Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 194)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-194 na labas)

KINABUKASAN, sa halip na sa opisina ay sa ospital kung saan siya dinala nang maaksidente siya unang nagtungo si Arturo. Nagtanong siya sa information kung naka-duty si Dr. Ron Millan. Naroon naman daw ayon sa naka-duty sa desk, at itinuro kung saan ang clinic nito.

Marami pang inaasikaso ang doktor pagdating niya sa clinic nito. May mga nakaupo sa waiting area. Nagpalista siya sa assistant nito at nagbasa muna ng newspaper. Gaya ng kanyang nakaugalian, tiningnan muna niya ang kanyang horoscope forecast. At ayon sa kanyang mga bituin:

PISCES (Pebrero 19 – Marso 20) – May posibilidad na magkaroon ka na ng house and lot. Asikasuhin ang nararamdaman sa katawan dahil pangmatagalan ang epekto nito. Malulungkot ka sa isang katotohanan na matutuklasan. Suwerte sa kulay scarlet red. Lucky numbers ay 33, 25, 36, 18, 22 at 39. Tumaya sa lotto bandang 7:00 p.m.

Napalunok si Arturo. Kung wala siyang sadya sa doktor ay hindi siya kakabahan sa kanyang forecast at marahil ay mas magsusumiksik sa kanyang isip ang tuwa dahil sa sinabing magkakaroon siya ng house and lot. Sino’ng hindi matutuwa sa ganitong forecast? Pero dahil binanggit ang tungkol sa nararamdaman sa katawan at sa isang katotohanan na matutuklasan, para siyang maiihi sa salawal sa sobrang tension.

Nawalan na siya ng gana na magbasa ng balita.

Isa-isang naubos ang mga naunang pasyente sa kanya. Saglit pa, tinawag na siya ng assistant ng doktor.

Pumasok siya sa loob ng klinika nito. May binabasang digest ang doktor. Napalingon sa kanya nang maramdamang may tao na uli sa loob.

Hindi na niya masyadong ma-recall ang hitsura nito pero pamilyar pa rin sa kanya. Medyo payat na sobrang puti sa pagiging mestiso. Makapal ang kulot na buhok. Guwapo. Hawig sa actor na si Tonton Gutierrez.

Nagmagandang umaga siya rito. Tumayo naman ito at kinamayan siya. Sa bihis niya ay alam nitong hindi siya ordinaryong pasyente.

“You look familiar,” anito at tiningnan ang ibinigay na record ng assistant. “Ah, okay... ikaw ‘yung naaksidente noon.” Tumingin muli ito sa kanya at ngumiti.

“Ako nga po,” aniya at huminga nang malalim.

“So, may problema ba, sir?”

Tinanggal niya ang bara sa kanyang lalamunan para lumabas ang kanyang boses. “M-mukhang may problema, Doc...”

Nagtatanong ang tingin nito sa kanya.

Sinabi niya rito ang totoo. “Hindi na nagpa-flag ceremony si manoy, Doc...”

Ginawa niyang light ang pagkakasabi niyon, pero alam niyang tila nanggagaling sa balon ang kanyang boses sa sobrang panlulumo.

Sumeryoso rin ang doktor. Kapagkuwa’y tumangu-tango.

“Matagal mo nang naramdaman?” ungkat nito.

“Actually ay kagabi lang, Doc. Nagbakasyon kasi si misis at kahapon lang nakabalik. Noon namang matapos akong maaksidente, hindi agad nagamit dahil may mga sugat at tahi. Saka medyo may takot pa ako noon kasi for a while ay umiihi ako ng dugo.”

Tumangu-tango muli ang doctor. Kapagkuwa’y tumayo ito at binuksan ang isang drawer. May kinalkal doon. Hinugot ang isang folder na mahihinuhang isang medical record. Nakita pa niya ang pangalan niya na nakasulat gamit ang malaking felt tip pen.

