Skip to main content

A Beautiful Love (Part 12)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-12 labas)

HINDI nagsisinungaling ang mga sintomas.

         Ang unti-unti at progresibong kawalan ng pagtutugma ng dating tulin ng lakad na nauugnay sa mahinang koordinasyon ng mga kamay, mga paggalaw ng mata at maging sa pagsasalita.

        Tandang-tanda pa ni Aliyah ang pagkakadapa ni Bryan sa bay walk, hininuha niyang maaaring nang araw na iyon ay nagsisimula na ring mawalan ng maayos na koordinasyon ang muscle movements ng binata.

        Hindi mabitiwan ng dalaga ang librong binabasa tungkol sa sakit na spinocerebellar degeneration disease o ataxia, na oo nga’t ang pasyente ay nananatili ang full mental capacity pero unti-unti naman itong nawawalan ng physical control, hanggang hindi na makayang gawin ang mga pang-araw-araw na gawaing dati’y rotinaryong ginagawa.    

        Nanlulumo si Aliyah sa mga tekstong natutunghayan tungkol pa rin sa nasabing sakit. Nadudurog ang kanyang puso sa katotohanan. Lalo pa’t kahit sa kasalukuyang modernong panahon ng mga makabagong pag-aaral sa medisina tungkol sa progressive at irreversible disease ay wala pa ring natutuklasan ditong lunas.

        Awang-awa siya kay Bryan. Batid niyang buung-buo, mababago ang mundo ng binata.

Lalo pa’t tila pa niya naririnig ang mga linyang malungkot na tinuran nito sa nakaraan nilang pag-uusap. “Ang mga tanawing nakikita ko ay katulad pa rin ng sa kahapon. Katulad din ng mga kalsadang dati ko nang nilalakaran. Pero unti-unting nagbabago ang mundo ko. Kung sino at ano ako noon, hindi na ang ako ngayon, at lalong hindi na rin sa hinaharap…”

       Babasahin pa sana niya ang tungkol sa rehabilitasyon ng naturang sakit nang hangos na dumating sa nurse’s station si Cookie at hindi magkandatuto sa pagbabalita tungkol sa nasa isip niya na binata.

       “Aliyah, si Bryan, siya ‘yung nakita kong isinugod na naman sa emergency room ng ospital!” medyo frantic na sambit nito.

       “Ha?” Ang lakas agad ng mga kabog sa dibdib ng dalaga.      

 

ITUTULOY