Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 71)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

Book VII

(Ika-71 labas)

ATTRACTED agad siya kay Sandra. At sa mahigit dalawang taon na niya sa campus na iyon, ngayon lang siya napatingin nang matagal sa mukha ng isang female student doon kahit pa nga sangkaterba ang magaganda. Focus kasi siya sa pag-aaral at hindi niya naiisip ang magkaroon ng syota.

Sinabi niya rito na may alam siyang art supply store, at nag-offer siya na sasamahan ito. Natuwa naman si Sandra.

“Mahirap talaga pag stranger sa Manila, manong,” anito habang papalabas sila ng campus. “Ang daming adjustments.”

Inilahad niya ang kamay rito at pabirong, “My name is not manong. I am Jason. Jason Vega.” At sinabi niya rito kung saang department siya.

Nagkamay silang dalawa at nagpakilala rin ito sa kanya. Malambot ang palad nito na ang bango, mukhang mahilig maglagay ng lotion. Nagpalitan din sila ng cellphone number. Nagdo-dorm lang daw ito malapit sa campus kasama ang ibang pinsan na sa ibang university naman naka-enrol.

Inasikaso niya ito at tinulungan sa mga pinamiling gamit. Lagi itong humihingi sa kanya ng second opinion kapag may doubt sa gamit na gustong bilhin. Inihatid pa niya ito sa department nito nang magbalik sila sa campus.

Actually, matapos ang insidenteng iyon ay nakalimutan na niya ito dahil naging busy siya sa pag-aaral dahil gusto niyang magaganda ang kanyang grades. After two weeks ay nag-text ito sa kanya. Nang sabihin niyang nasa campus siya ay kung pwede raw silang magkita, at kung anong oras siya puwede. Sinabi niya, at sa canteen sila nag-meet.

Tingin niya ay lalong naging cute si Sandra. Nakaupo na ito sa isang mesa nang lapitan niya, nagbabasa ng Algebra book. Ngumiti nang ubod-tamis nang makita siya.

Nagkamay silang muli bago siya naupo.

“Kumusta?” tanong niya rito.

Nagmuwestra ito na kunwa’y umiiyak, na para sa kanya ay napaka-cute ng dating. “Heto, sobrang stressed!” anito.

“Hindi halata,” biro niya.

“Stressed talaga ako. Kasi nahihirapan ako sa subject na Filipino,” sumeryoso ito.

Ngumiti siya. Hmm, forte niya ang Filipino. Mahusay siya sa English at Filipino, ayaw lang niya ng sobrang memorization.

“Ano’ng problema sa Filipino? Bakit, American ka ba?” biro niya.

Tinampal siya nito. “Dili man,” anitong nakabigla sa dialect. “Pinasusulat kami ng essay sa Filipino, nakagawa ako in English kasi mas mabilis akong magsulat in English pero di ko ma-translate into Filipino,” kunwa’y nagpapahid muli ito ng luha.

Ipinakita nito sa kanya ang computer printout ng sinulat nitong essay. Inabot niya iyon at pinasadahan ng basa. Na-impress siya sa sinulat nito. Good English, sa isip-isip niya.

Nag-offer siya rito ng tulong. “Hindi naman ako busy. Gusto mo i-translate ko ito sa Filipino?”

Nanlaki ang mga mata nito? “Talaga?”

“Oo, sandali lang naman ito, eh.”

Nagpakyut lalo ito ng mukha. “Oh... mai-treat man kita ng hamburger niyan!”

Umiling siya. “No. Huwag mong gagawin ‘yan. Pag ako ay ililibre mo, hindi ko gagawin ‘to.”

“How can I pay you?” sabi pa nitong pinalungkot ang mukha.

“Basta...” sabi na lang niya. Naglabas siya ng coupon bond, and right there and then ay isinalin niya sa Filipino ang sinulat nito. Manghang nakatingin ito sa kanya habang nagsusulat siya.

“Ganda man ng handwriting nimo,” anito sa cute Visayan accent.

“Mas maganda ka,” biro niyang hindi tumitingin dito. Nang hindi ito nag-react ay sinulyapan niya ito. Nagkulay-pink ang makinis at maputi nitong cheeks.

“Hindi man ako maganda,” kapagkuwa’y sambit nito. At masuyo siyang hinampas ng hawak na pantali sa buhok. “Pangit ko nga, eh.”

Nag-concentrate naman siya sa pagsusulat. Ayaw niyang biglain ito sa mga jokes niya, baka matakot pa sa kanya.

Nang matapos ang tanslation, iniabot niya rito ang papel na pinagsulatan. “I-typeset mo na lang.”

“Thank you talaga, Jason,” matapat nitong sambit. “I don’t know how I can pay you.”

“Basta may utang ka sa akin,” biro niya rito. “Darating ang time na sisingilin din kita.”

Muli siya nitong pinalo ng pantali sa buhok. “Ready man ako magbayad,” anito. “Basta thank you. Di kita makalimutan.”

Doon na nagsimula ang kanilang palitan ng text messages. Ang madalas na pagkikita sa canteen.

Minsan ay may iniabot na brown envelope sa kanya si Sandra. Kumakain sila noon sa isang fast food malapit sa campus.

“Ano ‘to?” tanong niya rito.

“Open it,” utos nito sa kanya.

Nang buksan niya, isang piraso iyon ng makapal na papel na ginagamit ng mga artist sa pagdodrowing. Natatakpan pa iyon ng tracing paper. Nang alisin niya ang tracing paper, tumambad ang kanyang pen and ink portrait.

Napaawang ang bibig niya sa pagkamangha. Kamukhang-kamukha niya ang drowing.

“Wow!” bulalas niya. Pagtingin niya sa ibaba ng drowing, naka-sign doon ang pangalan ni Sandra at ang petsa kung kailan nito iyon ginawa.

“I never thought you’re this good in art!” manghang-manghang sabi niya rito. “You could be a National Artist someday.”

“OA mo naman. Hindi totoo ‘yan. Wala kasi akong ginagawa sa dorm, naisip kita. Ayan ang result.”

Pinisil niya ang kamay nito. “You’re so sweet, Sandra.”

Sa pagkabigla niya, humilig ito sa balikat niya. Ang ulo ay idinikit pa sa dibdib niya.

Nabigla siya sa naging gesture nito. Gayunpaman, nakuha pa rin niyang ma-joke. “Uhm, baka makita tayo ng syota mo, eh, masaksak ako ng plastic na tinidor.”

“Wala man akong BF, Jason...” tumingin ito sa kanya. “Do you have a GF?”

Umiling siya. “Wala...”

Nabigla siya sa sumunod nitong sinabi. “I like you, Jason. I like you. A lot...”

 

SUBAYBAYAN!