Nagbalik ito sa upuan at binuklat ang file. Mula roon ay inilabas ang isang X-ray film. May binuksan itong switch at nagliwanag ang isang parang drawing table na salamin ang ibabaw. Ipinatong nito roon ang film.

Nakita niya ang imahe sa film na mahihinuhang ang kanyang dyunyor at ang mga ugat na konektado rito.

Nagsimula itong mag-explain gamit ang ilang medical terms na hindi niya maunawaan bagaman at natutukoy niya kung alin dahil itinuturo nito sa image. Ipinakita sa kanya ang damage sa mga ugat at buto malapit sa kanyang kaselanan. Pero ayon dito, ang dahilan ng pagkamahiyain ng kanyang dyunyor ay ang mga ugat na labis na nadurog sanhi ng impact ng pagkakasaklang niya sa poste ng ilaw.

“I would say na matibay ang katawan mo dahil kung sa iba nangyari ito, baka baldado na. Suwerte ka pa rin dahil kung ang ulo mo ang humampas sa poste, baka wala ka na,” anito sa boses na pakiramdam niya’y tila binabasahan siya ng hatol.

“Doc, ibig mong sabihin—” hindi na niya maituloy ang sasabihin.

Umiling-iling ito. “I’m sorry, sir... matindi ang pinsala mo.”

Tuluyan na siyang nanlumo. “W-wala na bang ibang paraan, Doc?” halos mabasag ang kanyang boses. “Operation? Therapy?”
“Ginawa na namin ang operation, sir. Good thing na hindi naapektuhan ang pag-ihi mo. Nagkataon lang na ‘yung sensitive na ugat para sa pakikipagtalik ang napuruhan. Therapy... I don’t know. Siguro... But only time can tell. Puwedeng umokey ka in a short time, puwedeng matagal. At puwede ring hindi na talaga. Permanent impotency.”

“No!” naisigaw niya.

Nanghihinang napasandal siya sa upuan. Ayaw niyang umiyak bilang lalaki pero hindi niya napigilan ang kanyang luha nang kusa iyong pumatak.

Naalala niya ang eksena nang magkarera ang dalawang tricycle boy. Bumalik ang poot niya sa driver na pinatawad niya. Kung alam lang niyang ganito ang kahihinatnan niya, hinayaan na lang sana niya itong mabulok sa kulungan.

Namura niya ito sa isip.

Panay-panay ang pagmumura niya sa kaibuturan ng kanyang utak.

Naisip niya si Noemi.

Sana pala ay hindi na lang niya ito nakilala! Maging ang dalaga ay namura niya sa isip.

Sa tila pagsabog ng lahat sa kanya, naitanong niya sa kaharap, “Paano na ako, Doc?”

Kaswal ang naging sagot nito sa kanya. “May mga anak na ba kayo ng misis mo? Kung meron na, wala akong nakikitang problema...”
“Meron, Doc. Ang babata pa namin ng misis ko. Nasa kainitan pa kami. Hindi ko na maibibigay sa kanya ang gaya ng dati.”

Mula pa rin sa point of view ng isang alagad ng agham ang naging sagot nito sa kanya. “You can have sex without having sex. Maraming paraan...”

Ayaw na niyang marinig pa ang mga sasabihin nito. At gaya ng nasa kanyang horoscope, nakabibingi nga ang katotohanang natuklasan niya ngayon.

Matagal siyang napasubsob sa kanyang mga palad. Higit kailanman, ngayon niya naramdaman ang kanyang magiging kakulangan bilang lalaki. Isa siyang hunk, ngunit hindi na niya magagawang i-satisfy ang kahit sinong babae.

Nang kumalma siya ay nagbayad siya at umalis na sa lugar na iyon. Hindi na rin niya nagawang pumasok sa opisina.

Nasumpungan niya ang sarili na nagbabayad ng tiket sa isang sinehan na ang palabas ay bold.

 

SUBAYBAYAN!