Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 131)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

Book XIV

(Ika-131 labas)

SINUNDAN si Iza ng lalaking nakabili ng puwesto ng Xerox stall na gusto sana niyang bilhin. Sakay ito ng owner-type jeep at nagsabing gusto siyang ihatid.

“Hindi ako nagpapahatid sa estranghero,” matapat niyang sambit. Binilisan niya ang paglalakad.

Nakita niyang ipinarada nito sa isang bakanteng lugar ang sasakyan at humabol sa kanya. Lalo niyang binilisan ang paglakad. Saglit pa at naabutan na siya nito.

“Ako nga pala si Noel,” pakilala nito.

Hindi siya sumagot. Tuloy siya sa mabilis na paglalakad.

Pero may sinabi ito na nagpahinto sa kanya.

“Kung gusto mo sosyo na lang tayo. Tutal baka hindi ko talaga maasikaso ‘yung puwesto. Namurahan lang kasi ako kaya ko binili,” anito.

Napahinto siya sa paglalakad at nilingon ito. “Ayoko ng may kasosyo. Kung gusto mo, ibenta mo na lang sa akin.”

Hindi ito kumibo.

Kapagkuwa’y kumamot ito sa ulo. Itinuro ang isang chicken restaurant na nasa malapit. “Siguro mas mapag-uusapan natin ang bagay na ito kung kakain muna tayo. Huwag kang mag-alala, galante ako. Ililibre kita.” Ngumiti ito.

Ang cute ngumiti ng lalaking nagpakilalang Noel. Kahit medyo matapang ang dating nito ay halata ang pagiging guwapo. Kumpleto ang mga ngipin. Maliliit ang mga tainga. Hindi katangusan ang ilong pero hindi naman pango.

At may magic sa mga babae ang salitang “libre”. Napatangu-tango siya. “Sige...”

Pumasok sila sa loob ng restraurant.

Doon na sila nagkakilala nang lubusan. Trader daw si Noel. Buy and sell ang talagang negosyo. Kailangan lang daw nito ng physical office kaya binili ang puwesto ng Xerox.

“Kaya hindi ko puwedeng ibenta sa ‘yo nang buo. Kailangan na may mesa naman ako na mauupuan. So, puwede ko sigurong i-offer sa ‘yo na fifty-fifty tayo sa share,” alok nito sa kanya.

Saka naman nag-sink in sa kanya na bakit kailangan niyang makipag-business partner sa isang estranghero? Baka mamaya ay gahasain pa siya nito!

Nang mahamig niya ang sarili ay wala na ang panghihinayang niya sa puwesto. Makakakita naman siguro siya ng para sa kanya talaga.

“Uhm, ah, hahanap na lang ako ng ibang puwesto. Sa ngayon kasi ay hindi ako komportable na may kasosyo lalo na kung maliit pa lang na negosyo. Salamat sa offer,” nginitian niya ito. “Siguro naawa ka lang sa akin kaya ka nag-offer.”

Hindi kumibo si Noel. Maya-maya’y inilabas nito ang cellphone. “Kung hindi siguro tayo puwedeng maging magkasosyo sa negosyo, siguro naman ay puwede tayong textmates.” Tumawa ito.

“No problem,” aniya at inilabas ang cellphone.

Nagpalitan sila ng number.   

                                                               **

IYON ang naging simula ng kanilang pagiging textmates. Palibhasa’y wala rin namang nanliligaw sa kanya maliban sa mga DOM, na-enjoy niya ang mga paminsan-minsan ay palipad-hangin ni Noel. Dumating sa point na sumasama na siya ritong kumain sa labas.

Minsan na namasyal siya ay nagtapat ito ng saloobin sa kanya. “Palagay ko’y in love ako, Iza.”

Nasa park sila noon at nakaupo lang sa bench, kumakain ng cotton candy.

“Ha?” nagulat niyang tanong. “Kanino?”

Tumingin ito sa kanya. “Sa ‘yo, Iza...”

Lalo siyang nagulat. “S-sa akin?”

