Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 151)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
BOOK XVI
(Ika-151 labas)
KINABAHAN si Iza nang makita ang lungkot sa mukha ng mga babaing pulis na nakabantay sa kanya nang itanong niya sa mga ito si Noel.
Lumapit sa kanya ang isang malaking babaing pulis, pinisil siya sa kamay. “Magpahinga muna kayo, Ma’am...” payo nito sa kanya.
Lalo siyang nabahala. “Si Noel, nasaan siya?”
Muli, ang malungkot na expression sa mukha ng mga ito.
Nangatal si Iza. Naalala niya ang eksena bago siya nawalan ng malay na niyakap siya ni Noel nang mahigpit na mahigpit. Alam niyang natadtad ito ng bala, may dugo pa ngang umagos sa kanya.
Napasigaw siya. “Noeeel!!!”
Muli siyang nawalan ng malay.
**
HINDI na niya nakita si Noel. Ang sabi sa kanya ng mga policewoman ay mapanganib para sa kanya na lumitaw sa burol nito. Isa lang ang tiniyak ng mga ito sa kanya—iniuwi ang bangkay ni Noel sa Nueva Ecija—sa mga magulang nito.
Dinala siya ng mga babaing pulis sa isang safe house. Maraming naging tanong sa kanya ang mga awtoridad. Kung kailan sila nagkakilala ni Noel, ano ang alam niya sa trabaho nito.
Isinalaysay niya sa mga ito ang lahat—walang labis, walang kulang. Una silang nagkita sa Xerox copy service. Niligawan siya nito. Nagkagustuhan. Itinuro rin niya sa mga ito ang love nest nilang dalawa. Sinabi niyang bahagi ng kanyang desisyon mula nang tanggapin siya nito kahit hiwalay sa asawa na hindi siya magtatanong ng tungkol dito.
Pinuntahan ng mga awtoridad ang kanilang love nest, at sa permiso na rin na ibinigay niya ay hinalughog ng mga ito ang bahay.
Noon na siya nagsimulang magtanong, lalo pa at naging close na niya ang pinakalider ng mga ito na halos kasing-edad lang niya at laging nakaalalay sa kanya. Graduate ito sa police academy kaya propesyunal kung makitungo.
Nalaman niyang involved sa illegal drug trade si Noel. Gusto na nitong kumalas sa grupo nang itumba ng mga kasamahan.
Napaiyak siya.
Alam niya ang dahilan kung bakit gusto na ni Noel na landasin ang tuwid na daan—para sa kanya lalo pa’t nalaman nito na marami siyang planong negosyo gaya ng spa. Ayaw na nitong mamuhay sa dilim.
Lalo siyang napaiyak. Hindi talaga masusukat ang pagmamahal sa kanya ni Noel. Kaya naman hindi niya magawang magalit dito kahit inilihim nito sa kanya ang tunay na pagkatao.
Gusto niyang makita kahit man lang ang libingan nito ngunit ipinayo sa kanya ng mga pulis na huwag na. Mag-ingat daw siya, baka itumba rin siya ng mga kasamahan nito. Ginapangan siya ng takot sa buong katawan. Naalala niya ang mga magulang at kapatid, ang kanyang anak. Pag nawala siya, paano na ang mga ito?
Nanatili siya sa safe house sa pangangalaga ng mga pulis. Makalipas ang anim na buwan, hinayaan na siya ng mga itong makalabas muli.
Naipakuha niya sa mga pulis ang kanyang mga gamit sa love nest nila ni Noel. Ang una niyang sinilip ay ang kanyang ATM account. Hindi naman nagalaw ang laman niyon. Ang sasakyan naman nito ay nasa impounding area, hindi na niya alam kung ano ang mangyayari roon. Sabi niya sa mga pulis ay ipagbigay-alam na lang sa mga kaanak ni Noel. Ayaw na rin niyang makita ang sasakyan kung saan napatay ang kanyang mahal. Ang Xerox copy service ay ipinagbili na niya sa isang babaing pulis na naka-close niya sa murang halaga para mabilis niyang maidispatsa. Labis-labis naman ang pasasalamat nito sa kanya.
