Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 47)
Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA
(ika-47 labas)
NANG magbalik si Delia mula sa paggo-grocery sinabi nito kay Jason na doon na sila magpapalipas ng gabi sa motel. Na-excite naman siya at pumayag sa gusto nito.
Nag-text siya sa kanyang ina na bukas na siya uuwi. Napapasarap lang siya ng kuwentuhan sa mga dating kaklase, dahilan niya. Sumagot naman agad ito na sige lang.
Natutuwa siya sa kanyang ina. Mula nang makatapos siya ng hayskul ay naging maluwag na ito sa kanya. Noon kasi, kahit nagpapaalam siya, matagal na pakiusapan bago siya payagan.
Marahil ngayon ay inihahanda na rin siya nito na maging independent dahil nga magkokolehiyo na siya. Ganito rin kasi ang naging kuwento sa kanya ng kanyang mga naunang kapatid. Mahigpit ang nanay nila hanggang hayskul pero noong magkolehiyo ang mga ito ay hindi na. Katwiran daw nito, nagabayan na sila para sa matuwid na pamumuhay at alam na nila ang mali sa tama.
Muntik na siyang masamid sa naisip na iyon. Siguro nga ay matuwid ang kanyang mga kapatid, at siya pang bunso ang kung saan-saan napupunta ang landas.
Ano kaya ang iisipin ng kanyang ina pag nalaman nito na ang bunso ay may kakangkangan ngayon na halos doble niya ang edad, naisip ni Jason.
Isa-isa nang inilabas ni Delia ang mga pinamili kaya napatigil siya sa pagmumuni-muni. Marami itong biniling kung anu-ano—mula sa mga instant hanggang sa mga naka-seal na Japanese food. May mga canned beer, softdrinks at mineral water. May iba pa na hindi niya masyadong nasipat kung ano. May tinapay rin at kape.
May inihagis ito sa kanya na platic bag. “Binilhan kita ng T-shirts at briefs, saka deodorant. Sana eksakto sa ‘yo.”
“Thank you,” nasabi na lang niya at binuklat ang mga iyon. Nagulat siya nang makita ang brand ng ilang pirasong T-shirt. Mamahalin. Mukhang big time si Delia.
Inisip niya kung paano mag-e-explain sa ina pag nakita iyon. Pero saka na lang niya puproblemahin.
Nagbukas ng dalawang malalaking instant noodles si Delia. Ito na rin ang naglagay ng hot water doon. Iniayos sa maliit na mesa. Naglabas ng tinapay at nagbukas ng softdrinks.
“’Yung iba, three minutes ay okey na sa kanila ang noodles,” anito at tumingin sa kanya. “Sanay ako na five minutes after malagyan ng tubig na mainit saka ko kinakain. Kung gutom ka na, pwede ka nang mauna.”
“Sabay na tayo,” sabi niya.
Ngumiti ito.
Nagtanong siya rito. “Taga-Angono ka rin ba?”
“Kalilipat lang,” huminga ito nang malalim. “Pero baka ipagbili ko na rin ‘yung properties ko. Nalalayuan ako.”
“Saan ka ba dati?” usisa niya.
“Manila area. Eh, mura kasi ‘yung ibinentang bahay at lupa kaya kinuha ko. Pero napapagod nga ako sa byahe lalo na pag tag-ulan.”
Parang may nagdaang anghel at saglit silang natahimik. Kapagkuwa’y muli siyang nagtanong dito. “Bakit mo pala ako sinundan sa sinehan noon? Nakikita na kita sa labas, kaya nagulat ako nang tumabi ka sa akin.”
“Wala lang,” ngumiti si Delia. “Natipuhan lang kita. Ganoon lang kasimple.”
“Sabi mo hiwalay na kayo ng mister mo. Wala ka nang planong mag-asawa uli?” inosente niyang tanong.
“Bakit, pakakasalan mo ako?”
Nagkatawanan sila.
“Mahirap nang mag-asawa o makipagrelasyon muli,” sumeryoso si Delia. “Kung minsan kasi, pag naumpisahan na hindi okey ang love life, hanggang sa magtapos ay ganoon pa rin. Ayokong habambuhay na martir. Kaya gusto ko ‘yung ganitong patikim-tikim na lang.”
Natigilan siya sa sinabi nito.
“Sorry, ha…” pinisil siya nito sa braso. “Baka na-offend ka sa sinabi.”
Umiling siya. “Hindi naman. Ilan na kaming natikman mo?” painosente niyang tanong.
“Hmmm… pagkatapos naming maghiwalay ni Mister, pangatlo ka na.”
Huminga siya nang malalim.
Muli siyang tinapik ni Delia. “Problema ba ‘yun?”
Umiling muli siya. “Hindi naman. Wala… wala lang.”
Parang batang kinuskos siya nito sa buhok. Lumapit ang bumulong sa kanya, “Pero ikaw ang pinakamagaling. At ikaw ang pinakabata at pinakaguwapo.”
SUBAYBAYAN!