Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 143)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-143 labas)

NAKATANGGAP ng sulat mula sa koreo si Jason buhat kay Sandra. Humihingi ito ng tawad sa kanya dahil ipakakasal daw ng mga magulang sa anak ng isang kaibigan. At dahil mabait umano itong anak, at tradisyon iyon sa kanilang pamilya ay hindi ito nakatanggi.

Napaiyak si Jason matapos basahin ang sulat. Nagpahid siya ng luha at isinilid ang sulat sa kanyang backpack.

Iyon ang araw na nagpakasenti siya...

Hindi na siya nag-attend ng mga nalalabi pa niyang klase. Pinasyalan niya ang mga lugar sa loob at labas ng university kung saan sila madalas tumambay ni Sandra. Ang mga fast food na madalas nilang kainan. Ang library kapag sinasamahan niya itong gumawa ng assignment. Ang malaking puno kung saan magka-share sila ng earphone habang nagpapaka-music junkie.

Hindi na mauulit ang mga iyon. Hindi na maibabalik ang kahapon, sabi nga sa kanta ni Noel Cabangon.

Nagulat pa ang kanyang ina nang makita siya sa kanilang may pintuan. Alam kasi nitong sa boarding house siya uuwi. Lalo itong naging concern nang makitang medyo namumula ang mga mata niya.

“May sakit ka ba?” hinipo nito ang kanyang leeg.

“Wala po. Hindi lang okey ang pakiramdam ko,” aniya.

Tinging-tingin sa kanya ang ina. Alam nitong may mali sa kanya. “Napaaway ka ba? Naholdap?”

“Hindi po...”

Naroon din ang kanyang ama. Sumabat ito. “’Yang hitsurang ‘yan ay nabasted.” Tumawa ito.

Malapit-lapit sa katotohanan ang sinabi ng kanyang ama. Hindi kasi alam ng mga ito na may nobya na siya. Pero ang pakiramdam niya ngayon ay para na rin siyang nabasted.

“O, siya... kumain ka muna,” utos ng kanyang ina.

Hinayaan na siya ng mga ito. Tumuloy naman siya sa kanyang kuwarto. Nagbihis at nahiga. Pakiramdam niya’y hindi siya dadalawin ng antok. Kinuha niya ang kanyang MP3 player at isinalpak sa kanyang tainga ang headphone. Nilakasan niya ang volume. Rock music ang pinatugtog niya para mabawasan ang kanyang pagkasenti.

Nakatulong ang kanyang kuwarto para kahit paano ay marelaks siya. Nang makaramdam ng gutom ay saka lang siya lumabas ng silid para kumain. Pritong galunggong at gulay na mais ang niluto ng kanyang ina. Wala siyang gana pero dahil paborito niya ang nakahain ay marami-rami rin siyang nakain.

Mga alas kuwatro na iyon ng hapon. Medyo masigla pa ang sikat ng araw kaya naisipan niyang lumabas ng bahay at maglakad-lakad. Isang tinig ang tumawag sa kanya.

“Jason!”

Nilinga niya ang pinagmulan ng sigaw. Nakita niya sa ilalim ng puno ng Indian mango ang mga pilyo niyang tiyuhin na nag-iinuman.

Lumapit siya sa mga ito.

Marami nang naitumbang bote ng beer ang kanyang mga uncle. Hitsurang lasing na rin ang mga ito. Agad inayos ng kanyang Tsong Merlo ang isang walang lamang case ng beer para upuan niya.

“Upo ka, pamangkin,” atas nito sa kanya.

Naupo siya. Lasing na ang kanyang Tsong Merlo, halata sa lakad. Malainibay na rin ang kanyang Tsong Benjo. Tulog na ang kanyang Tsong Manding. Sa tatlo ay ito ang mabilis malasing.

“Ako’y may kaunting tampo sa iyo, pamangkin...” sumbat sa kanya ng kanyang Tsong Merlo at inakbayan siya.

Nagulat siya. “Aba, bakit naman po?” Wala kasi siyang natatandaang ginawang palso rito lalo pa at matagal na niya itong hindi nakikita.

“Nakipag-inuman ka na pala riyan sa Tsong Manding mo nang solo. Eh, tayong dalawa’y hindi pa nakakapag-one-on-one.”

