Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (part 142)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-142 labas)
MAIKLI lang naman ang semestral break kaya alam ni Jason na hindi niya masyadong mami-miss si Sandra. Lagi rin naman silang nagte-text sa unang week na wala ito sa Manila. Lagi rin silang magka-chat sa YM—na siya pang uso noon.
For a while ay nag-enjoy rin muna siya sa kanyang buhay sa Angono. Pakuwento-kuwento sa kanyang mga bastos na uncle. Kung minsan ay may eyeball silang dating magkakaklase noong high school.
Nang malapit na uli ang pasukan ay nag-text siya rito kung kailan ito darating para masalubong niya sa airport. Hindi agad ito nag-reply. Ngunit lumipas ang 24 oras na wala itong sagot kaya tinawagan niya.
Cannot be reach ang number.
Naisip niyang baka busy lang. O posibleng nasa eroplano na at gusto siyang sorpresahin.
Pero dumaan muli ang maghapon kinabukasan ay wala itong reply. Halos maubos ang load niya sa katatawag at text dito. Maging nang mag-email siya rito ay bumalik lang ang mail niya. Hindi na raw nag-e-exist ang account nito.
Sinubukan niyang i-search ito sa internet dahil ang alam niya’y may blog ito at member ng isang artist’s group na laging nagpo-post ng mga artworks, pero wala siyang makita. Kahit images nito ay wala siyang mahanap sa net.
Ang problema, wala siyang alam na kakilala nito para at least ay ma-trace niya kung naka-link ito sa ibang kaibigan kahit sa mga forum man lang sakaling gumawa ito ng ibang account.
Clueless siya sa nobya, at maging ang mga parents nito o kapatid ay hindi niya alam ang pangalan. Sa panahon kasi ng kanilang relasyon ay laging silang dalawa lang ang magkasama—at sa kani-kanilang sarili lang nakasentro ang kanilang atensyon. Wala rin siyang kilala sa mga naging kaklase nito dahil wala namang naipakilala sa kanya. Noon pa man ay napansin na niyang hindi ito palakaibigan. Nang tanungin niya kung bakit, nao-offend daw pag pinupuna ang Visayan tongue nito.
Hanggang sa dumating ang pasukan ay wala ni anino ni Sandra. Gusto niyang mapaiyak.
Ano na kaya ang nangyari rito?
At bakit talagang mukhang iniwasan na siya? Una ay sa cellphone, sunod ay sa internet.
Araw-araw niya itong iniisip. Araw-araw rin siyang nagte-text sa number nito hoping na baka biglang mag-reply. Ngunit dumaan pa ang mga araw at wala man lang siyang natanggap na mensahe mula rito.
Isang araw ay tinawag siya ng coordinator ng kanilang department. May sulat daw para sa kanya, nasa dean’s office. Agad niyang kinuha iyon.
Gayun na lamang ang tuwa niya nang mahawakan ang sulat. Sa handwriting pa lang sa labas ay alam na niyang kay Sandra iyon. Walang return address. Sabik na binuksan niya iyon at binasa.
Napatiim-bagang siya sa mga nilalaman niyon.
Dear Jason,
Kumusta?
Sori man, dili na ako nakapagpaalam sa iyo nang mabuti. Nahiya man ako sa ‘yo dahil sa mga biglaang pangyayari dinhi sa Cebu.
I will not go back to Manila to study again. Something happened. Pagbalik ko rito, na-inform ako ng parents ko na kailangan kong pakasal sa anak ng isa nilang friend. Arranged wedding. Matagal na pala nila kaming naipagkasundo. It’s a family tradition na kailangang i-follow.
Ayoko sana dahil I’m all set to share the rest of my life with you gaya nang plano natin. But as a good daughter, dili ko man kayang ipahiya ang aking parents sa ibang tao. They explained to me everything. On my part, ipinagtapat ko man ang tungkol sa iyo at dili man sila nagalit. Sabi lang nila, there are things that are not meant to be. Some good things never last...
I am very sorry. Alam ko na-disappoint man kita. But I want you to know na di man kita kayang kalimutan. You’re the first guy in my life. Inisip ko na rin na I will grow old with you, magkakaanak tayo and will have a happy family. It’s just that nakialam ang destiny.
I always cry lalo na pag binabalikan ko sa memory ko ang mga moments natin together. Ang mga plano natin sa buhay. Kung paano mo ako napapasaya pag sinasabi mong mahal na mahal mo ako. Pag niyayakap mo ako na ang feeling ko ay sobrang secure ako at walang problems sa mundo.
I will marry another man, but you will always be the one I love. You’ll always be my special memory.
Alam kong magagalit ka at baka isumpa mo pa ako. That’s okay kasi ang laki man ng sin ko sa iyo.
Sana ay maging successful ka sa iyong career. Ako ang magiging pinakamasayang girl sa buong mundo kapag nalaman kong natupad mo ang iyong mga pangarap bago pa man ako dumating sa buhay mo.
Pinaka-lonely na part ng buhay ko ang paggawa ng letter na ito dahil para na rin akong namatay, Jason. Napakarami nang tears na nalaglag sa mga mata ko. I’m sorry... I am simply an obedient daughter since I owe much to my parents.
Anuman ang maging pagtanggap mo sa mga sinabi ko ay tatanggapin ko rin. But I want to let you know kung painful man para sa iyo ito, doble-doble sa akin. I’ll be living a life with a man that I don’t love. Magkatabi kami sa mga gabing ikaw ang iniisip ko. Sabi nga sa song ni England Dan, “Oh, I wake up in the night and I reached beside me hopin' you will be there. But instead I find someone...”
Huwag mo na akong hahanapin. Kalimutan mo na ako. Masakit na masakit ito para sa akin but please find another girl na hindi ka na masasaktan tulad nang ginawa ko sa ‘yo. Ituring mo na lang akong isang bad dream at nagising ka na sa katotohanan.
Goodbye, Jason...
Tatanggapin ko kung isusumpa mo ako para lang makabawi ako sa nagawa ko sa iyo.
I love you and I will die believing in the same.
Bye... I know it’s not enough, but I am sorry.
Sandra.
P.S.
I-kiss mo man ako sa mama mo. Sayang di na kami nag-meet. Dili ko man siya nakita, I guess she’s a very wonderful woman.
Tumulo ang luha ni Jazon sa binabasang liham. Hindi niya malaman kung sisigaw siya o tatakbo dahil sa halu-halong emosyon na nararamdaman.
SUBAYBAYAN!