Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 153)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-153 labas)
ARAW ng Linggo.
Parang buntis ang pakiramdam ni Iza habang naliligo. Panay ang duwal niya. Tipikal na
nararamdaman ng isang kinakabahan para sa isang bagong karanasan. Ilang ulit niyang tinanong ang sarili kung lalakad ba siya o hindi. Bandang huli, nagpasya siyang tumuloy sa pakikipagkita kay Arturo. After all, may opsyon naman siyang tumanggi hangga’t wala pa sila sa loob ng motel.
Nang makabihis ay minasdan niya ang sarili. Hindi siya mukhang pokpokita. Naka-T-shirt siya ng white na may collar at simpleng logo ng brand. Naka-skinny jeans at rubber shoes. Nakatali lang ang kanyang buhok nang ordinaryong pusod. Hindi rin siya nag-makeup dahil natural namang makinis ang kanyang mukha.
Umikot siya sa harap ng salamin. Napakadisente niyang babae kung titingnan. Marahil, matapos ang mga posibleng mangyari mamaya sa pagkikita nila ni Arturo ay iba na ang magiging impresyon niya sa sarili.
Nalungkot siya sa isiping iyon. Pero bahala na mamaya. Sabi nga niya, may oras naman siya para umatras.
**
NASA sentro ng Quezon City ang pizza parlor na pagtatagpuan nila ni Arturo. Ang usapan nila ay alas dos ng hapon, pero ang sabi nito ay mauuna na ito sa lugar. Siya naman ay piniling dumating doon na eksakto sa oras.
Maganda ang place, malinis. Nang dumating siya ay kokonti ang tao. Ang sabi ni Arturo ay sa sulok ito pupuwesto malapit sa malaking air conditioning unit. Naka-blue raw ito ng T-shirt. Pagpasok niya ay nakita agad niya ang lalaki.
Parang nanlambot at nanghina ang kanyang mga tuhod. Moment of truth. Napatingin din ito sa kanya at ngumiti. Na-recognize siya nito dahil sa sinabi niyang isusuot niya. Kumaway ito sa kanya.
Tila mahihimatay siya nang lumapit dito. Nagdesisyon siyang ituloy na ang pakikipagkita rito dahil mukha naman itong mabait.
Agad tumayo si Arturo nang makalapit siya. Inilahad ang kamay. Hindi nawawala ang ngiti (na hindi naman malisyoso) sa mukha nito.
Inabot niya ang kamay nito. Alam niyang nanlalamig siya.
“Sit down,” anito sa kanya. “Halos magkasabay lang tayo. Kadarating ko rin lang.”
Tahimik siyang naupo.
Tumawag ito ng crew at humingi ng menu. Iniabot sa kanya. “Pili ka kung ano ang gusto mo. Huwag kang mahihiya. Kainin mo ang gusto mo,” atas nito sa kanya.
Graduate siya ng psychology kaya alam niya kung paano kikilos sa ganoong sitwasyon. Kinampante niya ang sarili at pinasadahan ang mga nasa menu. Hindi rin naman siya makakakain ng marami kaya nag-settle muna siya sa sandwich at kape.
“Ang tipid mo naman,” ani Arturo. “Iyan lang ba talaga ang kakainin mo?”
“Busog pa naman ako,” katwiran niya. “Huwag kang mag-alala, pag nabitin ako ay saka na lang uli ako oorder.”
“Sounds fine to me,” anito at sinabi sa crew kung ano ang kanilang order. Pareho na rin ng sa kanya ang kinuha nito. Tumingin ito sa kanya. “Para pag nabitin din ako, saka na lang uli ako oorder. Gaya-gaya, ano?”
Nagkatawanan sila.
At bahagyang napayapa ang kalooban ni Iza. Arturo seems to be a nice old man.
May tumawag rito sa phone at nagpa-excuse sa kanya na makikipag-usap lang muna. Nagkaroon siya ng chance na pagmasdan ito. Halatang nasa 50’s na ito pero obvious din na guwapo. Maputi. Maganda ang hugis ng mukha na parang ang veteran actor na si Orestes Ojeda. Mukhang malinis. Walang alahas sa katawan maliban sa mamahaling relo. May porma pa ang katawan, walang tiyan. Hindi ito masyadong malaking tao, baka kasintaas lang niya. Masarap sa ilong niya ang pabango nito na mukhang mamahalin din. At nasa ayos nito na mukhang may pera talaga. Eksaktong dumating ang order nila ay natapos ang pakikipag-usap nito. Nagkaroon naman siya ng positive vibes dito.
