Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 31)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-31 labas)

GRADUATION na nina Jason nang muli niyang makita si Ma’am Sef. Nag-attend ito. Nang time na iyon ay marami ang nagulat sa ayos nito. Naka-black na T-shirt at maong na shorts na kulay green. Malayo sa conservative na hitsura nito noong nagtuturo pa sa kanila, bagaman at suot pa rin nito ang trademark na eyeglasses. Gandang-ganda siya sa ayos nito. Hot na geek.

Tapos na ang ceremony nang lapitan siya nito. Hinalikan siya sa pisngi at iniabot ang regalo. Sinabihan din siya nito na pagbutihin ang pag-aaral sa kolehiyo. Gusto raw nitong makita siya na isang successful professional balang araw.

“I will, Ma’am,” sagot at pangako niya rito.

Niyaya niya ito sa kanilang bahay para sa kaunting salu-salo dahil may mga nakuha siyang awards. Pero tumanggi ito.

“Sana, Ma’am Sef, magkita pa uli tayo,” sabi niya rito. Nakakita kasi siya sa katauhan nito ng isang nakatatandang kaibigang babae. “Hindi pa naman siguro kayo susunod agad sa mister n’yo.”

“Oo naman, magkikita pa tayo,” tinapik siya nito sa balikat. “This year na ang alis ko pero marami pang panahon para magkita tayo basta hindi ka busy.”

Kinamayan siyang muli nito, nakita niyang nakipagtsika-tsika sa iba nilang teacher, at kapagkuwa’y nawala na.

Marami siyang natanggap na regalo noon mula sa kanyang mga pinsan kaya na-enjoy niya ang pagbubukas. Pinakahuli niyang binuksan ang gift mula kay Ma’am Sef. Napanganga siya nang makita kung ano ang regalo nito sa kanya.

Nokia 3210.

Noong panahong iyon, cutting-edge pa sa mga modelo ng cellphone ang Nokia 3210. Napaka-big time naman na regalo, naisip niya. May kasama na iyong sim card, na nakalagay na rin sa slot. Nang i-on niya, may message na agad.

Galing kay Ma’am Sef.

Ang message: “Congrats on your graduation!”

Inilagay agad niya sa inbox ang number nito at nag-reply. Sinabi niyang sobra siyang natuwa at di inaasahan ang regalo nito. Sunud-sunod ang pa-thank you niya at smileys.

Nang mag-reply ito ay lalo siyang natuwa. “See you at the pizza house on Saturday. It’s located in kabayanan, near Jollibee. Around 10 AM, okay?”

Nag-reply siya ng: “OK po. See you.”

Nahalikan niya ang cellphone sa tuwa.

Araw ng Linggo ang kanilang graduation. Ang mga sumunod na araw ay ginugol niya sa paghahanap ng eskuwelahang papasukan. May mga kolehiyo sa Angono gaya ng University of Rizal System at mga private colleges. Nakakuha na siya ng entrance exam sa UST, at inisip niyang kung di siya makakapasa, mainam na ring may application siya sa iba pa. Pero priority niya ang UST.

Sila-sila pa ring magkaklase ang magkakasama sa pag-i-inquire. Nang nasa kabayanan na ay palihim niyang hinanap kung saan ang pizza house na pagtatagpuan nila ni Ma’am Sef. Tinandaan niya kung saan iyon.

Kumain silang magkakaklase sa isang fast food. Napag-usapan nilang bagong buhay na ang kanilang haharapin. Hindi na rin sila magiging magkakaklase lalo pa’t iba-iba ang kursong gusto nilang kunin. Nauwi ang topic sa mga naging magsyota, sa mga nabasted at nambasted. Nagkalabasan na rin kung sino ang may lihim na crush kanino.

Ang high school life talaga ay masayang kabanata ng buhay.

Biglang dumako ang usapan kay Ma’am Sef. Ang mga kaklase nilang lalaki ay di makapaniwala na napaka-cool palang pumorma ng art teacher. Ang seksi raw pala at ang ganda pag naka-casual. Parang ang sarap daw maging syota.

Tahimik lang siya sa pakikinig. Walang nakaaalam sa mga ito na nagkaroon sila ng bonding ni Ma’am Sef. Nang may magtanong naman sa kanya kung sino ang nagregalo sa kanya ng Nokia 3210, sabi niya’y ang kanyang inang dahil nakuha niya ang award na best in math.

Nang may gustong makigamit, hindi niya pinahawakan dahil makikita ng mga ito na ang nag-iisang entry sa contacts ay si Ma’am Sef. Ang damot daw niya, sabi ng mga ito.

Naubos ang kanilang weekdays sa ganoong aktibidad. At noong araw ng Sabado, maaga pa lang ay naghanda na siya sa pakikipagkita kay Ma’am Sef.

Kabubukas pa lang ng pizza house ay naroon na siya. Hindi muna siya pumasok sa loob at sa halip ay tiniyak niya kung naroon na ang dating guro. Wala pa ito. Pero saglit lang ay dumating na ito sakay ng isang scooter.

Lalo siyang humanga rito. Marunong din pala itong magmotorsiklo. Naka-shorts ito ng de-kulay na maong, rubber shoes at T-shirt na mahaba ang manggas. Cute ang gamit nitong helmet. Noon pa lang ay napansin na niyang kaya nitong mag-iba-iba ng hitsura depende sa getup. Hindi nga lang ito nag-aalis ng salamin sa mata.

Niyaya siya nito sa loob. Naghanap sila ng puwesto at maagap ito sa pagsasabing iyon na ang pinaka-blowout  nito sa kanya.

“Nakakahiya naman po. Ang mahal-mahal na ng regalo ninyo sa akin, kayo pa ang maglilibre,” aniya rito.

Kinindatan lang siya nito. “Bumawi ka na lang pag may work ka na. Ako naman ang magpapalibre sa ‘yo.”

Tumawa siya. “Sige po. Pangako ‘yan.”

Umorder ito ng pizza, salad at bottomless iced tea. Habang kumakain ay kung anu-ano ang napagkuwentuhan nila. Napatingin siya sa labas at nakita ang scooter nito.

“Ang cool n’yo naman. Marunong pala kayong magmotor.”

“Madali lang ‘yan. Kung marunong kang mag-bike, madali ka ring matututo niyan. Gusto mo bang matuto?”

“Opo.”

“Tuturuan kita…”

Nahalikan niya ito sa tuwa.

Sa lips…

 

SUBAYBAYAN!