Skip to main content

A Beautiful Love (Part 1)

 

Nobela ni SEL BARLAM

(Unang labas)

NAGISING si Aliyah sa malakas na pagtunog ng alarm clock na nasa ibabaw ng headboard ng kanyang kama.

Eksaktong alas kuwatro kuwarenta’y singko ng umaga.

Nagmamadali siyang bumangon, hinawi ang kurtinang tumatakip sa nasasalaminang bintana ng kanyang silid, sumilip.

Madilim-dilim pa sa labas pero alam niyang ilang sandali na lang ay mag-uumaga na.

Mabilis siyang nagbihis.

Sa kusina, nagbalot siya ng tatlong patong ng tasty bread na may palamang tuna at mayonnaise, at pinuno niya ng kape ang kanyang thermos. Pagkatapos ay tsinek niya ang kanyang equipment list na kakailanganin niya sa umagang iyon; camera, 24-70 lens, tripod, shutter release, cleared cards, etc.

Kailangang alas singko ng umaga ay paalis na siya sa inuupahang apartment, at dapat ay tinutumbok na ng scooter niya ang daan patungo sa lugar na paroroonan.

Eksaktong dalawampung minuto ang naubos nang marating niya ang lugar.

Mabilis niyang inilabas sa malaking bag ang kanyang mga equipment. Mula sa pagkakatayo sa bayside, humarap siya sa eastern horizon. Nagsisimula nang lumitaw ang mga gintong sinag ng araw.

Napangiti siya. Iyon ang pinakaperpektong tiyempong pinakahihintay niya. Batid niya na iyon ang pinakamagandang pagsikat ng araw na makikita niya.

Ipinuwesto niya ang kanyang camera sa tripod. Huminto sandali, sinipat upang makumpirma ang kanyang settings.

At nakatakda na sana niyang diinan ang shutter ng kanyang camera nang magulat siya sa isang malakas na kalabog na nagmula sa kanyang likuran.

Nang lumingon siya, nakita niya ang isang lalaking tila kaedad din niya na napaluhod mula sa pagkakadapa sa sementadong daanan ng bay walk, nasa anyo ang sakit sa sinapit.

Nagmamadali niyang tinakbo ang kinaroroonan ng lalaki, at tinulungan itong makatayo at inalalayan ding makaupo sa mahabang sementadong upuang nagsisilbing wall ng bayside mula sa dagat.

“O-okey ka na ba?” puno ng pag-aalaalang tanong niya sa lalaki nang ganap na itong makaupo.

“O-oo, salamat…” nasa mukha pa rin nito ang hirap mula sa pagkakadapa.

“Malakas ang pagkabagsak mo kanina…” aniya nang muling kausapin ang lalaki.

“Sanay na ako, palagi naman…” anang kausap nang malamlam na tumugon na sinikap tumayo para muling lumakad kahit halatang masakit pa ang mga paa.

“T-teka, saan ka pupunta? Kaya mo na bang maglakad?”nag-aalaala na naman niyang sabi.

Ngunit hindi tumugon ang estranghero. Nagpilit na itong lumayo kahit paika-ika.

Maliit na lang ang tanaw niya sa lalaki nang maalala niya ang pinakaimportanteng pakay sa bayside nang umagang iyon.

Pero nang lingunin niya ang araw, nakapagtago na iyon sa makakapal na ulap.

 

ITUTULOY