Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 189)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(Ika-189 na labas)
HINDI na rin ipinilit ni Arturo na magkaayos agad sila ng kanyang misis. Naisip niyang pahilumin muna ang sugat sa puso nito dahil malaki nga ang kanyang naging kasalanan. Linggu-linggo ay nagpapadala siya rito ng card at roses. Gusto niyang maramdaman nito na sweet pa rin siya.
Lagi rin siyang nagpapadala rito ng pera pagkakasuweldo niya. Kahit magkalayo sila sa isa’t isa ay pinatutunayan niya rito na bagaman at naging mahina siya sa tukso, kahit kailan ay hindi siya naging pabayang asawa at ama.
May dumating na notice sa kanya para sa unang hearing ng kanyang kasong isinampa laban sa traysikel drayber. Galit siya rito hanggang ngayon. Pero naisip na rin niya, wala rin namang mababago sakaling makulong ito. Nangyari na ang nangyari. Nasira na ang tiwala sa kanya ng kanyang misis. At kawawa naman ito kung tuluyang makukulong.
Nag-attend siya ng hearing pero sa paghaharap nila ng traysikel drayber sa piskalya kung saan kasama nito ang asawa’t mga anak ay tuluyang lumambot ang kanyang puso. Mukhang kawawa ang misis nito na ngayon daw ay namamasukan munang katulong para mapakain ang tatlong anak na ang liliit pa. Ang mga anak naman nito ay parang malnourished na. Kung hindi makapagtatrabaho ang ama ay baka mamatay pa sa gutom.
Noon din ay iniurong na niya ang kaso. Napayakap sa kanya ang traysikel drayber na tila hindi naliligo. Gusto sana niyang umiwas pero nayakap agad siya nito. Mabango siya nang mga oras na iyon, pero pagkatapos siyang yakapin nito, pakiwari niya ay ilang araw na siyang nagtatrabaho sa magrasang talyer ang amoy.
Nagpasalamat din sa kanya ang asawa nito na inilapit pa ang mga anak at pinagmano sa kanya. Magagalang naman ang mga bata, at na-touch siya nang magmano nga ang mga ito sa kanya. At dahil naalala na naman niya ang kanyang mga anak ay nabagbag ang kanyang damdamin. Napadukot tuloy siya sa bulsa at binigyan ng tig-P100 ang tatlong bata.
May luwag na rin siya sa dibdib sa nangyari. Iyon man lang ay makabawas sa napakarami niyang alalahanin sa buhay.
Napatingin siya sa pulis na nakangiti sa kanya habang papalabas sila ng piskalya. Naalala niyang ito ang nagdala ng police report sa kanyang misis sa ospital. Ito rin ang may hawak ng kanilang kaso ng traysikel drayber na ipina-dismiss na nga niya.
“Kumusta kayo, sir?” tanong nito sa kanya. “Magaling na ang mga pilay ninyo?”
“Opo,” magalang niyang sagot. “Sorry, sir... ano nga po uli ang pangalan ninyo?”
“Carandang. Patrolman Ed Carandang. Ako po bale ‘yung rumesponde sa aksidente.”
Tumangu-tango siya. May pumasok sa kanyang isip. “Puwedeng magkape muna tayo, sir? Kung hindi makakaabala sa inyo...”
Tumingin sa relo ang patrolman. “Puwede naman, sir. Tutal ay mamaya pa ako babalik sa presinto.”
Humantong sila sa isang Chinese restaurant malapit sa munisipyo. Dahil gutom na siya, niyaya niyang mag-full lunch ang pulis. Umorder siya ng yang chao fried rice, peking duck, lumpiang shanghai, mixed vegetables with sea foods, steamed kangkong with bagoong at soup for the day. Sinabi niya ritong kumain muna sila bago ang kuwentuhan.
Masarap ang kanilang naging kain. Noong hindi pa siya iniiwan ng kanyang misis, every payday ay meron silang bonding na mag-asawa na hahanap sila ng restoran na di pa nila natitikman ang mga putahe. Pareho silang foodie na mag-asawa. Natigil nga lang ang ganoong aktibidad ngayong mga panahong ito.
