Skip to main content

A Beautiful Love (Part 13)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-13 labas)

TAMA si Cookie.

Si Bryan nga ang nakita ng kanyang kaibigan na isinugod sa emergency room ng ospital. Sa isang bahagi ng emergency room ay nakita ni Aliyah si Mrs. Soler na nasa anyo ang malaking pagkabahala, panay ang lamukos sa mga palad, panay ang agos ng mga luha. Mabilis niyang nilapitan ang ina ng binata upang malaman kung ano ang nangyari rito.

       “N-napaano po si Bryan this time, Mrs. Soler?” nakayakap na rin sa tinig niya ang pag-aalala nang itanong iyon sa matandang babae.

       “H-hindi na kasi siya makagalaw… at parang, lalong lumalala ang kondisyon niya araw-araw!” tugon ni Mrs. Soler sa pagitan ng pagtangis.

       Batid ni Aliyah, ang mga kumplikasyon na ng sakit ni Bryan ang umaatake sa binata.

       “A-ano ang maaaring mangyari sa anak ko?” ayaw mapatid ng mga luha ng ina ni Bryan nang magtanong sa kanya.

       “Mga eksperto po ang mga doktor natin dito, maibibigay po nila sa anak ninyo ang tamang treatment para sa kanyang sakit,” pagpapakalma ng dalaga sa nagkakawatak-watak na kalooban ng matandang babae.

       “Pero iba na ang kanyang kalagayan, nakikita ko…”

       “Kailangan po ninyong manalig…”

       “Ayaw maalis ng aking kaba…”

       “Ang mabuti pa, doon po muna kayo sa chapel ng ospital. Doon ay mapapanatag po kayo…”

        Pagkahatid kay Mrs. Soler sa chapel ng ospital ay muling binalikan ni Aliyah sa emergency room si Bryan.

       Awang-awa ang dalaga sa binata. Naging mabilis ang pagbagsak ng pangangatawan nito. Humpak na ang mga pisngi, malalim na ang paligid ng mga mata, hapis na ang mukha.  

       Sa kasalukuyang kalagayan ni Bryan, kitang-kita ang depressive symptoms na dinaranas ng binata.

       Eksaktong pagdating ng doktor na mag-aasikaso kay Bryan ay siya namang pagkalabit sa kanya ni Cookie sa balikat habang isinisenyas ang gagawin nilang ward-round process para sa oras na iyon.

        Bago siya ganap na tumalikod ay umusal siya nang mahinang dalangin para sa kagalingan ng kalagayan ng binata.

            Aaminin niya, nadudurog ang puso niya sa mga nagaganap kay Bryan.

 

ITUTULOY