A Beautiful Love (Part 11)
Nobela ni SEL BARLAM
Book II
(Ika-11 labas)
PATDA pa rin si Aliyah. Ayaw pa ring rumehistro sa kanyang sistema ng rebelasyon ni Bryan, lalo na ang kanyang isip na ayaw paniwalaan at tanggapin ang narinig.
May spinocerebellar degeneration disease ang binata. Isang sakit na mahiwaga, hindi alam ang lunas, nakamamatay.
“H-hindi kaya misdiagnosed lang?” ngayo’y buong pagkaawa siyang nakatitig sa binatang kitang-kita sa mga mata ang lamlam at kawalang-pag-asa.
“Magsisinungaling ba ang mga sintomas, ang resulta ng physical exam at MRI scanning sa utak, spine at spinal tap mula sa Neurology Department?” nakayakap ang pait sa tinig ni Bryan.
“Anu’t anuman, sa kasalukuyang kalagayan mo ngayon, makatutulong pa rin ang mga medication, controlled diet, vitamin therapy, lalo na ang physical therapy na patitibayin ang iyong mga muscle sa pamamagitan ng special devices na matutulungan ka sa paglalakad at iba pang mga aktibidad sa araw-araw…” aniyang mas pinalalakas pa ang loob ng binata.
“Narinig ko ang sinabi ng neurologist sa aking ina, mula sa resultang lumabas sa eksaminasyon sa aming family history, namana ko ang sakit na ito...”
Lalong nakadama ng awa ang dalaga sa binata. Walang lunas sa naturang sakit, lalo pa’t kapag ito ay namana.
“And it’s a progressive disease, na habang lumalakad ang mga araw, lalo naman akong lumalala, hindi ba?” dugtong nito sa sinabi.
“Di ba sabi kong may mga treatment naman?” pagpapalakas loob pa rin niya rito.
“Pero limitado lang…” malungkot nitong sambit.
“Pero ako, hindi limitado ang magiging pagtulong ko sa iyo, Bryan. Anuman ang pangangailangan mo sa kasalukuyan mong kalagayan, nandito lang ako. ”
Napatitig nang matagal si Bryan kay Aliyah.
At kapagkuwa’y napaluha ang binata.
ITUTULOY