Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 154)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-154 na labas)

NAPAIYAK si Iza nang alukin siya ni Arturo na maging empleyada nito sa binibiling spa matapos malaman na tapos siya ng kolehiyo at may experience sa pagma-manage ng mga empleyado at maging sa pagmamasahe.

Inabutan siya ni Arturo ng tissue. “Baka lumabas ang sipon mo,” biro nito.

Natawa siya at tinanggap ang tissue. Pinahid niya ang luha. Inulit niya ang sinabi rito. “Pangako, sir... gagawin ko ang lahat para mapalakas ang business n’yo.”

Sumeryoso si Arturo. “Aasahan ko ‘yan, Iza. Madali akong magbigay ng tiwala sa kapwa basta naramdaman kong mabait. Kaya sana ay huwag mong sisirain ang tiwala ko dahil matampuhin ako.”

Tumango siya. “Tatandaan ko po iyan, sir...”

Nagbayad ng kinain nila si Arturo at lumabas na sila roon para puntahan ang kaibigan nito.

**

INALALAYAN siya ni Arturo hanggang sa paglabas nila patungo sa sasakyan nito. Isang bagumbagong SUV ang dala nito. Ipinagbukas pa siya ng pinto. Na-realize niyang old school na lalaki ito. Maginoo sa babae.

At unti-unti siyang nai-impress.

Mabango ang sasakyan nito, may plastic pa ang mga upuan. Habang daan ay nagkukuwentuhan sila ng kung anu-ano, mostly ay tungkol sa kanya. Wala naman siyang inilihim dito, maging ang kanyang anak. Pero hindi na niya binanggit na buhay pa ang ama ng kanyang anak dahil sa pagkaintindi nito ay si Noel ang nakabuntis sa kanya.

Sabagay, si Virgilio naman ay isang kabanata ng buhay niya na ayaw na niyang balikan.

“Ilan ang anak n’yo, sir?” kapagkuwa’y tanong niya rito.

“Tatlo. Puro nasa ibang bansa na. May mga pamilya na rin.”

“Si misis n’yo, ano naman ang negosyo?”

“Hindi ko alam.” Kaswal na sagot nito. “Hindi na kami nagkikita. Matagal na rin kaming hiwalay.”

Hindi siya kumibo. Pero naglaro sa isip niya na iyon siguro ang dahilan kaya naghahanap ito ng ligaya sa mga murang kandungan. Kung hindi nga siguro tumawag ang kaibigan nito, baka nagpapasasa ngayon ito sa kanyang alindog.

Sabagay, palihim niyang pinasadahan itong muli ng tingin, guwapo naman ito kahit may edad na. Lalaking-lalaki ang boses. At ngayong nasa sasakyan sila nito ay mas lalo niyang nalanghap ang masculine na pabango nito.

Inamin niya sa sariling attracted siya kay Arturo dahil sa kakaibang dating nito. Kung magniniig sila sa kama sa mga susunod na araw, hindi na siguro siya maiilang dito. Iyon naman ay kung ipipilit pa rin nito ang unang purpose kung bakit sila nag-meet.

Naramdaman ni Iza na bahagyang kumatas ang kanyang hiyas. Matagal na siyang walang sex, at nagpapakita na ng biological needs ang kanyang katawan.

Pero bago iyon, trabaho muna...

**

ANG bahay ng kaibigan ni Arturo ay nasa isang residential area sa Quezon City. Magaganda ang bahay sa lugar na iyon at malalaki ang mga bakuran. Matataas nga lang ang mga bakod, marahil ay nag-iingat sa mga magnanakaw.

Bumusina ito sa tapat ng isang old house. Bumukas ang gate at pinapasok sila ng isang matandang lalaking mahihinuhang kasambahay roon. Ipinarada ni Arturo ang sasakyan sa loob at inalalayan siya sa pagbaba.

Pumasok sila sa loob. Malawak ang salas. Saglit pa ay lumabas ang isang sosyal na babaing nasa late 40’s na siguro at may Spanish features. Nagbeso-beso ang dalawa.

