Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 187)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-187 labas)
SA ibinalita ng kanyang boss na nag-resign na si Noemi ay nahulaan na ni Arturo na alam na sa kanilang opisina ang tungkol sa affair nila ng dalaga. Ngayon pa lang ay hindi na malaman alam kung anong mukha ang ihaharap niya sa mga ito pag makakapasok na uli siya.
Gusto niyang magsisi. Dapat ay nakinig siya sa kanyang instinct noon na huwag na lang munang tumuloy sa usapan ng dalaga. Higit sa lahat, napopoot siya sa traysikel drayber na nagsadlak sa kanya sa ganitong problema. Tutuluyan niya ito ng kaso, at titiyakin niyang makukulong. Hindi siya magpapaareglo.
Nasa ganoon siyang pagdidili-dili nang pumasok ang kanyang misis at may hawak na brown envelop. May kasama itong pulis na marahil ay singkuwenta anyos mahigit ang edad, maputi na may katangkaran at nakasalamin.
Lumakas ang kaba sa kanyang dibdib nang mapansing halatang umiyak ang kanyang misis. Lumingon ito sa pulis na kasama. “Si Patrolman Ed Carandang,” anito at suminghot. “Dala niya ang police report. May mga pipirmahan ka raw para makasuhan ‘yung traysikel drayber.”
Nagmagandang araw sa kanya ang pulis. Lumapit sa kanyang kama. Binigyan ito ng kanyang misis ng mauupuan.
May mga ipinaliwanag sa kanya ang pulis pero hindi na halos iyon rumehistro sa kanyang isip. Basta na rin lang siya pumirma sa mga dala nitong papeles. Iisa lang ang malinaw na nakarehistro sa utak niya—nakakulong ang traysikel drayber na himalang hindi nasaktan. Walang pampiyansa. Naka-impound na rin ang traysikel na sinakyan niya.
Nang makaalis na ang pulis ay saka humagulhol ang kanyang misis. Mapait na napailing si Arturo.
Umiyak nang umiyak ang kanyang misis at wala siyang magawa kundi ang tingnan lang ito. Maya-maya ay lumabas ito sa kuwarto kung saan siya naka-confine. Pabagsak na isinara ang pinto.
Bumagsak din ang mga balikat ni Arturo sa panlulumo.
Nang sumunod na mga araw ay hindi na pumunta sa ospital ang kanyang asawa. Halinhinan ang kanilang dalawang yaya sa pagbabantay sa kanya. Nang lalabas na siya ay ang mga yaya rin ang umasikaso sa kanya. Sa mga ito na rin ipinadala ng kanyang misis ang pambayad sa ospital.
Ayaw niyang magtanong sa mga ito kung ano ang ginagawa ng kanyang misis at baka makahalata na may problema sila. Ang sabi lang ng mga ito nang unang araw na bantayan siya ay maghahanap daw si Ma’am ng pambayad sa ospital.
Actually ay hindi naman ganoon kalaki ang binayaran nilang bill dahil ang iba ay sagot ng insurance at ng kanilang kumpanya. Halos miscellaneous lang ang sa kanila. Nakadalawang linggo rin siya sa ospital.
Pagdating sa kanilang bahay ay wala ang kanyang misis at ang dalawang anak. Ang sabi ng dalawang yaya ay umuwi raw muna sa probinsya pero babalik din agad. Napahinga siya nang malalim. Wala pala ito pero hindi agad sinabi ng mga yaya. Marahil ay iyon ang utos nito sa dalawa para huwag agad siyang makahalata.
Nami-miss na niya ang dalawang anak. Sapul nang maospital siya ay hindi pa niya nakikita ang mga ito. Ngayong nag-iisa siya sa bahay, bagaman at nakakakilos na siya ay ramdam na ramdam niya ang kahungkagan. Biglang-bigla, pakiramdam niya ay nag-iisa siya sa mundo.