“Kain na muna tayo,” yaya nito sa kanya.
Bahagya na siyang nakampante kaya payapa na rin ang kanyang tiyan. Akala niya kanina ay masusuka siya sa harap nito sa nerbiyos, ngayon ay wala na siyang nadaramang anuman. Para na lang siyang may bagong kakilala na kasamang kumakain.
Iniinom na nila ang kanilang kape nang mag-ungkat si Arturo.
“Ano na nga ang pangalan mo?”
“Iza...” sa kabiglaanan ay hindi na siya nakapag-isip ng alyas.
“May probinsya ka?”
Hindi na siya nagsinungaling. “Zamboanga po...”
Tumawa si Arturo. “Huwag mo na akong pupuin, lalo akong magmumukhang
lolo niyan.”
“Zamboanga...” ulit niya.
“May trabaho ka ngayon?”
Gusto sana niyang sabihin ditong ‘Hello, kung meron ba magkausap kaya tayo ngayon?’ Muli, sinabi niya ang totoo. “Malas ako sa work, eh. Medyo matagal din kasi akong nawala after nang mabiyuda ako.”
Ginamit niya ang term na “biyuda” dahil totoo naman. Biyuda siya sa buhay dahil nagkahiwalay sila ni Virgilio, at naging biyudang hilaw naman siya nang mapatay si Noel.
“Ano’ng nangyari sa husband mo?” nabiglang tanong ni Arturo.
Nagsinungaling na siya. “Naholdap. Nanlaban. Nasaksak. Hindi na umabot sa ospital.”
Napailing ito. “Iba na talaga ang mundo. Sobrang tatapang na ng mga tao. Eh, ano naman ang trabahong pinapasukan mo?”
Bumalik muli siya sa katotohanan. “Office work. Tapos ako ng college. Bago ako nag-asawa may work ako. Nag-resign lang ako kasi nga akala ko diretso na sa pagiging homemaker. ‘Yun...”
Kumislap ang mga mata ni Arturo. “Ano ba’ng course mo?”
“Graduate ako ng psychology kaya mostly dapat ay sa HR department ako ng isang company. Taga-hire ng tao... basta may kinalaman sa human resources. I’m sure alam mo naman iyon. Kaso hindi nga ako masuwerte sa pag-a-apply. Noong buhay pa ang mister ko nag-training ako ng massage therapy kasi plano sana namin magtayo ng spa, nadisgrasya naman siya.”
Ngumiti si Arturo. “Mukhang sinuswerte ako ngayon, Iza...”
Nagtatanong ang mga mata niya nang tumingin dito.
Nagpaliwanag ito. “’Yung tumawag sa akin kanina ay kaibigan ko na papunta nang Singapore. May spa siya. Iniaalok sa akin. Interesado ako pero wala naman akong kakilala na may alam sa ganyang business though sabi niya ay marami namang regular clients. Ang kailangan ko ay ‘yung magma-manage na bukod sa may alam sa paghawak ng tao, alam din kung
paano magmasahe kasi importante iyon.”
Bumilis ang tibok ng puso ni Iza.
Nagpatuloy si Arturo. “Gusto ko ang personalidad mo. Malakas ang dating. Mukhang hahatak ng maraming customer. At kung may karanasan ka sa HR works, baka puwede nating mapag-usapan na ikaw na ang mag-manage ng spa. ‘Yun naman ay kung gusto mo. Hindi tayo magkakilala pero parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ko sa ‘yo. What do you think?”
Napaiyak si Iza. Akalain ba niya ito? Naparito siya para makipagkangkangan nang may bayad sa isang estranghero, saka pa siya inalok ng disenteng trabaho.
Tuluyan na siyang napaiyak. “Kung pagkakatiwalaan ninyo ako, pangako, I’ll do my best para maipagpatuloy ninyo ang plano ninyong negosyo...”
Ginagap ni Arturo ang kanyang mga kamay. Pinisil. “Huwag ka nang umiyak. Fix yourself at ngayon din ay pupuntahan natin ang kaibigan ko.”
SUBAYBAYAN!