Umuwi muna siya ng Zamboanga City para makapiling ang mga magulang at ang kanyang anak. Alam niya, doon ay safe siya. Nanatili siya roon ng mahigit kalahating taon bago muling lumuwas ng Maynila.
**
HINDI nagbago ang kapalaran niya sa paghahanap ng trabaho sa Maynila. Napakailap sa kanya ng oportunidad. Hindi siya makakita. Sinunod niya ang mga nabasa sa isang magasin na kailangan niyang mag-reinvent ng sarili. Nagpaputol siya ng buhok at pinakulayan iyon. Binago niya maging ang pananamit, at nakita niyang ang ganda-ganda pala niya kapag sosyal ang porma.
Ngunit wala pa rin...
Malaki ang naiwang pera sa kanya ni Noel pero dahil nagtagal siya sa probinsya ay nabawasan na rin. Pagluwas naman niya ay mas magastos ang kanyang buhay dahil napilitan siyang mangupahan. Magastos din ang pagkain sa Maynila.
Hanggang unti-unti ay nakaramdam siya ng pressure.
At napilitan siyang gumawa ng mabigat na desisyon...
**
“ANG ganda-ganda mo naman!”
Iyon agad ang naging bungad sa kanya ni Layla nang magkita sila. Buti na lang at hindi ito nagpapalit ng cellphone number kaya madali niyang nakontak. Siya naman kasi ay may journal kung saan inililista niya ang phone number at address ng mga kakilala. Ayaw niyang sa mga gadgets itinatala iyon dahil pag nag-crash ay nabubura. At least, kung nasa notebook at nakalista, mawala man sa gadget, o ang gadget mismo ang mawala, may kopya pa rin siya.
“Nagpapanggap lang,” biro niya.
Nasa isang medyo sosyal na coffee shop sila noon. Iyon kasi ang request nito. Mas tahimik daw ang magiging huntahan nila dahil kahit crowded ay hindi nagsisigawan ang mga tao.
“Kumusta ka na?”
Ikinuwento niya rito ang mga nangyari sa kanya. Buung-buo. Natutop ni Layla ang bibig sa pagka-shock.
“Pang-Maalaala Mo Kaya ni Madam Charo pala ‘yang mga experience mo!” bulalas nito. “Hindi ko kaya ‘yan!”
Napaiyak siya. “Sayang nga, eh. Mahal na mahal namin ni Noel ang isa’t isa. Kumbaga ay parang we have the right love at the wrong time.”
Hinaplus-haplos siya ni Layla. “Makakaraos ka rin, Ate. Sabi nga, wala namang ibinibigay si Lord sa atin na hindi natin kayang pasanin.”
“Salamat, Layla...”
“O, bukod sa pagse-share mo ng iyong life, nagulat naman ako na bigla mo akong tinawagan,” kapagkuwa’y pag-iiba na ni Layla sa maesmosyon nilang pag-uusap.
“May sadya rin ako sa ‘yo, Layla...”
“Sige, Ate... basta carry ko ay willing naman akong mag-help.” Sumipsip ito ng malamig na kape.
Gusto niyang matawa sa nakikitang antisipasyon nito na ang akala siguro ay uutang siya.
“Ano na nga ‘yung sabi mong sideline noon? PSP ba ‘yun?” usisa niya rito.
“Oo, Ate. At iyon pa rin ang raket ko sa ngayon. Kita mo naman, kahit papaano ay maganda ang handbag.” Ipinakita nito sa kanya ang high-end na handbag. Noon pa mahilig sa mamahaling bag si Layla.
Huminga siya nang malalim. Inipon ang lahat ng lakas ng loob bago, “Puwede mo ba akong isama sa ganyan? Kailangan kong kumayod, eh...”
Napanganga si Layla.
SUBAYBAYAN!