niyang maaalagaan ito nang husto ng kanyang mga kapamilya ay nagplano siyang lumuwas muli ng Maynila.
Pinigilan siya ng mga magulang pero nagpumilit siya. Sabi niya’y sayang ang kanyang diploma kung hindi mapapakinabangan. Saka mas kailangan niyang kumayod ngayong siya’y isang single mom.
Napahinuhod niya ang mga magulang. Nang makapag-first birthday ang kanyang anak ay lumuwas na siyang muli ng Maynila.
Ganoon pa rin ang kapalaran sa kanya—mailap ang trabaho sa kabila ng kanyang diploma. Kung anu-anong odd jobs ang pinasukan niya. Nag-alok ng promo sa malls. Napasok bilang clerk ng isang abogadong nagnonotaryo sa ilalim ng puno. Nagtinda ng lucky charms sa isang Chinese store.
Mabait ang mag-asawang Chinese na huli niyang pinasukan subalit ayaw naman niyang doon tumanda sa tindahan ng mga ito sa Binondo. Sa wakas ay natanggap siya sa HR ng isang computer school. Kahit minimum lang ang sahod ay tinanggap niya dahil nakapag-aral siya ng computer technician course nang libre. Inisip niyang pag natuto siya sa computer, magtatayo siya ng computer rentals. Sa nakikita niyang hindi siya masuwerte sa trabaho, sa negosyo naman siya susubok.
Maayos ang takbo ng kanyang buhay. Nakakapagpadala siya ng pera sa pamilya para sa kanyang anak. Marami na rin siyang natutunan sa computer. Minsan ay nagtingin siya sa classified ads ng space para sa plano niyang shop. Ang nakita niya ay maliit lang na space na para sa Xerox. Paalis na raw kasi ang may-ari kaya ibinibenta na kasama ang mga machines. Nagkainteres siya. Nasa bandang Ermita sa Maynila iyon.
Pagdating niya, may nakakuha na raw ng puwesto. Kausap ng may-ari ang isang guwapong lalaki na siguro ay mid-30’s. Kalbo ang gupit. Matikas. Hindi katangkaran. Mukha itong sundalo.
Ngumiti ito sa kanya. “Sorry, ha? Napaaga yata ako ng gising kaysa sa ‘yo. Naunahan tuloy kita.”
“Okey lang,” aniya. “Ganoon talaga. Pag hindi sa ‘yo, hindi para sa ‘yo.”
Umalis siya sa lugar na iyon na labis ang panghihinayang. Murang-mura kasi ang puwesto, at sa tingin niya ay malakas. Maraming nagpapa-Xerox.
Habang naglalakad siya ay tumapat sa kanya ang isang owner-type jeep. Bumusina.
Sakay niyon ang lalaking nakabili ng puwesto. Nakangiti sa kanya.
“Saan ka?” tanong nito sa kanya. “Ihahatid na kita.”
END OF BOOK XIII
(To be continued...)