Hinawakan siya nito sa kamay. “Obvious naman siguro. First time kitang nakita, tinamaan talaga ako sa ‘yo. Sobra pa sa bull’s eye.”

Napayuko siya. “Ihatid mo na muna ako. M-masama ang pakiramdam ko.”

Hindi ito nagsalita. Nagulat siguro sa naging reaksyon niya. Gayunpaman ay maginoo siyang inalalayan nito hanggang sa may sasakyan nito.

Habang pabalik sila sa kanyang tinutuluyan ay wala silang kibuan. Hinalikan pa siya nito sa pisngi pagkahatid sa kanya. Wala pa rin siyang kibo.

Habang nakahiga sa kanyang kuwarto ay iniisip niya ang sinabi ni Noel. Na in love na ito sa kanya.

Oo, halata naman niya. Nagulat lang siya. Hindi na siya sanay sabihan ng isang lalaki na mahal siya, na tinamaan sa kanya. Mula nang maghiwalay sila ni Virgilio at manganak ay nawalan na yata siya ng interes sa lalaki. Sumasama siyang lumabas-labas kay Noel dahil wala naman siyang kabarkada. Kumbaga ay nagiging outlet niya ang pagsama-sama rito para may interaksyon naman siya sa ibang tao maliban sa mga kaopisina.

Bagaman at sa kalooban niya bilang babae ay ramdam niyang attracted din siya rito.

Nakatanggap siya ng text mula kay Noel, humihingi ng sorry. Sinabi niyang no problem. Sana raw ay sumama pa rin siya rito na lumabas-labas. Oo naman, reply niya.

                                                                  **

DALAWANG buwan ang lumipas at bumalik sa dati ang sitwasyon nila ni Noel. Okey na uli sila, nawala na ang pagkailang sa isa’t isa.

Namamasyal sila sa mall nang muli nitong ungkatin ang damdamin sa kanya. Umiinom sila noon ng kape at kumakain ng donut.

“Siguro naman ay puwede na akong mangulit. Okey lang ba sa ‘yo na maging tayong dalawa na?” nakikiusap ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya.

Napayuko siya.

Pinisil nito ang kamay niya. “Yes na ba?”

Tumunghay siya rito. “Hindi mo pa ako kilala, Noel...”

“Kung may dapat akong malaman, ikuwento mo. Pero ang masasabi ko lang, anuman ang mga marinig ko mula sa ‘yo ay hindi niyon mababago ang feeilings ko sa ‘yo...’

“Sana nga...” At nagsimula siyang magkuwento rito. Mula kay Amadeo hanggang kay Virgilio. Sa kanyang anak. Inilatag niya rito ang kanyang buhay.

“Ngayon, sabihin mo sa akin, Noel, kung in love ka pa rin sa isang tira-tirahang tulad ko. Sa isang single mother. Sa isang naging puhunan ang katawan para makapag-aral.” Napaiyak siya.

Dalawang kamay ang ipinisil nito sa mga palad niya. “Lahat tayo ay nakagagawa ng pagkakamali, Iza. Biktima ka lang ng pagkakataon. At ngayong nalaman ko ang naging buhay mo, honestly, walang nabago sa nararamdaman ko sa ‘yo. Ang totoo, mas minahal pa kita.”

Napatingin siya rito. Hindi makapaniwala.

“Magsama na tayo, Iza. Mahalin mo ako. Ang hindi naibigay sa ‘yo ng asawa mo ay ako ang magpupuno,” buong katapatang sambit nito.

“Hindi ka ba nabibigla lang?” tanong niya rito.

Humigpit lalo ang pisil nito sa kamay niya. “Kung magagawang legal ang paghihiwalay ninyong mag-asawa, handa akong pakasalan ka.”

Nakita niya ang katapatan ng sinasabi ni Noel. Gumanti siya ng pisil dito. “Natatakot ako, Noel. Hindi ko alam kung bakit pero natatakot ako...”

“Wala kang dapat katakutan, Iza. Magsasama tayo sa isang wagas na pag-ibig...”

Nang araw ring iyon, tinanggap niya ang pag-ibig ni Noel.

 

SUBAYBAYAN!