A Beautiful Love (Part 10)
Nobela ni SEL BAUTISTA
(Ika-10 labas)
MULA sa pagkakaupo sa pandalawahang table na kinapupuwestuhan sa tipanan nilang chicken house sa may bay walk, napangiti nang matamis si Bryan pagkakitang-pagkakita kay Aliyah na papasok sa kilalang kainan kung kaya mabilis na tumayo ang binata para salubungin sana ang dalaga pero hindi inaasahang nawalan naman ito ng balanse sa paglalakad, dahilan upang hindi sinasadyang tumumba sa malapit na mesang okupado ng isang mag-asawang dayuhan na kumakain din sa naturang lugar ng mga oras ding iyon.
Ang naganap na maliit na komosyon ay humantong sa paghingi ng paumanhin ng dalawa sa mga taong naabala at pagbabayad sa ilang pinggan at basong nabasag, gayundin sa tumapong mga pagkain.
Panay ang hingi ng dispensa ni Bryan kay Aliyah nang lumipat sila sa isa pang malapit na restaurant upang makaiwas sa mga bulungan ng mga taong pagkaraan ay ayaw pa rin silang tantanan ng tingin at pag-uusyoso.
“P-pasensiya na, hindi ko talaga sinasadya…” nahihiya pa ring wika ni Bryan samantalang nakaupo na sila sa isang corner table sa nilipatan nilang restaurant at nagsisimula na ring tumingin sa menu ng mga pagkain.
“It’s okay, alam ko namang hindi mo sinadya iyon,” may sinseridad na tugon ng dalaga.
“N-nasira ko ang first date natin…” sambit ulit ng binata.
“Sus, hindi naman! Huwag mo na ngang isipin ‘yon,” ngumiti siya upang mapalis ang mga agam-agam ng kausap.
“H-hindi na nga sana pero lately, dumadalas na ang mga nangyayari…” tila lalo namang niyakap ng insekyuridad ang tinig ng binata.
“Nangyayaring ano ang gusto mong tukuyin?” napakunot-noong napatingin kay Bryan si Aliyah.
“D-dumadalas na ang aking mga pagkadapa, may mga pagkakataon ding hindi ako makagalaw, hindi ko na mahawakan ang mga bagay-bagay nang maayos at palagi, nauutal na ako sa pagsasalita tulad ngayon…”
“’Yung sa Neurology Department test na ginawa sa iyo, ano ba ang findings sa mga ganyang sintomas mo?” tanong ng dalaga nang maalala ang ginawang pagsusuri sa binata ng departamentong iyon ng pinapasukan niyang pagamutan.
“Ang sabi ng doktor nang balikan ko ang resulta, spinocerebellar degeneration disease…”
Napatigil si Aliyah.
Tila tumigil ang tibok ng pulso niya. Batid niya, nakamamatay ang sakit na binanggit ni Bryan!
END OF BOOK I
(To be continued...)