Tumingin sa kanya ang babae. Ngumiti. “And who is this beautiful young lady here?” tanong nito.

“Siya ang magma-manage ng spa. Si Iza, “pakilala sa kanya ni Arturo.

Yumukod siya sa babae bilang pagbibigay-galang. “Magandang araw po...”

Ngumiti ang babae na may halong konting malisya. “Hmmm, may na-hire ka na pala agad kahit nasa negotiation stage pa lang tayo. Mabilis ka talaga, Arturo. Baka naman girlfriend mo ang batang ‘yan,” biro pa nito.

Tumawa si Arturo. “No... no. Sabi ko nga, siya ang magma-manage. Galing na siya sa HR department ng isang company, at nag-training siya sa pagiging therapist. Importante na may knowledge sa business ang hahawak sa spa.”

“Mismo,” tugon ng babae at muling pinasadahan siya ng tingin. “Maganda siya,” palatak pa nito. “Seksi.” Saka muling tumingin nang may malisya kay Arturo—na nagpapaka-deadpan naman sa mga pasaring ng kaibigan.

Pinahainan sila nito ng meryenda. Naririnig niya ang pag-uusap ng dalawa. Nagtatawaran. Saglit pa ay nagkamay.

“Puntahan natin ngayon ‘yung spa,” mungkahi ng babae. “Para makita na rin nitong manager mo ang lugar.”

Saglit pa, sumusunod na sila sa sasakyan ng babae patungo sa spa. Puno naman ng samutsaring emosyon ang dibdib ni Iza. Hindi pa rin siya makapaniwala sa bilis ng takbo ng mga pangyayari.

**

MAY idea naman si Iza kung ano ang hitsura ng isang spa dahil nang mag-training siya noon ay nag-tour silang magkaka-batch sa ilang spa at nag-actual massage pa sila sa ilang kliyente sa mga napuntahan nila. Pero nalula siya sa ganda ng spa na ngayon ay pag-aari na ni Arturo.

Malaki iyon. Nasa 30 ang mga cubicles. Hiwalay ang babae sa lalaking kostumer. May Jacuzzi at steam bath. Napakalinis at napakabango ng paligid.

Ang kaibigan ni Arturo ang personal na namamahala roon pero dahil nga maninirahan na sa abroad ay ipinagbenta na. May sarili itong maliit na opisina. Sabi nito ay iyon ang ookupahan niya. Puwede pa raw magdagdag ng mesa once na mag-decide si Arturo na mag-opisina rin doon.

“Siguro ay si Iza na lang para hindi masikip,” ani Arturo. “Bibisita na lang ako twice a week.”

Binuksan ng babae ang laptop na nasa mesa. “Iiwan ko na rin ang laptop na ito para magamit ni Iza. Naririto ang database ng ating mga therapist at mga kliyente. For the meantime ay hindi ko muna sila pinapapasok pero sinabihan ko sila na the new owner will contact them very soon. May linya naman ng telepono. May cellphone din na ginagamit pang-text sa mga therapist at customer. Kaya, Arturo...” tumingin ito sa kaibigan, “sign the check na at nang makapag-umpisa ka na. Tutal matagal ko na rin namang naipakita sa ‘yo kung gaano kalaki ang income nito. At walang problema sa mga business permit, etc. Nakahanda na rin ang deed of sale.”

Muling iginala ni Arturo ang mga mata sa paligid. Masayang-masaya ito. Kinamayan ang kaibigan. “Okay, let’s do it.”

Habang pabalik na sila sa bahay ng babae ay may iniabot sa kanya si Arturo.

“Panggastos mo muna...” Isiniksik nito iyon sa kamay niya.

Alam ni Iza na pera iyon. Medyo makapal. Inilagay niya iyon sa kanyang handbag.

At itinanong niya rito ang kanina pa niya gustong malaman. “Paano ‘yung nauna nating usapan? Hindi na ba natin itutuloy?”

Tumingin sa kanya si Arturo. Ngumiti.

 

SUBAYBAYAN!