Natawa siya. Akala naman niya’y kung ano na.

Sumabat ang kanyang Tsong Benjo. “Ikaw naman, ‘Tol, ay huwag masyadong matampuhin. Makakatanggi ba ‘yang pamangkin natin kung sinuman ang magyayaya sa kanya sa ating tatlo. Alam mo namang manang-mana sa PR ko ‘yan. Walang masamang tinapay.”

“Hindi, eh...” pagkukulit ng kanyang Tsong Marlo. “Sa akin siya mas maraming matututunang words of wisdom.”

“Aanhin mo naman ‘yung words of wisdom?” asik dito ng kanyang Tsong Benjo. “Nakakapagpatirik ba ‘yun ng mata ng babae sa tindi ng kaligayahan?”

Nagkatawanan sila.

“O, pamangkin...” si Tsong Merlo uli. “Ikaw ba’y nakapagpatirik na ng mata ng babae?”

Tumawa lang siya. “Saka na lang po ‘yan,” aniya at nagbukas ng isang bote ng beer. “Aral lang po muna.”

Tinapik-tapik siya ni Tsong Benjo. “Tama ‘yan. Basta ang tatandaan mo lang, pag may maganda ka ng trabaho ay bahala ka na sa inumin ng mga uncle mo.”

“At saka pulutan...” biglang hirit ng akala niya’y natutulog na si Tsong Manding.

“Tingnan mo ang kumag na ito,” pakli ni Tsong Merlo. “Akala ko ba’y tulog?”

Humirit muli si Tsong Manding. “Aba, eh, nagpapalibre na kayo sa inaanak ko pagdating ng araw... baka hindi ako makasama riyan kaya gumising ako!”

Tawanan silang muli.

Nakatulong ang pag-iinuman nilang iyon para kahit paano’y gumaan ang kalooban niya. Kinabukasan ay nakapasok na siya at sa boarding house na umuwi. Pero ang pait na hatid ng sulat sa kanya ni Sandra ay nanatili.

Paulit-ulit niya iyong binabasa.

Hanggang sa magtanim siya ng poot dito.

At suklam!

Binasa niya sa huling pagkakataon ang liham ni Sandra at itinago na sa kanyang lihim na lalagyan ng mga importanteng gamit. Ang dating pagmamahal niya rito ay nahalinhan ng galit.

Makita man niya itong muli, baka sampalin na lang niya.

Pinilit niyang maging normal ang buhay mula noon. Itinuon ang panahon sa pag-aaral. Hindi siya puwedeng ma-broken hearted habang panahon. Sabi nga ni Ma’am Stef, dapat ay may pokus. Dapat ay driven para marating ang goal.

Hanggang isang sorpresa ang dumating.

Nanalo siya ng first prize sa sinalihang contest na paglikha ng video game!

Para siyang nasa cloud nine. Naging instant superstar siya sa kanilang department. May malaking tarpaulin na nakakabit sa gate ng kanilang university na bumabati sa kanyang panalo, nakalagay pa ang kanyang mukha. Nakilala siya sa buong campus.

Nang tanggapin niya ang malaking premyo, naalala niya si Sandra. Alam niyang malaking factor ito sa kanyang panalo dahil sa artworks nito.

Nakaramdam siya ng lungkot. Sana’y narito ito sa piling niya para sabay nilang lalasapin ang tagumpay. At ang usapan nga pala nila ay hati sila sa perang mapapanalunan. Paano niya maibibigay rito ang share nito?

Nahiling niyang sana’y mabasa ni Sandra ang tungkol sa panalo niya at kontakin siya nitong muli. At least ay maibigay man lang niya ang share nito.

Tuwang-tuwa rin ang kanyang parents sa kanyang panalo. Sinabi niyang huwag gagalawin ang kalahati ng premyo dahil ibabayad niya iyon sa artist.

Ngunit hanggang sa maka-graduate siya ay wala ni anino ni Sandra.

“Ang lalim naman ng iniisip mo...”

Tila naalimpungatan si Jason sa malamyos na haplos sa kanyang mukha ni Rhea. Napatigil siya sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan.

 

SUBAYBAYAN!