Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 29)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-29 na labas)

NA-EXCITE si Jason nang malaman na si Ma’am Sef ang nag-message sa kanya sa Facebook. Nangungumusta ito sa kanya.

“Okey naman,” reply niya sa message nito. “Saan na kayo?”

Sef: “Manila ako. Puwede ko bang makuha ang number mo?”

Ini-encode niya sa message reply niya ang kanyang number. Nagpasalamat ito. Itinanong din niya ang number nito. Reply ng babae: “Huwag na. Ako ang tatawag sa ‘yo.”

Iyon lang at nagpaalam na ito sa kanya.

Napangiti si Jason. Ini-off niya ang kanyang iMac at masayang nahiga sa kanyang kama. Iniisip niya ang isa pang babaing nagkaroon ng kaugnayan sa kanya sa nakalipas.

Si Ma’am Sef…

                                                           **

SI Ma’am Sef ay isang batambatang substitute teacher na dumating sa kanilang high school ilang buwan bago ang kanilang graduation. Nagpakasal kasi ang kanilang art teacher at isang buwan na nagbakasyon kaya kinailangang may humalili rito.

Kaga-graduate lang ni Ma’am Sef noon. Twenty-four years old, at maagang nagkaasawa ng isang British national. Ang balita, dahil foreigner ang asawa nito, sooner ay susunod na ito sa mister na isang chef sa malaking hotel sa Dubai. Habang naririto pa sa Pilipinas ay naglilibang muna ito sa pagiging substitute teacher.

Ang tingin niya kay Ma’am Sef noon ay ordinary lang. Hindi katangkaran na maputi. Slim. Nakasalamin at laging nakatali ang buhok. Maganda ang mukha at matangos ang ilong. Geeky. Pero nakapahusay sa art.

Magaling itong magdrowing. Unang salang nito sa kanilang klase ay sobrang ingay nila dahil magga-graduation na rin naman at di na nila halos siniseryoso ang mga lessons. Nagdrowing ito sa blackboard gamit ang chalk ng Spider-Man. Pagkatapos ay binura. Nagdrowing din ng Manga characters na nagbabakbakan. Tom and Jerry. SpongeBob at kung anu-ano pa.

Natahimik sila. Biglang nagkaroon ng interes sa geek nilang substitute teacher.

At mula noon, lahat sila ay nagkainteres na sa pagdodrowing. Excited sila basta oras na ni Ma’am Sef. Nagkahilig din siya sa arts sa impluwensya ng mahusay magturo na titser.

Isang linggo na lang noon at matatapos na ang tour of duty sa kanila ni Ma’am Sef. September ang tunay nitong pangalan—na para sa kanya ay cute and interesting.

Gumawa sila ng plate (project sa drowing) na sa illustration board ginawa, at self-portrait. Mahusay siya sa mga landscapes at cartoon characters, pero sa portrait ay hindi. Nahirapan siya kaya siya ang huling nagpasa rito. Pinuntahan pa niya ito sa faculty room nang uwian na para lang ihabol ang kanyang plate.

“Ma’am, sorry po,” paumanhin niya rito. “Sana tanggapin n’yo pa.”

Tumingin ito sa kanyang plate. Tumawa ito. “Ikaw ba ‘yan o si Luis Manzano?” tanong nito sa kanya. “Mukhang iba ang kinopya mo at hindi ang picture mo.”

Natawa rin siya. Pareho kasi sila ni Luis na makapal ang kilay.

“Sana, Ma’am, di pa late, ha?”

“Hindi pa naman. Pero may big, big favor sana akong hihingin sa ‘yo,” anito.

“Ano po ‘yun, Ma’am?”

“Mayroon ba kayong binhi ng niyog? Gusto ko sanang magtanim sa mga sulok ng aming bakuran. Masuwerte raw pag bawat kanto ng bakuran ay may nakatanim na niyog.”

“Marami, Ma’am,” sagot niya. “Kung gusto ninyo magdadala ako bukas.”

“Siguro sa weekend na lang. Pero ang pinakamalaking favor, puwede bang ikaw na rin ang magtanim?”

“Sige, Ma’am. Saan po ba ang bahay n’yo?”

“Susunduin na lang kita rito sa may gate sa Sabado, mga nine in the morning kung okey sa ‘yo.”

Nagkasundo sila.

Marami silang puno ng niyog sa kanilang bakuran at sa lupang nabili nila kina Rosela. Naghanap siya ng nalaglag na bunga na may suloy (tubo) na at puwede nang itanim. Nakakita siya ng anim. Kung kulang pa ay saka na lang uli siya magdadala, depende sa kakailanganin ni Ma’am Sef.

Wala pang alas nuwebe ng umaga ay nasa gate na siya ng kanilang school araw ng Sabado. Ayaw niyang si Ma’am Sef pa ang maghintay sa kanya lalo pa’t walang tao roon pag ganitong araw. Maya-maya, may natanaw siyang paparating na Volkswagen. Huminto sa tapat niya, bumukas ang bintana at sumungaw ang titser.

Marunong pala itong magmaneho. Cool, sa isip-isip niya. Parang wala sa personalidad nito na mukhang manang at kayliliit ng braso na kaya palang pumihit ng manibela.

“Kanina ka pa?” tanong nito sa kanya.

“Halos kararating lang, “Ma’am,” aniya. “Saan ko po ilalagay itong mga niyog.”

Bumaba ito at binuhat ang mga niyog at inilagay sa upuan sa likod.

Natigilan naman siya.

Naka-shorts lang ngayon si Ma’am Sef. Ang kinis pala ng legs nito, puri niya sa isip. Naka-T-shirt ito nang medyo maluwag at ngayon ay nabistahan niyang ang ganda pala ng katawang itinatago nito sa unfashionable na teacher’s uniform. At bagaman at suot pa rin nito ang salamin, malaki pala ang hawig nito sa aktres na si Rhian Ramos kapag naka-casual ng suot.

Magkatabi sila sa unahan nang patungo na sa sila sa bahay nito. Hindi niya mapigilang maya’t mayang sulyapan ang makikinis nitong legs pag hindi ito nakatingin sa kanya. Masarap din sa ilong ang ginamit nitong pabango, hindi masyadong masansang at mukhang mamahalin.

Malayo ang tinakbo nila na sakop pa rin naman ng Angono. Hindi ito nagdadala ng sasakyan pag pumapasok kaya naisip niyang ganito pala kalayo ang binibiyahe nito araw-araw.

Saglit pa, pumasok sila sa isang malawak na bakuran na may katamtaman ang laking bungalow sa bandang gitna.

“Ito ang bahay namin,” sabi sa kanya ni Ma’am Sef nang maiparada ang Volks. “Halika, pasok tayo sa loob. Mamaya mo na ibaba ang mga niyog.”

Sumunod siya rito sa loob ng bahay.

 

SUBAYBAYAN!