Isang buwan ang lumipas at hindi pa rin bumabalik ang kanyang misis. Nang kaya na ng kanyang katawan ay pumasok na uli siya sa opisina. Masasaya naman ang kanyang officemates sa kanyang pagbabalik dahil na rin sa mahusay siyang makisama. ‘Yun nga lang, ramdam niyang may nabago. May distansya na. Sa mga tingin ng mga ito sa kanya ay nababasa niya ang isang tanong: Kailan pa ang relasyon ninyo ni Noemi?
Ang hindi lang nagbago ang pakikitungo sa kanya ay ang kanyang boss. Lagi siya nitong pinupuntahan sa kanyang cubicle. Inaasistihan sa mga development na nakaligtaan na niya o nakalampas sa kanya noong maaksidente siya.
At dahil may guilt sa kanyang kalooban, siya na mismo ang nag-open up dito. Minsang sabay silang nagkape ay isinatinig niya ang saloobin.
“Sir, I’m sorry...” malungkot niyang sambit.
“About what?” kaswal nitong tanong.
“’Yung sa amin ni Noemi...”
Ibinaba nito ang tasa ng kape. “Lalaki rin ako, madali akong makaunawa. Sa misis mo, nag-sorry ka na ba?”
“Hindi pa kami nagkikita simula nang lumabas ako sa ospital.”
Nagulat ito. “Ha? Bakit?”
Ikinuwento niya rito ang sinabi ng kanyang misis sa mga yaya.
Huminga nang malalim ang kanyang boss. “In that case, unahin mo ang problema mo sa misis mo. Bibigyan muna uli kita ng special leave para masundo mo sila sa probinsya.”
Bahagyang gumaan ang kanyang pakiramdam. Ang totoo ay iyon sana ang una niyang gustong gawin, ang masundo na ang kanyang mag-iina. Dangan nga lang at alam niyang marami na siyang backlog sa opisina kaya trabaho muna ang inasikaso niya.
“Maraming salamat, Sir...”
Tinapik siya nito sa balikat. Makahulugan ang huling binitawan nitong salita. “May mga bagay tayong ginagawa na masakit ang end result at pinatutunayan lang ang kasabihang laging nasa huli ang pagsisisi. I hope na marami kang natutunan sa naging karanasan mong ito, Art...”
Napayuko siya. Hindi na siya nakasagot. Pinisil siya nito sa balikat at tumayo na. “Time to pick up the pieces again.”
Tumango siya.
**
GALIT ang unang rumehistro sa mukha ng kanyang misis nang makita siya nitong nakatayo sa harapan ng bahay ng mga ito sa probinsya. Maayos ang buhay ng kanyang mga biyenan, isa sa mga maykaya sa lugar na iyon.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” mataas ang tonong singhal nito sa kanya.
“I’m sorry...” Iyon agad ang kanyang sinabi. Mahalagang malaman ng kanyang misis na nagsisisi siya kahit wala pa talaga silang nagiging pag-uusap ukol sa nangyari.
Malakas na sampal ang pinadapo nito sa kanyang mukha. Malakas na malakas na pakiwari ba niya’y namanhid ang kanyang pisngi.
Isa pa uling sampal sa kabila naman. Pagkatapos ay pinagbabayo nito ang dibdib niya.
Ramdam niya ang sakit na pisikal sa ginagawa nito sa kanya dahil hindi pa talaga okey ang kanyang pakiramdam sapul nang maaksidente siya. Tinatanggap na lang niya dahil alam niyang hindi iyon kapantay ng sakit sa damdamin na naibigay niya rito.
“Taksil! Taksil ka!” sigaw nito sa kanya. Halos warakin nito ang kanyang damit.
Lumabas ang ama nito at mahinahong nangusap. “Pumasok kayo rito sa loob. Dito ninyo pag-usapan ang inyong problema.”
Napahagulhol ang kanyang misis.
SUBAYBAYAN!