Nagkakape na silang dalawa nang mag-ungkat siya sa pulis.
“Ang huli kong namalayan ay napasaklang ako sa poste ng kuryente,” pagbabalik-tanaw ni Arturo. “After that, wala na akong matandaan. Ano po ba ang inabutan ninyong eksena?”
“Kasalukuyan akong nagroronda noon sakay ng mobile car nang itawag sa akin mula sa base na may aksidente nga raw sa loob ng village. Dahil ako ang malapit ang location, ako ang pumunta. Sa bahay noong Noemi kita nadatnan na walang malay, sir. Kasama ko naman siya nang dalhin ka sa ospital.”
Tumangu-tango siya.
“Iyak siya nang iyak, sir. Akala ko nga ay siya ang misis mo. Kaya nagulat ako nang magbalik ako sa ospital dala ang police report dahil kailangan daw sa insurance mo na hindi pala siya ang misis mo. Hinanap ko siya sa misis mo, nagtaka siya kung sinong Noemi ang itinatanong ko.”
Napatingin siya sa pulis.
“Eh, nang mag-usisa siya, sir... hindi na ako sumagot kasi nakatunog ako, eh. Siyempre, lalaki rin naman tayo. Kaso mukhang matinik ang misis mo, kinuha sa akin ang pulis report at binasa. Nakita niya lahat doon ang mga detalye. Kung nasaan ka nang maganap ang aksidente, sino ang pakay mo sa village na iyon. At nagpasama siya sa akin kina Noemi...”
Napaunat siya sa pagkakaupo. Nabigla sa narinig. “Nagpunta kayo kay Noemi?”
“Pero hindi na namin siya nakita sa bahay, sir. Wala nang tao nang kumatok kami. Eh, sabi ko nga, mukhang matinik ang misis mo, nagtanong sa hepe ng security kung saan nagwo-work si Noemi. Nagpakilala siya na kapatid mo. Sinabi naman noong sekyu kaya nalaman din ni misis mo na magkaopisina kayo.”
Napailing siya.
Sabay pa silang napahigop ng pulis ng kape. Nagtama ang kanilang mga mata. Sa kabila ng kanilang seryosong usapan ay nagkatawanan na lang sila.
“Pag masisilat, talagang masisilat, sir,” sabi sa kanya ni Patrolman Carandang. “Kaya sa susunod, bumili na kayo ng kotse. Huwag na kayong magtatraysikel para hindi madisgrasya.”
Nagkatawanan silang muli. Sa likod ng kanyang mga problema ay bahagyang gumaan iyon dahil na rin sa mga pagpapatawa ng pulis na kaharap niya.
“Pero maaayos n’yo pa ‘yan, sir...” pagpapalakas-loob nito sa kanya. “Mga bata pa naman kayo. Mainam nga na ngayon pa lang nagloko ka na kaysa kung kailan malalaki na ang mga bata, may isip na at makikita ang sitwasyon. Pati sila masasaktan.”
“Oo nga, e...” sang-ayon niya rito.
“Kasi naman ‘yung Noemi na ‘yun, sir, napakaseksi talaga!” biglang palatak ng pulis. “Dibdib pa lang magkakasala ka talaga. Sabi ko nga nang una kong makita, bagyo naman ang dating nitong asawa ni sir, batambata.”
Biniro niya ang pulis. “Kanina lang pinapayuhan mo ako, ngayon inuudyukan mo na naman ako...”
“Kaya nga sabi ko, sir... huwag kang magtatraysikel para di ka nadidisdrasya. Pag may kabit ka na ganoon kaseksi, dapat may sariling kotse ka.”
Muli silang nagkatawanan.
Kapagkuwa’y sumeryoso si Arturo. Nagpasalamat sa pulis at naghiwalay na sila. Dumaan siya sa isang department store, bumili ng card at muling ipinadala sa kanyang misis.
“Miss you...” mensahe niya rito.
SUBAYBAYAN!